The oil game (Part 1)

NA-OVERHYPED ng publiko ang Squid Game. Hindi exceptional para sa akin ang plot; katulad din kasi yun ng ibang pelikula sa nakalipas na mga taon-Hunger Games at The Cube- to name a few. Benta pa rin syempre ang mga tema na sumisentro sa desperasyon ng sangkatauhan.

Maraming slant ang kuwento, pero nangingibabaw sa akin ang aspetong tumatalakay sa kung paano paglaruan ng mayayaman ang mahihirap. Predictable ba ang plot?

Habang babad tayo sa fiction movie na Squid Game, sa totoong buhay ay may mas malupit na laro ang nagaganap- ang laro ng kartel ng oil players. Sa pananaw ko, mas blockbuster ito. Mas malupit. Mas kaabang-abang.

The Oil Game.

Ano at hindi ito ang preoccupation ng karaniwang tao gaya ng Squid Game?

Paano nga kasi ay hinubog na ng mga pangyayari ang tao sa isyung dekada na ring nagpapahirap sa kanila; walang pagkibo o pagkamangha dahil hindi marahil maintindihan ang mekanismo ng mga ganitong usapin o kaya naman nasanay sa kaisipang normal ang pagtaas ng presyo ng langis kapag mataas ang demand, at iba pang anti-consumer na taktika, na pinalulutang madalas sa pamamagitan ng malupit na PR scheme ng mga oil players.

Nakasalalay Sa Langis

Ang seguridad, kaunlaran at katinuan ng mundo at ng lahat ng bansa sa daigdig ay nakasalalay sa isang napakahalagang sangkap: ang langis. Kapag presyo ng langis ang tumaas, asahan ang malawakang tension sa lahat ng sangay ng publiko at pribadong industriya.

Sa sobrang halaga ng langis, nagkakaroon ng agawan ng mga teritoryo ang mga bansa dahil sa interes dito. Nagiging mitsa ito maging ng giyera sibil.

Gumagana ang Hukbong Panghimpapawid, Hukbong Pandagat, ang combat forces ng mga Hukbo dahil sa langis. Ang ekonomiya ng bawat bansa ay maaring umangat o bumagsak dahil sa langis. Titigil ang paglikha ng mga produkto, ang paghahatid ng serbisyo publiko, may banta ng giyera, kagutuman, kawalang ng empleyo-lahat niyan ay dahil sa langis.

Up until 2019, ang Estados Unidos pa rin ang nangungunang oil-producing country na nagpoprodyus ng halos 19.5 milyong bariles kada araw. Kasunod ang Iranat Saudi Arabia. Umaasa ang mayoryang mga bansa sa langis mula Amerika, na ang tanging naging competitor ay ang Organization of Petroleum Exporting Countries OPEC).

Upang maiwasan ang fluctuations o pagtaas-baba na maaring makaapekto sa ekonomiya ng bumibiling mga bansa, hinangad ng OPEC na ito ang magtakda ng pandaigdigang presyo ng langis.

Kapansin-pansin na ang tatlo pa sa pinakamalaking producer ng langis, ang Russia, China at US ay hindi miyembro ng OPEC. Ibig sabihin, ang tatlong ito ay malayang gumagawa ng sariling mga maniobra.

Ang presyo ng langis at ang papel ng OPEC sa pandaigdigang pamilihan ay nakabatay sa maraming dahilan. Dahil sa makabagong teknolohiya ng US na fracking, nagdesisyon ang OPEC na ibaba ang produksyon nito, na nagresulta sa pagbaba ng presyo at nagbunsod ng delikadong posisyon ng naturang kartel.

Noong kalagitnaan ng 2016, nagdesisyon ang OPEC na ipagpatuloy ang mataas na production ng langis at nagtakda ng mas mababang presyo upang mabawi nito ang market share. Subalit noong 2019 ay nagbawas na naman ng produksyon ang OPEC ng halos 1.2 milyong bariles kada araw sa loob ng anim na buwan dahil sa inakalang economic slowdown.

Oversupply, Low Demand

Bumagsak ang demand sa langis noong nakaraang taon, nang magsimula ang pandemya ng Covid-19. Nagkaroon ng overabundance sa suplay; hindi alam ng mga oil producers kung saan ito iimbak habang ang buong daigdig ay naka lockdown at walang nagaganap na mobilisasyon.

Marami ang bumabatikos sa OPEC dahil isa itong kartel. Kinokontrol nito ang produksyon at suplay at maari nitong manipulahin ang presyo ng langis.

Totoong isang kartel ang OPEC, katulad din ng US, China at Russia. Mga kartel na bukod sa salapi ay nakatutok sa kapangyarihan, sa pagkontrol ng galaw ng buong daigdig.

Kung kaya magpapatuloy ang krisis sa langis habang nagpapatuloy ang away ng mga oil players gaya ng OPEC, ng China, at US sa kung sino ang dapat kumontrol sa oil resources ng daigdig. Nasa gitna ng away ang mga bansang nais din nilang kontrolin (gaya ng Pinas) dahil sa pagkakaroon ng mga lugar na mayaman sa langis.

Ang kawalan ng political stability ng bansa ay maiuugat sa awayan ng mga higanteng bansa sa usapin ng langis na kanila rin namang uubusan ng likas-yaman sa kalaunan.

Hindi kasalanan ng mga may-ari ng gasolinahan ang pagtaas ng gasoline. Regulated sila sa nakatakdang mga presyo. Ano kaya kung busisiin naman natin ang regulators na kilala sa pakikipagsabwatan sa oil players?

Masamang pangitain, pero hanggat ang Pilipinas ay di nakakapag debelop ng sustenidong pagkukunan ng sariling langis, mananatiling nakaasa tayo sa makapangyarihang dayuhang mga kartel na ito. Idagdag pa ang mga pribadong kartel sa local at conspirators nito, na nag-uunahan din sa pagmanipula ng presyo.

Patong-patong na kartelisasyon na nagreresulta sa patuloy na walang pag-ahon sa klase ng kabuhayan ng ordinaryong Pinoy.

Gaya ng sa fictionalized Squid Game, sa totoong buhay ay motivation pa rin ng mga oil players ang pagkakamal ng tubo. Ang talunan ay tayong end-users, na kailangang magsikap nang todo, upang di mabaon sa malalim na balon ng kahirapan. (to be continued)


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]