VAT refund sa turista?

APRUBADO kay Marcos Jr ang rekomendasyon na magpatupad ng refund sa buwis na tinatawag na Value-Added Tax (VAT) para sa dayuhang turista simula 2024.

Ibig sabihin, ang VAT sa mga produkto na bibilhin ng dayuhang turista ay maibabalik sa kanila.

Una kong reaksyon dyan, manlilibre ka ng buwis sa turista pero ang mahihirap, nasasakal sa dami ng buwis at mataas na presyo ng sibuyas.

Pangalawa, kikita ba talaga ang Pilipinas dyan kasi hindi naman tayo tourist shopping destination.

Mas nagpupunta pa ang mga turista sa Pilipinas dahil sa award-winning beaches, iba pang world-class tourist spots at hindi dahil may Divisoria at Greenhills na sikat sa imitation at Class A at B products.

Sa online travel website na Tropic Sky, kasama sa best shopping destinations ang New York (Except in Louisiana, walang tourist refund sa US); Hong Kong (tax-free); Paris (12% lang ng 20% VAT ang madidiscount); Tokyo (Tax-free) at London (no more VAT refund).

Pangatlo, ang bibigyan ba ng VAT refund privilege na yan ay foreign tourists lang at hindi kasama ang local tourists tulad naming mga Bisaya at Ilokano?

Pang-four, dahil masaklaw siya, mabusisi at malaki at marami ang accountable, hindi ba dapat idaan sa legislation para mapagdebatehan nang husto imbes na i-shortcut pero talo naman ang bansa sa kikitain? O overthinking lang ako?

Wala namang feasibility o study na ginawa o pinagbasehan kundi lobby lang yan ng mga negosyante na myembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC). 

PSAC ang nagrekomenda ng VAT Refund kay Marcos Jr nung last Thursday, specifically yung tourism cluster; nang nagmiting sila.

Tinawag nilang “Quick Wins” ang mga rekomendasyon sa pag-asang mapalakas ang turismo sa Pilipinas.

Pang-lima, porsyento lang ba o buong 12% ng VAT ang ire-refund?

May mga nagbalita na buong 12% ng VAT ang ire-refund, pero kailangan may minimum amount ng mga nabiling produkto.

Pang-six, automatic ba ang VAT refund pag nagbayad ng pinamili ang turista?

Tulad sa VAT, pre-programmed ang computation sa cash registers.

Sa European Union kasi kailangan bayaran muna ang item tapos ipo-proseso ang refund. 

Hihingan ka ng passport patunay na turista ka (at hindi terorista, joke) at ipapakita mo resibo.

May service charge pa nga sa EU kaya nabawasan pa ang marerefund ng turista.

Pang-pito, anong mangyayari sa tourist duty-free shops? Magiging kakumpetensya na ba nila ang malls, supermarkets, etc. tama ba? 

May government-owned duty-free shops at meron namang duty-free stores ang pribadong sektor.

Pag napatupad na ang VAT refund sa turista, lalabas na duty-free shops ang lahat ng tindahan sa Pilipinas.

Pang-walo, exempted din ba ang sin products tulad ng liquor at cigars sa VAT refund? 

Kasi may sin tax law riyan na hindi pwedeng dedmahin sa gagawing executive order.

For sure, may limit sa dami ng bibilhin at presyo ng napamili. 

Nung July 2022, inilabas ng online travel site na Today’s Traveller ang research ng money.co.uk sa best at worst countries for tax-free shopping.

Kinuha nila ang average savings sa luxury items kapag tinanggal ang VAT.

Kasama sa luxury items na sampol nila ang Chanel handbags at Apple MacBooks.

Lumalabas na Number 1 o best country sa tax-free shopping ang Croatia na 25% ang VAT as in sobrang doble sa 12% VAT sa Pilipinas.  

Nasa 17.12% ang average savings o natitipid ng turista sa mga produktong binili kapag inalis ang VAT.

Pumangalawa naman ang Hungary na so far, pinakamataas ang VAT sa 27% pero nakatipid ng average na 16.80% sa items na binili ang tourists dahil walang VAT.

Third place ang Sweden na may 15.22% savings sa produkto na hindi pinatungan ng 25% VAT.

Worst country naman sa tax-free shopping ang Luxemburg na 10.44% lang ang natitipid sa items na walang pataw na 17% VAT.

Pangalawa ang Cyprus at pangatlo ang Germany.

Ang tanong, dumami ba ang mga turista sa mga bansang best for tax-free shopping? 

Hindi kasama sa study kung dumami ang turista sa mga bansang may tax refund, best o worst man yan.

Sa research ng Global Blue na isang shopping tax refund company, nung parte pa ng European Union ang UK, nakakapag-refund sa VAT ang mga turista.

Ang Gulf state tourists ay gumagastos ng average na 24,000 Euros.

Nung nag-Brexit sila, inabolish din nila ang duty-free shopping scheme.

Mula January 1, 2021 after Brexit, nagmahal ang items ng 20%. 

Sumayad ang tourist spending dahil mas piniling mamili ng mga turista sa EU countries na may VAT refunds. Walang kinita ang tourism stores sa UK.

Kakaiba naman sa Turkey, lumabas sa pag-aaral nung 2017 na willing ang mga turista magbayad ng tourist tax kung alam nilang gagamitin sa kapaki-pakinabang na proyekto.

Lumabas yan sa scholarly journal, MDPI, June 15, 2017.

Kung susumahin, makatutulong aralin mabuti kung may significant impact sa ekonomiya ang balak na VAT refund sa mga turista o wala, bago pa man ito isabatas.

Gusto na naman tayong brasuhin tulad ng ginawang pagmamadali sa panukalang Maharlika Sovereignty Fund na may downside pala or subject to corruption.

Tapos ang Quick Win na VAT refund for tourists ay maging Quick Loss naman bandang huli.

Ayun pala, gusto lang kumita ng mga kapitalista para mabilis mabawi ang lugi sa pandemic.

‘Wag ganun.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]