‘TikTok economy’

ANO ang mas bet mong gawi, maglaro at kumita o matuto at kumita, or both?

Tinaguriang “Social Media Capital of the World” ang Pilipinas at dito mo matatagpuan ang iba’t ibang uri ng influencers na gumagawa ng vlogs/blogs tungkol sa pagmomotorsiklo, pagsasaka, pagpapaganda, pag-aayos at dekorasyon ng bahay, pagkukumpuni ng sirang gamit, page-ehersisyo. Marami rin ang mga vlogs/blogs sa travel, fashion, pagnenegosyo.

Pero ang mas nakakatawag-pansin ay mga vlog/blog tungkol sa personal na buhay, relasyon, pagpapakita ng kaseksihan, kaldagan, bardagulan, pranks, unboxing at dance challenges.

Trending ang mga ganitong uploads sa Facebook, YouTube, Twitter at siyempre, ang pinakamalaganap na app sa ngayon, ang TikTok. Sa kabuuang isang bilyong tao na gumagamit ng app na ito sa buong mundo, 33.0 milyon dito ay mga Pinoy na aktibong nagti-TikTok, ayon sa ulat as of November 5, 2021.

Magkano ba ang kita sa TikTok? Tinaguriang “influencer marketing”, ang mga Pinoy TikTok users ay maaring kumita ng hanggang P150,000 kada buwan, or P5,000 bawat upload sa naturang platform.

Ang TikTok app ang “most downloaded app of 2020”, kasagsagan ng pandemya at nagpapatuloy ang paglakas nito hanggang ngayon. Basta nakakaaliw ang iyong “content”, siguradong dudumugin ang iyong TikTok account.

Marami na ang iniwan ang trabaho sa tunay na buhay upang tumutok sa paggawa ng content para sa TikTok. May mga kumikita ng milyon kada buwan, may mga nabigo at naglaho.

Paano sila kumita?

Sa pamamagitan ng tinatawag na affiliate marketing, brand sponsorship, promotion of own business or other people’s business, and selling one’s music. Sa mga streams o contents, bawat click ng nanonood o nagpa-follow sa account ng TikToker, at bawat bili sa ina-upload na produkto, may komisyon ang TikToker.

Kung may mahigit 1,000 followers ka naman sa TikTok, puwede ka ring kumita sa pamamagitan ng virtual tipping o pagpapadala ng digital coins o stars na puwedeng ma-convert sa cash.

Laro lang di ba? No sweat at manual labor kada araw pero kumikita. At hindi minimum wage kung hindi milyones.

Naalala ko tuloy ang Squid Game na K-drama series. Parang ganun na ang eksena sa tunay na buhay.

Bawat isa sa atin ay “gamer.” Pwedeng manalo at matalo; mabuhay at mamatay. May mga kuwento ang bawat isa sa atin ng pagsisikap para sa pangakong dagdag-sahod o promosyon sa katungkulan. Pangako ng pagyaman.

Na never natupad sa kasalukuyang setup ng regular employment.

Kaya kinalimutan ang trabahong opisina na usad pagong ang asenso. Wala nang may gusto niyan. Wala nang gustong maging doctor, nurse, teacher, driver, factory worker. O kung mayroon pa, side hustle na lang ang mga ‘yan. Backup job. Mas mainam maging TikToker kung saan unlimited na ang kita, sikat pa.

TikTok is life. Nandiyan ang totoong buhay. Ang totoong kita na kayang magbigay ng disenteng pamumuhay. O higit pa.

Nakakalungkot.

Kailangan sa realistikong mundo ang mga doctor, nurses, teachers, drivers, factory workers. Ang kaso kasi, walang pagpapahalaga ang lipunan at gobyerno sa mga trabahong ito. Miserable ang suweldo at madalas ay maliit ang benepisyo; nagtitiyaga sa suweldong pambayad-utang lamang at di man lang makasapat para sa gamot ng miyembro ng pamilyang may Covid.

Samantalang ang mga TikToker ay namumudmod ng pera.

Kaya hataw sa gigs at side hustles. Malaki ang kita. Kailangan mo lang maging isa sa mga masuwerteng may malaking bilang ng followers.

Dati, ang mga may mataas na natapos sa kolehiyo lamang ang may tsansang yumaman. Hindi na ngayon. Kahit bata pa o beybi ay kaya nang kumita at yumaman.

Kahit naglalaro lang.

Habang may mga nakakahanap ng suwerte sa TikTok, lumalawak naman ang agwat ng mahirap sa mayaman. One, two or at least 10 people get lucky, everyone else dies.

Hindi ko ibig sabihin na namamatay dahil nabaril or nasagasaan. Namamatay ang tao sa gutom sa tunay na buhay, lalong nasasadlak sa malalim na balon ng kahirapan dahil sa di tumataas na suweldo habang pataas nang pataas ang presyo ng pangunahing mga bilihin.

Butas ang bulsa, gutom, depresyon.

Sakmal ng takot na ma-evict sa hinuhulugan o nire-rentahang bahay. Parang librong nakasalansan na pataas nang pataas din ang lahat ng klase ng kautangan. Nagtitiis sa medikasyon na kulang-kulang. Hindi na iniisip ang bukas. Lives a hand-to-mouth existence. Trabaho lang nang trabaho hanggang isang araw, dahil sa kakulangan ng pahinga, maayos na nutrisyon, sapat na tulog, mga iniisip na obligasyon—di na makapasok sa trabaho. Hindi kaya ang gastos sa ospital.

Then you die. Slowly. At boring. Gaya ng pagka-boring sa pandemyang di na namaalam.

Akala niyo exaggerated ito? Hindi.

Alam ba ninyong marami na ang naiulat na namamatay sa pagod? Mga medical staff na halos 24 hours naka-duty. Na sa mga bote ng softdrinks minsan umiihi dahil walang karelyebo.

Malupit di ba? Malupit ang lipunan, ang sistema, ang kapitalista, ang gobyerno. Mas mahalaga ang kita, produksiyon, kautusan, polisiya kesa sa buhay ng tao.

Alam na natin ang gusto ng mga operators na iyan ng apps gaya ng TikTok in conspiracy sa mga kapitalista at gobyerno. Gusto nila tayong maglaro.

Dahil pinaglalaruan din nila tayo.

Kung kaya sa larong akala nila ay maiisahan tayo, magkaisa naman tayo na itigil ang pakikipagtunggali sa isa’t isa. End this madness.

Huwag tayong makontento sa aliw na dulot ng TikTok. Huwag maaliw upang iiwas ang sarili sa pagharap sa tunay na mga isyu. Huwag tumigil sa pagtuligsa sa healthcare system upang maitaguyod ang murang prescription drugs, ang subsidized housing. Hingin natin na buwisan ang mga mayayaman. Hilingin ang mas malaking insentibo para sa mga doctor at nars.

Bumalik tayo sa pagkatuto. Hindi lang sa kasiyahan.

Sapagkat ang kamangmangan ay nag-uumpisa madalas sa labis na pokus sa mga bagay na nagbibigay-aliw lamang.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]