NAKAPUNTOS at tumanggap ng ilang hindi “dasurv” na palakpak ang Meralco matapos nitong i-anunsyo kamakailan na tatalima ito sa utos ng Energy Regulatory Commission(ERC) na mag-refund ng P21.77 bilyon na sobrang nasingil mula Hulyo 2015 hanggang 2022. Nauna pa rito, ang kautusang P7.7 bilyon refund noon namang Marso 22, taong kasalukuyan.
Lumipad sa himpapawid ang mga press release ng naturang kompanya na naglalarawan ng kabutihang-loob ng giant electric utility, na kinagat agad ng mga “naïve”, subalit ipinagkibit- balikat naman ng mga “aware” na nasanay na sa salamangka o hocus-pocus.
Wala pang ilang araw sa sinasabing magandang balita ng refund, nagulantang naman tayo sa kautusang rate hike o pagtaas ng singil na dapat umano ay ipinatupad noong pang 2014.
Taas-baba, bigay-bawi. Nasanay na ako bilang consumer advocate sa ganyang siklo. Hindi pa man natitikmang maibalik ang maling singil, may nakaamba ng dagdag-singil. Para tayong mga batang pinapangakuan ng freebies, kapalit ng pagtulog ng mahimbing.
Hindi na nagbago ng style.
Hindi pa man nabibigyang-linaw kung naibalik na ang mga overcharges at illegal, questionable charges, bumabawi agad sa patong-patong na tubo. From the overburdened consumers’ pocket to corporate coffers.
Hunyo 2020, naghain ng reklamo ang Matuwid na Singil Sa Kuryente (MSK) sa Energy Regulatory Commission. Ang consumer complaint na ito ay naglalayong pigilin ang Meralco sa paniningil ng full residential rates sa panahon ng Covid. Ang rason ng Meralco ay dahil malakas ang konsumo na umabot umano sa 400% noong ang mga tao ay nananatili sa kanilang mga bahay. Nagbigay ng pakunsuwelo ang kompanya na hindi raw bale at pwede namang magbayad ng installment. Maling rason! Subalit hindi ito alam ng tao. Sa katunayan, lalo pang naging bida ang Meralco sa alok na installment.
Mali ang pananaw na ito na pinalutang ng Meralco sa isip ng unsuspecting consumers dahil taliwas ito sa regulasyon ng ERC tungkol sa Maximum Allowable Revenue (MAR) at breach o di pagtalima sa kung magkano lamang ang dapat na pinapayagang kita ng Meralco. Ang tawag dito, return on investment policy.
Ang kataka-taka, regulasyon ito mismo ng ERC subalit nagsawalang-kibo ito sa excess revenue ng Meralco noong 2019 hanggang 2021. Ang Meralco, alam nating lahat, ay isang regulated public service entity. Ang mga kita at tubo nito ayon sa batas ay dapat sumasailalim sa regulasyon ng ERC. Dapat na ito ay reasonable at makatuwiran.
Morally insensitive din na sa panahon pa talaga ng pandemya dumale ang Meralco. Ang panahong nakadapa lahat, nagsara ang maraming kompanya, nawalan ng kita ang mga manggagawa. Miserable ang sitwasyon at ang makaligtas lamang sa pandemya ang pokus ng tao. Pinaganda ng Meralco ang imahen nito noong mga panahon na yan, tila ito nag-varnish ng image sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan at kawanggawa sa pamamagitan ng alok na mga sleeping quarters sa frontliners.
Bakit hindi na lang ito ipinakita sa electric consumers, na kung tutuusin ay may bahagi sa pamumuhunan ng Meralco? Hindi ba mas ito ang masasabing corporate social responsibility?
Higit sana noon sa alok na installment payments ay ang nararapat at makatuwirang bawas-singil sa distribution, service, metering at systems loss charge na sa tantiya ng MSK ay nasa P4.39 billion in “opportunity profits.” sa katunayan, kahit nanlibre ng isa hanggang dalawang buwang singil ang Meralco noon, hindi pa rin ito lugi. Goodwill na pinangarap ko at ilang makabayang organisasyon, pero hindi nangyari.
Dalawang taon makalipas ang reklamo ng MSK, wala pa ring resolusyon ang ERC. At patuloy ang taas-baba, bigay-bawi at hindi stable na rates per kilowatt sa billing buwan-buwan.
Protektado ng gobyerno ang Meralco bilang public service utility. Protektado ito sa maraming business risks lalo na sa market competition bilang napili na franchisee.
Kung protektado ang Meralco at mi garantiya sa kita, essentially, protektado rin dapat ang konsyumers dahil malaking bahagi ng kapital ng kompanya ay galing sa deposito ng konsyumers na ginagamit sa pagpapaikot sa kapital at asset acquisitions ng Meralco. Ang masaklap, habang kumikita ang kompanya, ang ganansiya ay sa stockholders napupunta at walang benepisyong naipaparating sa konsyumers; bagkus ay napaglalaruan pa ito ng iskemang taas-baba, bigay-bawi.
Walang pagkalugi o anumang risk ng pagkalugi ang Meralco. Hindi ito aabot ng mahigit isang daan taong operasyon kung hindi ito tumutubo ng limpak-limpak. Mga tubong dapat sana ay naibahagi sa lahat ng konsyumers na miay meter deposits at nakunan ng illegal charges sa systems loss. O mga tubong galing sa nakakargang charges sa buwanang bill na hindi pa mang naipapatupad ay naka-billing na. Saan ka nakakita ng nalugi ang iyong kompanya pero hindi ikaw ang magbabayad sa pagkalugi kundi mga konsyumers pa rin? Ganyan tayong electric konsyumers. Ginigisa sa sariling mantika.
Kelan matatapos ang eksploitasyon sa atin?
Iyan ang tanong na ayaw ko nang sagutin. Masyado na akong kontrabida sa Meralco at ERC.
Pero sana ay may matanaw na pag-asa. Sana ay makita ng mga nakaupo ang kaapihan ng overburdened electric konsyumers at tugunan nang mabilisan ang mga isyu ng di makatuwirang singil.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]