Utang, katiwalian at ang leksyon ng bansang Sri Lanka

SAAN papunta ang ekonomiya ng bansa ngayon?

Isang public official at kilalang economic manager sa Bicol ang nagsabing nasa P326 bilyon kada taon ang kailangan ng Pilipinas para pambayad ng utang dayuhan o utang panlabas ng Pinas. Nakakalula!

Imbes na gamitin ang perang pinambabayad sa interes ng inutang, dapat ay napupunta na sana ito para sa subsidyo ng ilang sector upang makatulong sa pagpapataas sa antas ng kabuhayan nila.

Nakikinita ng mga economic analysts na malaki ang posibilidad na magtaas pa ng buwis ang susunod na administrasyon sa darating na mga araw dahil sa napakalaking debt service na kailangan para sa utang ng Pinas na umabot na ng P13 trillion sa kasalukuyan.

Sa nakikinitang pagtaas ng buwis upang makalikom ng pondo ang gobyerno, asahan ang ripple effect nito sa presyo ng langis, kuryente at mga pangunahing bilihin. Awit talaga, sheesh!

Isa iyan sa madalas na kondisyon ng foreign funders gaya ng International Monetary Fund at World Bank, upang maglabas ng bagong pautang (fresh loans) sa nangungutang na bansa. Sinisiguro nito na matupad ng umutang na bansa ang pagbabayad o debt service.

Kesehodang malugmok sa kahirapan ang mga mamamayan ng naturang bansa dahil sa mataas na buwis bunsod ng IMF conditions.

At hindi diyan nagtatapos ang pag-utang.

Bukod sa kailangang umutang para may maipambayad ng utang panlabas (debt service), inaasahan ding madadagdagan pa ang 13 trilyon na kasalukuyang utang para sa mga bagong proyektong ipapatupad naman ng susunod na uupong pangulo ng bansa.

Walang masama sa pangungutang. Halos lahat ng bansa ay nangungutang. Kailangan ito para matustusan ang mga pampublikong proyekto.

Ang masama ay pag-utang na hindi napaghandaan o napag-aralang mabuti. Ang pag-utang na hindi isinaalang-alang ang mataas na interes. Ang kakulangan ng sapat na analisis sa mga patakaran o kondisyones ng bansa o institusyong inuutangan.

Kung inilalagay sa priority areas sa pampublikong sector ang inuutang, walang masama. Subalit sa realidad kasi, malaking bulto ng inuutang ay napupunta sa katiwalian.

Subalit higit diyan ay ang klase ng economic managers na itinatalaga ng bansa para sa mga ganitong transaksiyon. Mapagkakatiwalaan ba sila ng taumbayan? May pagpapahalaga sa integridad bilang itinalagang economic managers?

Economic mismanagement ang madalas na dahilan kung bakit nalulugmok ang isang bansa sa pagkakautang at nahirapan nang bumangon.

Gaya ng Sri Lanka ngayon.

Nagdefault ang Sri Lanka sa multi-milyong pagkakautang nito sa mga dayuhang nagpapautang. Humihingi ng tulong ang kasalukuyang gobyerno doon upang magkaroon ng pondo dahil naubusan na umano ito ng foreign currency reserves.

Ang deklarasyon ng default status (ng debtor), ang Sri Lanka, ay senyales na nawalan na ng tiwala ang mga namumuhunan, kaya mahihirapan na itong makautang muli. Kaakibat ng pagkawala ng tiwala ay ang pagbaba ng halaga ng money currency ng bansa.

Paano nakakaapekto sa mga mamamayan ng Sri Lanka ang ganitong senaryo?

Dahil nakaasa rin sa imports ang Sri Lanka gaya ng Pinas, nagkakaroon ng matinding krisis sa pagkain at mataas ang implasyon. Ang matindi, ang nangyayaring brownouts na umaabot sa 15 oras kaya nakatengga ang mga gawain at apektado nang malaki ang health system.

Nagsimula na ang social unrest doon bunsod ng malawakang kagutuman at matinding pagkadismaya sa mga nasa gobyerno lalo pa at magkakamag-anak ang ilang nasa mataas na posisyon.

Hindi na kinakaya ng Sri Lankan government ang mag-angkat ng batayang mga pangangailangan sa pagkain at langis para sa mga makina at sasakyan.

Isinisisi ng gobyerno ang pagkaubos ng pondo sa ginawang pagresponde sa pandemya, pero ayon sa mga eksperto, mas dapat isisi ang mga pangyayari sa economic mismanagement ng pamahalaan.

Nagkautang ng malaki ang Sri Lanka ayon sa mga kritiko, dahil sa ipinatayo ngunit hindi kinakailangang mga infrastructure projects. Mataas din umano ang interes na ipinatong ng bansang Tsina sa mga foreign debts nito.

Hindi rin naging balance ang mga patakaran sa pagbubuwis at pati na ang polisiya sa importasyon.

Hindi ko maiwasang iugnay ang nangyayari sa Sri Lanka sa posibilidad na maaaring mangyari rin dito sa Pinas- o sa iba pang bansa na laging nakaasa sa foreign debts.

Sa ngayon ay sinasabi ng mga eksperto na hindi dadanasin ng Pinas ang nangyayari sa Sri Lanka dahil maayos pa o manageable ang Philippine debt–subalit at the expense of Filipinos na kailangang maghigpit ng sinturon dahil sa nagtataasang mga presyo.

Oo nga at magpapatuloy ang good credit rating ng Pinas sa mga foreign funders at mga institusyong nagpapautang dahil inuuna ng gobyerno ang debt servicing, pero ang taumbayan ang patuloy din ang pagsasakripisyo at paglaban sa kahirapan dahil mas nagiging mabigat ang pamumuhay bunsod ng mga polisiya ng gobyerno na pro-debt servicing at anti-people.

Huling alternatibo na lang sana ng gobyerno ang pag-utang sa foreign funders at linisin muna ang bansa sa systemic corruption ng mga nakaupong opisyales. Suntok sa buwan, pero nasa political will ng uupong administrasyon ang kahihinatnan ng bansa in terms of economic recovery.

Until then, saka pa lang ako maniniwalang hindi susunod ang Pinas sa tinatahak ngayon ng Sri Lanka.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]