Sisiyasatin ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court ang mga pagpaslang sa Davao at sa buong kapuluan mula nang magkabisa sa Pilipinas ang Rome Statute of the International Criminal Court noong Nobyembre 1, 2011.
Niratipika ng Pilipinas ang tratadong Rome Statute of the ICC. Isasagawa ang preliminary investigation sa mga naganap na targetted killings sa ating bansa sa pangunguna ng bagong ICC Prosecutor na si Karim Khan.
Walang dudang aaprubahan ng ICC Pre-Trial Chamber sa lalong madaling panahon ang kahilingan ni dating ICC Prosecutor Fatou Bensouda na magsagawa ng preliminary investigation ang ICC Prosecutor sa sitwasyon ng malawakan at sistematikong pagpatay sa mga sibilyan ng mga ahente ng estado sa utos, udyok, panghihikayat, at pangungunsinti ni Duterte.
Magbibigay-daan ang preliminary investigation na ito sa paglilitis kay Duterte at iba pang matataas na pinuno ng pulisya at pamahalaan sa ICC, ang ating kauna-unahang pandaigdigang hukumang pangkriminal.
Dahil sa matinding pagbatikos ng Malakanyang sa mga galaw ng ICC, maaaring maglabas ang ICC ng warrant of arrest – sa halip na summons – laban kay Duterte at iba pang dawit sa crimes against humanity of murder.
Maaari rin siyang pagbigyan – summons muna. At kung di niya siputin ang ICC, tulad nang inaasahan, arrest warrant. Sa madaling salita, di malayong maging pugante si Duterte sa malapit na hinaharap. Duterte – wanted.
Sa sandaling maglabas ng summons ang ICC kay Duterte upang magtungo siya sa hukumang nakabase sa The Hague, The Netherlands upang harapin ang asuntong crimes against humanity of murder, torture, and other inhumane acts laban sa kanya at matataas na pinunong sibilyan at pulis, malabong-malabong magtungo roon si Duterte.
Matapang lamang siya sa salita at mag-utos sa kanyang mga tutang heneral na pumatay nang pumatay. Ayon nga sa Bibliya, “The wicked flee when no man pursueth: But the righteous are bold as a lion.” (Proverbs 28:1 King James Version)
Duwag si Duterte. Patunay nito ang kanyang pagpapakatuta sa imperyalistang Tsina na nagpapanggap na may-ari ng halos buong South China Sea pati na karagatang saklaw ng territorial sea at exclusive economic zone ng Pilipinas.
Tuta na, duwag pa.