SA LARANGAN NG PULITIKA, mapanganib ang maging tapat.
Mas interesado kasi ang mga botante sa kandidatong magbibigay ng pag-asa, kahit ito ay maliwanag na exaggerated at malayo sa katotohanan, kesa sa kandidatong magsasabi ng masaklap na realidad.
Sa panahon ni Ronald Reagan sa US halimbawa, inilampaso niya noon sa presidential race ang Democratic presidential nominee na si Walter Mondale.
Sa kanyang kampanya noong 1980, nangako si Reagan na kanyang pabababain ang buwis, palalakasin ang pondo ng depensa, healthcare, social security at gagawing balanse ang pambansang badyet sa loob ng apat na taon. Magagawa raw niya ito sa pamamagitan ng pagtitipid ng gobyerno sa mga gastusing di kanais-nais.
Naniwala sa kanya ang mga botante, bagamat taliwas ang mga sumunod na pangyayari. Hindi nga niya nagawang balansehin ang pambansang badyet kahit sa loob ng walong taon.
Subalit mas pinaniwalaan si Reagan kesa kay Mondale na noong magsalita sa Democratic National Convention ay matapat na naghayag na: “Let us tell the truth. Mr. Reagan will raise your taxes and so will I. He won’t tell you. I just did.”
Kahit tila malayong mangyari, pinaniwalaan si Reagan. Mas nanatili ang suporta sa kanya dahil sa binuhay niya ang pag-asa na magkakaroon ng pagbabago, dahilan upang ilaglag ng mga botante ang nanghamong kandidato na matapang na sumalungat sa kanyang kasinungalingan. Obviously, interesado ang botante sa comfortable fiction kesa hard facts.
Isang matandang phenomenon ang pagsisinungaling sa pulitika. Likas na nakagawian ang pagbaluktot sa katotohanan o pagtatakip sa realidad upang makaipon ng kalamangan sa kalaban.
Huwag na tayong lumayo ng senaryo. Noong 2016 ay nangako si PRRD na ireresolba ang malawakang transaksiyon ng illegal na droga sa loob ng tatlong buwan; kanyang lilinisin ang burukrasya sa korapsyon; na magiging economic hub ang Pilipinas; ipagtatanggol ang mahihirap, magsasaka, mangingisda at iba pang salat sa pribilehiyo sa lipunan.
Patapos na ang kanyang termino at maliwanag na hindi ito nagtagumpay sa kahit three-fourth man lang sa mga ipinangako. Mga kasinungaling nilunok na lamang ng mga Pinoy.
Sadyang ang ating kulturang pulitikal ay puno ng pagpapanggap; ng mga pangakong walang planong isakatuparan.
Nagsisinungaling ang kandidato para sa maraming kadahilanan. May kasinungalingang ang intension ay upang itago ang pagiging duwag; katulad ng pagtindig sa mga mahalagang isyu kapag nasa publiko; ngunit sa pribado ay malaking pakana lamang ito dahil mas madalas ang pagbibigay-daan sa pressure ng special interests groups na nasa likod ng kandidatura.
Mayroon ding kasinungalingan na backed- up pa ng numero at datos, kung saan intentional na nililito ang estadistika upang magmukhang fact-based. May kasinungalingang sensational, na nagsisilbing mitsa upang sindihan ang namumuong poot sa puso ng political supporters.
Ang matingkad, ang tinatawag na ethical lies. Yung pakitang-taong pakikiisa ng isang pulitiko sa kapwa-politiko o ibang Partido sa ngalan ng public welfare; na agad din naman niyang dinuduraan pagka- nakatalikod.
May kasinungalingan din na ang intension ay “political packaging.” Hindi napipikon o nagpapakita ng galit ang inaalipustang pulitiko lalo na in public para makakuha ng simpatiya ng botante. At para rin linisin ang masama niyang imahe. Titingnan siya bilang kapita-pitagang lider dahil dito.
Mahalaga ang mga istratehiyang ito sa pulitika. Mga tactical lies na huhubog sa kapalaran ng tatakbong kandidato.
Sa naganap kamakailan na Jessica Soho Interviews, paano ihihiwalay ng nag-iisip na botante kung tapat o nagsisinungaling ang kandidato? Silipin natin.
Ilan sa mga isyung nahagip ko ay ang tindig ng mga presidentiables sa 100 percent foreign ownership. Nabigla ako na nag ”yes” si Leni at Isko samantalang “no” si Ping at Manny.
Nakapuntos si Ping at Manny sa kanilang no na sagot, obviously dahil mapanganib ang pagbubukas ng ekonomiya ng 100 porsyento para sa dayuhan. Papatayin nito ang local na produksiyon. Magiging dependent tayo sa banyagang produkto, Maraming red flags ang ganitong polisiya.
Pinag-usapan din ang divorce law, same-sex marriage, fake news, vaccination program, POGO operations, joint PH-China exploration sa West Philippine Sea, ICC prosecution ni Duterte, presidential at parliamentary form of government.
Subalit kapansin-pansin ang hindi pagtalakay sa mainit na issue ng importasyon sa ngayon, partikular ng mga produktong agricultural at ng isda. Ang isa sa inaasahan kong tanong sa presidentiables ay tungkol sa malawakang kagutuman sa bansa; kung paano makakakain ng tatlong beses isang araw ang 110 milyong Pinoy. Pundasyon ng maunlad na bansa ang produktibong mamamayan nito. Paano magiging progresibo ang bansa kung salat sa kalusugan ang masa?
Nakita ng botante ang tindig ng mga presidentiables sa unang pagkakataon. Full of conviction ang boses ni Ping Lacson sa tindig niya sa mga issues. Sa oras na iyon, nagawa niyang i-flip ang tingin ng publiko sa kanyang responsableng mga sagot, na pansamantalang nagsantabi ng kanyang marahas na imahe bilang berdugo dahil sa pagkakasangkot niya dati sa Dacer-Corbito double murder case at Kuratong Baleleng.
Nice try for Ping, although hindi lahat ay nagkaroon ng momentary lapse of memory. Still, sa objective na tingin, inangkin niya ang entablado sa interview na iyon.
Kalmado as usual si Leni Robredo. Maayos din ang kanyang mga sagot sa mga tanong, except lang sa isyu ng foreign investment. Nakukulangan lang ako sa angas niya sa mga isyung dapat radical ang tindig.
Tingin ko kay Manny, malakas ang fighting spirit niya sa paniniwalang puwede siyang manalo. Sa tindig sa isyu, mukhang nagsasaliksik mabuti ang kanyang mga operators. At dahil likas na may puso sa mahirap, dama niya ang kanyang sinasabi.
Hindi naman gaanong umiskor ng pogi points si Isko, dahil sa body language niyang nagpapahiwatig na panalo na siya, kahit di malinaw ang kanyang plataporma.
Gaya ng aking premise, politicians will always highlight kung ano ang makagagaan sa pakiramdam ng mga botante. Kahit pa ito malayo sa realidad. They will always concoct lies, lies, to their advantage.
Nasa atin talaga kung kakagat tayo sa naka-template nilang mga pagpapanggap o tactical lies.