Talamak na agri smuggling

SERYOSONG problema ng ating bansa ang smuggling. Pumunta ka sa palengke at makikita mo ang mga dayuhang produktong ibinibenta. Kung paano ito nakalusot sa ating mga daungan ay nananatiling isang malaking palaisipan.

Para sa ordinaryong mamimili, mas nakakahatak ng atensiyon ang imported goods dahil mas mababa na sa local na produkto ang presyo ng karamihan dito.

Subalit gaano man ito ka-praktikal tingnan, mahirap isantabi ang negatibong mga epekto nito sa lokal na magsasaka.

Imported na sibuyas. Imported na carrots. Imported na bigas. At kung anu-ano pang dayuhang produktong agrikultural.

Kamakailan ay muling pinalagan ng mga magsasaka ng Benguet ang pagbaha ng dayuhang mga produkto dahil umaabot na umano sa P2.5 milyon kada araw ang pagkalugi nila sa mga illegal imports. Inaagaw ng imported products ang kabuhayan nila.

Hinaing ng League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Post (LALTVTP), pinakamalaking samahan ng mga magsasaka sa Benguet na may 10,000 miyembro, walang tigil ang pagpasok ng smuggled carrots at iba pang gulay sa mga pamilihan sa Manila at karatig-probinsya. Kaugnay niyan, binatikos nila ang pamahalaang probinsiya matapos hindi sila maimbita sa ginanap na Farmers Congress noong nakaraang linggo.

“Kung totoong may action against smuggling as claimed by these top Benguet officials during the Farmers Congress, bakit walang epekto, bakit hindi tumitigil ang smuggling?,” reklamo ng samahan.

Ayon sa kanilang spokesperson na si Augusta Balanoy, wala silang magawa kundi pumuna sapagkat maging ang provincial government nila umano ay dedma sa mga ebidensyang ipinapakita nila tungkol sa kalakarang ito. Tinawag umano silang sinungaling.

Itinanggi ng provincial government na may vegetable smuggling at inakusahan ang organisasyon na gumamit ng recycled pictures sa social media tungkol sa kalagayan ng local farmers.

Subalit giit ng organisasyon, Hunyo 2021 pa nila iprinisinta ang kanilang ebidensya.

Ayon kay Balanoy, nasa 38 milyong kilo ng carrots ang illegal na pumapasok sa bansa kada buwan. Nasa 40 porsyento ang naitala ng grupo na pagbaba ng purchase order ng carrots sa kanila sa loob ng nakalipas na siyam na buwan.

Nais na ng grupo na maghain ng demanda laban sa ilang opisyales ng gobyerno dahil sa di pagkibo sa problema ng local na mga magsasaka.

Sa mga nakaraang senate inquiries, matingkad ang tanong ni senador at presidential candidate Ping Lacson: “Despite having what one study called the eight toll gates of agricultural smuggling, why are there still too many smuggled goods that slip into our ports?”

Ang Bureau of Customs (BOC), walang ibang linyahan kundi ginagawa nila ang kanilang trabaho para masawata ang mga nagpupuslit o smugglers. Pinaiigting umano ng ahensiya ang border protection laban sa smuggling ng agri products sa pamamagitan ng pagtitiktik, pagbabantay at enforcement operations katulong ang kooperasyon ng Department of Agriculture (DA).

Nagsasagawa sila ng profiling ng suspected smugglers bilang preventive measure upang masawata ang smuggling. Ipinapatupad din ang accreditation ng legal na importers at customs brokers, at naghahain ng kaso sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga natiklong namuslit. Mula 2019 ay may naitalang 542 seizure cases, sa halagang P1.99 bilyong produktong agrikultural.

Tuloy-tuloy ang monitoring at review ng importasyon ng mga produktong agricultural at mandatory inspection gamit ang ETRACC (Electronic Tracking of Containerized Cargoes).

Sa kabila nito, talamak ang agri smuggling. Isinisisi na ng ilang senador ang problemang ito sa Malacanang at sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na kakutsaba umano ng mga smugglers. Sa nagpapatuloy na senate hearing tungkol sa isyung ito, may mga pangalan na ang mga opisyales ng gobyerno na sangkot dito at nakatakdang isiwalat sa publiko.

“We have a situation where agencies take no action even when smuggling is brazenly committed. So aside from the fact that the BOC and the DA have been compromised, there are untouchables,” ayon kay senator at vice-presidential candidate Kiko Pangilinan.

Kinokondena rin ng ARISE partylist ang malawakang smuggling ng produktong agrikulutural. Ang ARISE partylist ay matagal nang nagsusulong ng pangangalaga sa karapatan sa lupa, tubig, pangingisda at katutubo at may komprehensibo at malawak na programa para protektahan ang sektor ng agrikultura, kabilang na ang isyu ng smuggling. Marami sa member beneficiaries ng Partido ay mga magsasaka.

Ayon kay Arze Glipo, 1st nominee ng naturang partylist, kailangang paigtingin ang pagbabantay laban sa smugglers at maghain ng reklamo sa concerned agencies laban sa mga ito. Ipinanawagan niya sa gobyerno ang massive public investments sa agrikultura, gaya ng machineries at post harvest facilities- imbes na mga programang ang nakikinabang ay mga oligarko at kapitalista.

Naikuwento din niya ang problema ng mga magsasaka sa ilang malalayong lugar sa Bicol na nahihirapan sa paghahanap ng mapagbebentahan ng kanilang produkto kung kaya nagpapatuloy ang siklo ng kahirapan. Kaya mahalaga na maglagak ng suporta ang gobyerno para palakasin ang local farmers in terms of post harvest facilities, among other subsidies.

Nanindigan ang ARISE na isusulong ang pagbangon ng kabuhayan ng mga maglulupa.

Agree ako na unang dapat pinagtutuunan ng pansin ng mga kandidato sa darating na halalan ay ang pagpapabuti ng kalagayan ng mga batayang sector gaya ng sa pagsasaka.

Sa soberenya sa pagkain nagsisimula ang soberenya sa panlipunang mga adhikain.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]