Bolang kristal ayaw patakbuhin si ex-senator

NAGBALAK palang muling sumabak sa darating na halalan ang isang dating sikat na mambabatas.

Pero dahil na rin sa payo ng kanyang mga feng shui adviser ay hindi ito tumuloy sa kanya sanang ambisyon na muling maging bahagi ng Senado.

Year of the dog ang zodiac sign ng ating bida na bagama’t swerte daw sa negosyo ngayong 2022 ayon na rin sa ilang naniniwala sa feng shui ay hindi naman magiging magandang taon para sa mga pulitiko.

Kahit daw sa larangan ng pag-ibig ay pinag-iingat ang dating mambabatas ng kanyang mga pinagkakatiwalaang tagapayo.

Sinabi ng aking spotter na bago pa man muling kumunsulta sa mga naniniwala na mababago ang kapalaran ay nilapitan na si madam ng ilang political operator.

Alam kasi nilang malalim ang bulsa ng mambabatas kaya may kakayahan itong magsagawa ng isang nationwide campaign.

Kahit matagal nang nabakante sa larangan ng pulitika ay ipinipilit umano ng mga nakausap niyang political operator na may hatak pa rin ito sa mga botante.

Dahil segurista na si madam hindi tulad nang dati na madaling mabola ay kumunsulta siya sa kanyang mga paboritong adviser na kinabibilangan ng ilang feng shui experts.
Nung nasa gobyerno pa ang dating mambabatas ay ang mga pinagkakatiwalaan nitong tagabasa ng bolang kristal ang kanyang pinagtatanungan kung dapat ba o hindi niya tanggapin ang isang aplikante sa pwesto.

Bihira daw siyang tumingin sa resume ng mga aplikante dahil ang “aura” at hugis daw ng mukha ng mga ito ang siyang tunay na magpapakilala sa isang aplikante.

Gusto rin niya na laging positibo ang pananaw sa buhay ng kanyang mga katrabaho kahit na kung minsan ay nuknukan siya ng sungit ayon sa mga dating tauhan ng mambabatas.

Kilalang matulungin ang ating bida kahit na siya’y lumaki sa mayamang angkan ng mga kilalang negosyante sa bansa.

Iyun ang nagpanalo sa kanya sa mga nakalipas na taon at ako mismo ay saksi nung siya’y maging adviser ng isang naging pangulo ng bansa.

Dahil mabagal noon ang pagtugon ng kanyang tanggapan dahil sa red tape ay siya na mismo ang nag-aabono o nag-aabot ng personal na pera sa mga nangangailangan na dumudulog sa kanyang opisina.

Ang bida sa ating kwento ngayong araw na pinayuhan ng mga feng shui experts na huwag na munang makisawsaw sa pulitika ay si Madam M…as in Marangal.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com