KUNG kelan naman dapat magsaya at ipagdiwang ang Human Rights Day sa Pilipinas – trahedya, panggigipit at mga banta pa rin sa civil liberties — ang sumalubong at patuloy na humahamon sa mga Pinoy.
Dalawang araw bago mag-December 10, 2021, binaril at napatay sa Calbayog, Samar ang stringer ng Manila Standard Today at ng Reuters na si Jesus “Jess” Malabanan.
Si Malabanan ang pang-22 journalist na pinaslang sa ilalim ng administrasyon ng lolo nyo.
Kinabukasan, December 9, bisperas ng Human Rights Day, pinagtibay ng kanyang mga alipores sa Supreme Court, ang Anti-Terrorism Act, maliban sa dalawang probisyon nito.
Syempre, nakakagalit at pasakit sa tao ang mga anomalya sa Pharmally na nilo-lawyer din ng lolo nyo.
Nandyan din ang agresibong pagsakop ng China sa legit na teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Eksplosibo ring pinag-uusapan ang sumambulat na Dennis Uy-Shell at Chevron Malampaya Deal na dehado ang gobyerno at pinangangambahang makaapekto sa energy supply ng bansa.
Nangyari at nangyayari ang mga dilubyong ito, pambababoy sa dignidad ng mga Pilipino, pagnanakaw at patayan habang may pandemic, jobless at purdoy ang mga Ka-Publiko.
Sasalagin at iindain natin ang mga ito hanggang hindi nasosolusyunan, mind you.
Ang Republic Act 11479 o mas “famous” sa tawag na Anti-Terrorism Act ay commitment ng Pilipinas sa ilang international laws o conventions na pinirmahan ng bansa.
Ang isang bansa na nag-ratify ng international law, treaty o protocol ay obligadong magpasa ng enabling o statutory law o batas na mas specific ang mga gawaing terorismo at parusa riyan para sadyang maipatupad.
General lang kase ang mga international law o convention. Para siyang pinaka-guide sa paghubog ng national o domestic laws.
Alam n’yo bang may 19 anti-terrorism conventions na binuo at pinirmahan ang iba-ibang bansa na miyembro ng United Nations?
Terorismo ang mang-hijack ng eroplano, mang-hostage ng mga tao at diplomat, magtago ng armas nukleyar, pagpapasabog at pagpopondo sa mga terorista.
Dapat talagang sugpuin ang terorismo. Nakikiisa ako riyan.
Kadalasan itong ginagawa ng mga armed political organization na walang totoong ideology – walang vision ng lipunan at gobyerno at walang kongkretong mission para mangyari ang gustong hinaharap.
In short, talagang naghahasik ng takot at pumapatay ng walang habas, brutal kung sa brutal. Yan ang terorismo. Nanggugulo lang talaga nang walang direksyon.
Ang problema, halimbawa sa Pilipinas, pati ang mga grupo na may direksyon, o may malinaw na makamasa at makabayang pangarap para sa bayan, ay tina-tag na terorista.
Ito’y dahil nag-aarmas sila para ipagtanggol ang mga karapatan na sinusupil ng estado sa iba-ibang porma at paraan – sa porma ng batas, sa paraang militarisasyon.
I-research n’yo na lang ang higit 24 na puntos kung bakit nakakatakot ang Anti-Terrorism Act.
Umabot sa 37 ang petisyon na kumukontra riyan at inoral argument na sa Supreme Court.
Sa bilang na 37 petitions, ito na ang batas na pinakamarami ang kumwestyon.
Gusto ko kasing puntuhin dito ang ibang dimension ng terorismo na hindi ganung napag-uusapan pero big deal malaman para mailugar sa ibang scheme of things.
Para sa kaalaman ng mga mangmang sa atin, bulag-bulagan o ayaw tanggapin ang katotohanan – kinikilala at pinagtitibay mismo ng United Nations ang karapatan ng mga mamamayan na labanan at magrebelde laban sa gobyerno na sumusupil sa kanila.
Ito’y para ipagtanggol ang kanilang mga buhay at karapatang pantao kung kinakailangan bilang panghuling paraan:
Nakasaad yan sa third paragraph ng UN preamble sa Universal Declaration of Human Rights:
“Whereas it is essential, if man is not to be compelled to have recourse, as a last resort, to rebellion against tyranny and oppression, that human rights should be protected by rule of law.”
