Unemployment dadami pa dahil sa inflation

ANG maling paggamit ng pamahalaan ng “cyclical total lockdown” o paulit-ulit na paglockdown bilang pagtugon sa pandemya ang pangunahing dahilan ng pagkalagas ng mga negosyo at trabaho sa bansa.

Sa halip, dapat ginamit ang “hard granular lockdown” sa simula’t sapul para patuloy pa rin na hinayaang tumakbo ang ekonomiya sa mga industriya o mga lugar na mababa ang Covid infection rate.

Pangalawang dahilan ng pagsipa ng “unemployment rate” ay ang walang patid na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Hindi pa nga nakakarekober sa lockdowns, nabubuhusan pa ng halos walang patid na pagtaas ng presyo ng petrolyo mula pa noong Agosto. Pansinin na ang limang subsectors na malalaki ang bilang ng pagkalagas ng trabaho ay sa: agriculture and forestry (-862 thousand); manufacturing (-343 thousand); ICT (-126 thousand); mining and quarrying (-75 thousand); at real estate activities (-69 thousand). Maliban sa real estate at ICT, ang operasyon ng mga industriyang ito ay pinapatakbo ng produktong petrolyo.

Sa paulit-ulit na lockdowns, ang ibang kumpanyang export ay lumipat na sa ibang bansa, o pinaliit ang kanilang operasyon dito sa bansa o tuluyan nang nagsara. At dagdag dagok sa mga kumpanyang nagbabakasakaling makarekober sa pandemya ang tila walang katapusang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Mula Agosto 31 hindi na tumigil, naka-siyam na beses na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo katulad ng gasoline, diesel at kerosene. Ang presyo ng diesel sa Metro Manila ay umabot na sa P54.17 kada litro at P61.27 naman sa Southern Luzon, mga lugar na masasabing manufacturing hubs. Sa Mindanao na agribusiness at fishing hub ay pumalo na sa P70.65 kada litro ang presyo.

Batay sa Labor Force Survey ng PSA, pumalo sa 900,000 pa ang nawalan ng trabaho sa panahon ng July, August hanggang September 2021.

Mula 3.8 million, umabot sa 4.2 million ang walang trabaho na mga Pinoy sa naturang panahon.

Kung walang gagawin ang gobyerno sa walang habas na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi lang patuloy na malalagas ang mga negosyo at trabaho, kundi mas lalala ang gutom dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain at ng mga pangunahing bilihin.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]