Consistent siyang magmahal. Hindi napapagod. Hindi sumusuko, Hindi pinanghihinaan ng loob.
Maalab. Dalisay. Buong-buo.
Maraming beses pinaratangan, ikinulong, nilibak, itinanggi, ipinako sa krus—subalit andiyan pa rin siya at handa kang ipaglaban.
Teka, bago kayo mag-isip ng kung anu-ano, gusto kong linawin na hindi ito update tungkol sa aking lovelife, mga Marites.
Tungkol ito sa taong pinanghihinayangan ko na hindi naluklok sa pagka-senador noong 2016. Nasa numero 26 or 28 siya sa huling resulta ng bilangan ng taon na iyon. Siya ang aking “the one that got away.”
Ang “totga” na nais kong maging “the one who is here to stay” ay ang “ama ng konsumerismo”, abogado ng bayan na si Neri Colmenares. Kasi sayang. Sa kapasidad at kuwalipikasyon, wala kang hahanapin pa. Hindi ako mag-aapologize for using the superlatives in describing him.
Real talk yan.
Naalala ko, sometime in 2015, naka-meeting ko siya sa isang resto sa Kalayaan Avenue. Mahigit 10 katao kami, kabilang ang limang magsasaka mula sa Rizal. Matapos kaming kumain ay pasikreto niya akong inabutan ng P3,000 at binulungan na hati-hatiin ko ang pera para sa pamasahe ng mga magsasaka. Huwag ko daw sabihin kung kanino galing ang pera.
Ganyan si Neri sa mga mahirap. Kahit huling sentimo niya ay ibinabahagi sa nangangailangan. Pipilitin niyang mapagaan ang iyong pinapasan. Brother’s keeper.
Noong 2017, humarap ang aking organisasyon sa higanteng hamon tungkol sa competitive selection process ng mga power supply agreements. Respondents sa kaso ang Energy Regulatory Commission, ang Meralco, ang Philippine Competition Commision, ang Department of Energy, at pitong coal power plants. Si Neri, kasama ang abodago mula sa kanyang grupong National People’s Lawyers (NUPL)ang to the rescue sa laban naming sa Korte Suprema. Isang landmark case of transcendental importance na malaki ang impact sa hinaharap ng consumer rights and welfare.
Noong mga taon ding iyon, kapag umaattend ako sa Joint hearings ng Kamara at Senado tungkol sa usapin ng electric power at si Neri ang resource speaker, napapanganga ang mga mambabatas sa expertise niya sa isyu. Tiklop sila sa kanya. Lethal combination yung fact-based at socially-driven na tindig niya sa mga isyung pambayan. At hindi lamang siya nambabatikos, may nakahanda siyang mga rekomendasyon.
Sa kaarawan ni Neri the other day na nagsilbing fundraising event para sa katulad niyang walang malaking logistics para sa kampanya, marami akong nalaman pa sa pinagpipitagang taong ito. Sa kabila kasi ng pagiging three-term congressman niya, hindi siya nagpayaman sa puwesto. Aniya, ito ang irony ng walang pera pero may mass base. Marami aniya ang mga pulitikong may pera pero walang totoong tao. Walang warm bodies.
Ipinagpapasalamat niya ang presensiya ng maraming tagasuporta—mula magsasaka ng Bulacan na naghatag sa kanya noong gabing iyon ng regalo na sako-sakong gulay at mga legal luminaries gaya ni Dean Tony la Vina, mga NUPL lawyers. Present din ang chess grandmaster na si Eugene Torre, dating Department of Agrarian Reform secretary Nani Braganza at dating VP Jojo Binay.
Sa table kung saan ako nakaupo ay kasama ko ang kilalang artista at aktibista na nagbulong sa akin ng kaganapan sa 1Sambayan. Aniya, number 1 daw si Neri sa internal survey ng naturang grupo pero kataka-takang hindi ito niri-release sa publiko. Parang mi conspiracy na i- underrate ang makabayang abogado.
Obviously, wala akong opposition sa 1Sambayan. Totoong pagkakaisa ang hangad ko sa lahat ng oposisyon. In fact, suportado ko ang ilang nakalinya doon na senatoriables. Lalo na kung ang plataporma ay kagaya ng kay Neri naka highlight ang empowerment ng consumers.
Tubong Negros, maagang namulat sa inhustisya ng lipunan si Neri.
Isa sa di niya malilimutan ay ang kaganapan noong Mayo 13, 1979. Nasa isang kainan siya para makipagkita sa kapwa church worker (miyembro siya noon ng Student Catholic Action at Student Christian Movement) upang makibalita tungkol sa mga inaresto sa raid sa panahon ng Martial Law.
Wala siyang kaalam-alam na ang kausap niya mismo ay isa sa mga naaresto ng militar at pansamantalang pinalaya upang gamitin na maipasok sa bitag si Neri. Saglit lang ang kanilang naging pag-uusap; sinabihan siya na kailangan niyang umiskapo dahil parating ang military para siya ay arestuhin. Subalit huli na ang babala. Palabas siya ng naturang restoran nang dakmain siya at puwersahang ipasok sa sasakyan.
Sa loob ng piitan, dumanas siya hindi lamang ng pisikal na tortyur kundi maging sikolohikal. Sa loob ng selda, pinapasok siya ng lasing na sundalo at tinatanong kung masuwerte ba siya sa gabing yun habang pinapaikot ikot ang gatilyo ng baril, isang uri ng tortyur na kung tawagin ay Russian roulette.
“Each click of the gun’s firing pin was like a bomb explosion, and it was repeated several times. I was so terrified. Every time I heard the click of the gun hammer, I imagined my head exploding,” lahad niya sa isang artikulo ng Humans of Pinas.
Noong 1980, pinalaya si Neri sa piitan dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Makalipas pa ang maraming taon at naging abogado si Neri. Itinayo niya ang National Union of People’s Lawyers (NUPL). Nakita niya ang pangangailangan ng mga abugadong hahawak ng mga public interest cases.
Mula sa pagsilip sa mataas na singil sa kuryente, tubig, telepono, tollways, inilaban din ni Neri ang karapatan ng mga napagkaitan ng hustisya, nawalan ng trabaho at mga benepisyo para sa medical frontliners. Isa sa mahalagang plano niya ay gawing parehas ang kita ng mga manggagawa sa kalunsuran at kanayunan. Aniya, wala dapat diskriminasyon sa minimum wage dahil pareho lamang ang presyo ng mga bilihin saan mang lugar. Minsan pa nga ay mas mahal ang bilihin sa probinsiya.
Napakaraming kontribusyon ng aking totga sa lipunan. At marami pa siyang kayang gawin.
The one that got away in 2016 should be here to stay in 2022. Ipanalo natin ang karapat-dapat.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]