ANG pagmanipula sa resulta ng bidding ay illegal, ayon sa Republic Act 10667 (Philippine Competition Act (PCA).
Binabalewala kasi nito ang esensiya ng competitive bidding process, na ang layunin ay makamit ang pinakamababang bid o alok (offer) na magreresulta upang makatipid sana ang gobyerno at lubusang makamtan ang halaga ng produkto o serbisyong inaalok.
Samakatuwid, parehong agrabyado ang gobyerno at ang mamamayan sa rigged o manipuladong biddings. Ang tanging may ganansiya ay ang pribadong negosyo at kakutsabang opisyal ng ahensiya gayundin ang tiwali na empleyado sa procurement office.
Sa huli, mas mataas na presyo ng produkto o serbisyo, at madalas ay substandard na kalidad ang maipapasa sa konsyumers o end-users. Ibig sabihin, hindi nagastos ng tama ang taxpayers’ money.
Narito ang common forms ng bid rigging:
1.Cover bidding
Nangyayari ito kapag ang competitors sa bidding ay nagkasundo na magsumite ng bid o alok na mas mataas sa alok ng designated winner o pagsusumite ng kasunduan (bid terms) na hindi katanggap-tanggap sa purchaser o bumibili ng bid.
2. Bid suppression
Nakapaloob dito ang kasunduan among competitors, kung saan isa o higit pa sa dalawa sa kanila ang magsusumite ng alok o kaya ay babawiin ang naunang isinumiteng alok.
3. Bid rotation
Ito ay ang kasunduang magpapalitan lang ang competitors sa kung sino sa kanila ang itatanghal na panalong bidder.
4. Market allocation
Nangyayari ito kapag naghahati-hati ang mga bidders at nagkasundong hindi magkokompetensiya ng ahensiyang aalukan o ng mga lokasyong seserbisyuhan.
Maraming sikreto sa larangan ng bidding. Mayroong akala mo magkakompetensiya pero ang totoo, conspirators pala. Mayroon silang standard na praktis at presyo, at kahit sinasabing confidential ang bidding, may alam sila sa mga confidential na impormasyon.
Madaling matukoy ang kutsabahan dahil sa kaduda-dudang bidding patterns, gaya ng malaking disparity o diperensiya sa pagitan ng nanalo at natalong bid, o kaya ay ang biglaang pagbaba ng bid amount tuwing may magpapakilalang bagong bidder.
Bagamat may matatakbuhang ahensiya na nagreregulate sa mga bidding, maging ito ay pinagdududahan na may pinapaboran.
Kamakailan ay lumapit sa akin ang isang nanalong lowest bidder ng supplies ng isang ahensiya sa gobyerno. Ikinukuwento niya na bagamat sila ang nahirang na lowest bidder ay bigla siyang nakatanggap ng post disqualification notice na ang kanyang kompanya ay hindi raw otorisado na magsuplay ayon sa chat message ng taga ahensiya na nagsabing may sertipikasyon daw ang manufacturer na pinagkukunan ng naturang bidder na hindi na ito otorisado.
Ipinaliwanag ng nanalong lowest bidder na hindi ito totoo at nais niyang manggaling mismo sa kanyang manufacturer ang certification na hindi na siya awtorisado, subalit iginiit umano ng opisyal sa procurement office ng kagawaran na utos lamang ito sa kanya ng “nakakataas”.
Umapela siya sa pamamagitan ng motion for reconsideration (MR), at kinuwestiyon ang mga petsa ng pagpapadala sa kanya ng post disqualification notice na nataon naman na walang pasok dahil holiday, at marami pang kaduda-dudang puntos.
Ang MR ay pinayagan subalit pormalidad na lamamg ito para masabing nasunod ang due process. Ang totoo, luto na. Tapos na ang boksing. May nanalo na. Kasi naman ano ang aasahang patas na pagtingin sa MR kung ang nagdedesisyon ay hindi independent third party kundi mismong insider sa procurement ng naturang ahensiya?
Sinubukan kong mamagitan at mag-iwan ng mensahe sa messenger page ng Kalihim ng naturang Kagawaran. Humiling ako ng dialogue upang marinig niya ang panig ng naagrabayadong lowest bidder. Sumagot sa ilang mensahe ko, subalit unseen na ang sumunod na mga mensahe. Sinabi niya sa una niyang sagot na nakatali pa ang kamay niya tungkol sa procurement dahil hindi pa siya pormal na naitatalaga bilang Kalihim ng Kagawaran.
Hindi humihingi ng ispesyal na pabor ang lowest bidder na lumapit sa akin. Nais lamang niya ng katarungan na malinis ang pangalan ng kanyang kompanya. Lumalabas kasing nabahiran ng putik at pagdududa ito.
Maganda aniya ang track record ng kanyang kompanya at makailang beses na rin siya ang nakakakuha ng kontrata para sa suplay ng ahensiya. Bukas din siya sa kooperasyon among bidders upang mapababa ang presyo ng mga suplay ng gobyerno, Masyado lang siyang nadismaya sa garapalang pangbabalahura sa proseso ng bidding at sa mga kuwestiyonableng galaw ng mga tao sa procurement.
Alam kong maaring mabasa ito ng kalihim ng naturang kagawaran. Afterall, kilala ko siya bilang balanseng opisyal ng pamahalaan. Sana ay mabigyan ng pagkakataon na makadayalogo siya ng naturang naagrabyadong bidders- hindi upang maghabol sa panalo kundi para mabigyan siya ng babala na may kumikilos na kamay sa ahensiya at yurakan ang imahen nito.