Dahil alam naman nating ang halos lahat ng naging presidente ng Pilipinas ay iniluklok ng Amerika, susunod lang ang mga tuta sa utos ni Uncle Sam.
Ayon sa Statistics, noong 2020, higit P35.372 billion ang investment ng US sa Pilipinas.
Second place ang China na nagbuhos ng P15.596 billion.
Bukod pa yan sa trilyon-trilyon pisong utang ng Pilipinas sa IMF-WORLD Bank na kontrolado rin ng US at alyadong superpowers.
Ibig sabihin, nakakapagdikta sila sa tatakbuhin ng Pilipinas at sa buhay ng mga Pilipino.
Sulsol ng US na ideklarang terorista ang mga mga nag-aarmas na magsasaka, manggagawa at iba pang inaaping sektor na may mga prinsipyo.
Bakit? Kasi banta at panira sila sa mga investment ng US at mga korporasyon nila sa Pilipinas.
Pati ang mga indibidwal at samahang may parehong prinsipyo ng mga armadong rebelde, pero laway at rali naman ang panlaban, nire-red tag tapos dinudukot, kinukulong, pitpit bayag sa tortyur at pinapatay.
Bantayan din ang China.
Pati sila tumataya na rin sa eleksyong darating dahil sa bilyon-bilyong investments nila.
Pag hawak nila ang presidente at mga mambabatas, hahayaan ng mga tuta ang pananakop at pandarambong nila sa parte at yamang dagat ng West Philippine Sea tulad ng marine at oil resources.
Nakaporma sila sa Recto o Reed Bank na mayaman sa langis.
Pag naubos na ang Malampaya sa 2024 hanggang 2027, gagamitin ni Dennis Uy ang facilities, equipment at technology na binili niya sa Shell at Chevron.
Ang pipelines ay gagawin nilang daluyan ng miminahing langis ng China sa Recto Bank na pag-aari naman ng Pilipinas.
Ang dating e, niluluto tayo sa sariling mantika.
Sa galawang yan ng mga superpower at nga tuta nila sa Pilipinas, hindi ba sobrang nakakatakot?
Sinisiguro nilang may anti-terror law na magagamit para patahimikin ang mga lalaban sa sabwatang Makapili at mga dayuhan.
Hindi pa nga ganung ini-enforce ang Anti-Terrorism Act, marami nang inaaresto, kinukulong, tino-torture at pinapatay, e panu na kung magdire-diretso na yan? Panu kung sablay ang pagpapatupad?
Yung mga una ngang kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Act- dalawang Aeta farmers sa San Marcelino, Zambales nung 2020 – dinismiss dahil nabigong patunayan na sila ay mga terorista.
Ibig sabihin, magkaiba ang rebelyon at terorismo.
Ang rebelyon ay tinutumba ang tatsulok kung saan nasa tuktok ang mga nagsasamantala sa mga maliliit at mahihirap.
Ang terorismo ay dinidepensahan ang tatsulok para manatili ang mga nasa tuktok sa kanilang pagsasamantala.
Kung iisiping mabuti, hindi ba nakakatakot at nakaka-aburido ang mga galawang yan ng mga traydor na mga lider, militar, pulis at mahistrado, isama pa ang dalawang nagbabanggaang US at China?
Kung sila ang pangunahing nagpapahirap, naghahasik ng takot, pasimuno ng mga gyera, patayan at iba pang pagsablay sa mga karapatan ng madlang pipol, hindi ba sila ang legit na terorista?
Ang dapat sana’y “Christmas feels”, ay napalitan tuloy ng “Christmas chills”. Hayahay.
Ang pagtindig at paglaban ng marami sa injustices, ang mga mumunti at malalaking tagumpay ng bawat indibidwal at grupo sa kani-kanilang laban, ang mababaw nating kaligayahan, ang pag-abot sa ating mga pangarap, ang debosyon sa pinaniniwalaang relihiyon, ang pagsasama ng pamilya at mga ngiti ng madlang pipiol – ito na lang ang mga nagbibigay sa atin ng lakas, tapang, pag-asa at kasiyahan ngayong Kapaskuhan.
Yan din ang mga babaunin natin sa pagtawid sa 2022.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]