SUBAYBAY – to guide, to keep track of, to follow, ilang kahulugan ng “subaybay” sa Ingles. ‘Yan ang naisip kong ipangalan sa kolum na ito.
Subaybayan ang kaganapan sa paligid, ang paglaki ng apo o inaalagaang anak; ang paglago, pamumunga ng halaman; pagsubaybay sa panahon; sa kalikasan, sa kabuhayan, pagsubaybay sa relasyon ng tao sa kapwa, sa pamilya, kaibigan.
Napakaraming maaring subaybayan. Mismong buhay natin, subaybayan kung tinatahak ang naisin sa buhay batay sa prinsipyo at paniniwala. Hindi mauubos o mawawalan ng bagay na maaring subaybayan. Tayo’y nabubuhay para sumubaybay!
Mabuti at umuulan na ngayong mga nakalipas na araw.
Uhaw na mga halaman, pwede pang humabol sa pamumulaklak kahit Hunyo na.
Laking ginhawa ang dulot ng ulan sa mga taong nagtitiis sa loob ng bahay sa panahong ito ng pandemya. ‘Di makalabas kahit Linggo sa takot na mahawa o makapanghawa ng COVID.
Dati kapag panahong grabe ang init ay puno ang mga tabing dagat, ang ilog at mga swimming pool.. Nagpipicnic, nagkakasayahan ang pamilya, magkakaibigan o magkakatrabaho.
Ngayon ay virtual na lamang. Mabuti na lamang may memories sa facebook ng mga litratong kayo ay mga nagtatampisaw sa dagat o sa mga ilog at kung saan mang paliguan para magpalamig.
Nakakabawas sa pagkabagot ang balikan ang masasayang araw; maganda sa mental health!
Salamat na lamang at umulan….naaamoy ko ang petrichor o ang amoy ng lupa o kapaligirang nabasa ng ulan.
Salamat sa ulan. Nakaisip ako ng paksa para sa unang artikulo para sa Pinoy Publiko. Tila nangangalawang na sa tagal na di nakakapagsulat.
At kelan kaya tayo malayang makakapamasyal sa mga ilog, dagat, at lahat ng pasyalan nang walang pangamba na magkasakit o mahuhuli ng awtoridad?
Harinawa’y malapit na!
(Salamat kay Mat Vicencio sa paglalaan ng espasyo para sa inyong lingkod.)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]