Todong suporta ni Nelson Ty kay Isko Moreno

TAONGBAYAN ang maghahalal sa bawat kandidatong tumatakbo ngayong darating na eleksyon na nakatakda sa Mayo 12. At kung lokal na eleksyon ang pag-uusapan, malaking bagay sa tagumpay ng bawat kandidato ang suporta ng mga barangay chairman at mga kagawad sa kani-kanilang distrito.

Tulad sa Lungsod ng Maynila, masasabing matindi ang labanan sa pagitan nina Mayor Honey Lacuna at dating Mayor Isko “Yorme” Moreno, at makikita sa dalawang kandidato kung gaano katindi ang “panliligaw” ang kanilang ginagawa hindi lamang sa mga botante kundi maging sa mga kapitan at kagawad ng bawat barangay.

At hindi man suyuin, isa si dating Chairman Nelson Ty ng Binondo ang ngayon ay sumusuporta kay Isko. Malinaw ang dahilan ni Nelson kung bakit si Yorme ang kanyang dadalhin sa darating na halalan… may political will!

Paliwanag ni Nelson, “Mahigpit si Yorme bilang isang mayor lalu na kung ang ipatutupad nito ay tama at naaayon sa batas. Kapakanan at interes ng Manilenyo ang inuuna ni Yorme.”   

Bilang isang lingkod bayan na nakabase sa Binondo, hindi makakalimutan ni Nelson ang ipinangako ni Yorme na higit pang pauunlarin ang negosyo sa Binondo at palalakasin pa ang turismo kabilang na ang mahigpit na pagpapatupad ng peace and order.

Sabi pa ni Nelson, “ang disiplinang ipinatupad ni Yorme sa Maynila ay hindi matatawaran lalo na para sa tamang paggamit sa mga kalsada at bangketa, at pagsasaayos ng mga kapaligiran sa bawat komunidad.”

Si Nelson din ang saksi, bilang isang dating chairman kung papaano tinugunan ni Yorme ang paglaban sa pandemya dala ng Covid 19 na higit na apektado ang mga mahihirap at kapos na Manilenyo.

At ang housing distribution at healthcare improvements na pangunahing programa ni Yorme ang pinakaaabangan ngayon ng mga Manilenyo sa nalalapit na pagbabalik ni Yorme sa Mayo bilang Ama ng Maynila, at kabilang si Nelson sa umaasang ito ay maisasakatuparan.

Tinitiyak din ni Nelson ang panalo ni Yorme, kabalikat ang mga Manilenyo na maisasakatuparan ang isinisigaw ni Yorme… Lets make Manila great again!