Traffic na, palpak pa ang mass transport system

NAKAKATAWA ang Department of Transportation (DOTr). 

Kasi, hinihikayat nila na tangkilin natin ang mass public transport system ng bansa, lalo na rito sa Metro Manila. 

Kesa sa gumamit ng sariling sasakyan, bakit ‘di raw tayo sumakay sa mga public transport gaya ng tren.

Ayon sa DOTr, panahon na raw para baguhin natin ang ating pananaw sa mass public transport dahil pag tinangkilik natin ang mga mass public transport, makatutulong ito sa pagluwag ng trapiko.

Makatitipid din daw ang mga motorista sa gasoline o diesel.

Teka, nag-iisip ba mga taga DOTr?

Hindi ba nila alam na tinatangkilik naman ng publiko ang mass transport ng bansa?

Hindi rin ba nila alam na kung may choice lang ang mga may-ari ng pribadong sasakyan ay mas gusto nilang mag-commute para nga makatipid?

Alam din ba ng DOTr na malabo nang maayos ang problema ng trapiko sa Metro Manila dahil hindi naman napapaluwagan ang mga kalsada, pero patuloy ang pagtaas ng bilang ng populasyon.

Bago sana magsalita ang mga taga DOTr, sana ay naisip nila na kaya bumibili ng sariling sasakyan ang mga kababayan natin ay dahil nga sa kulang ang mass public transporation natin. 

Nariyan pa na tatanggalin sa kalsada ang mga driver at operator ng jeepneys na hindi sumama sa kooperatiba para sa konsolidasyon ng public utility vehicle modernization program. Libu-libo ang maaapektuhang pasahero, pati na mga driver at operator na mawawalan ng kabuhayan.

Hindi kasi pinakinggan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Junior ang hinaing ng mga driver at operator bakit tutol sila sa konsolidasyon.

Ang nakakainis pa, gumamit siya, kasama ang pamilya niya, ng chopper papunta sa concert venue sa Bocaue, Bulacan dahil sa traffic papasok sa Philippine Arena.

Ang kapal lang kasi buwis ng taumbayan ang pinambabayad sa bawat gamit nila ng resources. Nagdesisyon na gamitin ang presidential chopper dahil daw sa security reasons. Sige na nga. 

Sa mga darating na taon, magiging operational na ang ibang linya ng Light Rail Transit at Metro Rail Transit.

Tama naman ang DOTr na magiging convenient na para sa libu-libong commuter pag naging operational ang mga ito. May pila man, kumpara sa bus, jeepneys , at iba pang transport system, mas mabilis pa rin ang tren.

Naintindihan ko naman ang punto ng DOTr sa paghikayat sa mga pasahero na tangkilikin ang mga mass transport system natin, gaya ng tren o mga bus. Pero ang reyalidad, ang trapiko sa mga lansangan dito sa Metro Manila ay mahirap nang maayos dahil masikip ang mga kalsada.

Kung magagawang efficient ang mass transport system, senyales ito ng pag-unlad ng isang bansa kung ang transport system ay maayos.