NO retreat, no surrender ang mga jeepney driver, komyuter at konsumer sa laban nila sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization.
Binaha ang socmed ng posts tungkol sa alok ng Francisco Motors Corporation (FMC) na mas murang electric-powered modernized traditional jeepneys upang tapatan ang kasalukuyang China-manufactured e-jeeps na nakakuha ng kontrata para sa PUV modernization.
Sa tantiya ay nasa kulang isang milyon piso o naglalaro sa P985,000 ang e-jeepney ng FMC, samantalang nasa P2 milyon hanggang P3 milyon ang dayuhang e-jeep.
Abot kaya rin ang downpayment ng FMC, na nasa P50,000 lamang, at maaaring bayaran ng installment.
“Yung mga jeepney natin, it’s part of our identity, part of our culture. Ang gaganda, at makukulay. Ang mga dayuhan, bahagi ng bucket list nila ang magpakuha ng litrato sa ating mga jeepney, so bakit tatanggalin ‘yan?” pahayag ni FMC chairman and CEO Elmer Francisco.
Sa naratibo ng gobyerno, hindi na ligtas bilang public transport ang mga lumang dyipni kaya ipi-phaseout.
Kung may bahid man ito ng katotohanan, ang pagpi-phaseout ay dapat na nakabatay sa maayos na plano at transition. May nakahandang programa dapat ito para sa mga mawawalan ng pasada na traditional jeepneys. May social preparation, kumbaga.
Ang mass transport ay bahagi ng public service. Ang pasada ay hindi nakatuon sa malaking tubo, kundi sa serbisyo publiko. Therefore, malaking sangkap ng episyenteng public transport ang suporta ng gobyerno sa local assemblers.
Subalit sa pagpasok ng dayuhang e-jeeps, mas mabigat na pasanin ang bitbit ng komyuter. Hindi maikakaila na piso hanggang dalawang piso ang dumagdag nang sila ang pumalit sa kalsada. Ang dahilan ng increase sa pasahe: dagdag na administrative at maintenance costs, at ang walang katapusang pagmahal ng presyo sa pandaigdigang pamilihan.
Hindi pa rin magawang tiyakin ng gobyerno na pangalagaan ang kapakanan ng bulnerableng sektor na ito, dahil lagi-laging sa komyuter pinapapasan ang bawat paggalaw ng presyo ng anumang produkto, lokal o international.
Inaakusahan din ng traditional jeepney operators ng komersyalisasyon ng public transport ang mga pribadong kooperatiba at indibidwal na sumusuporta sa e-jeep ng dayuhang manufacturers. Dahil komersyalisado, mas mahal at magmamahal pa ang pasahe sa mga ito.
May “kurot” din ang “middlemen”, ang gobyerno at mga pribadong transport coops sa kita ng modernong e-jeep kung kaya hindi talaga bababa ang pasahe dahil sa mga nakikihati ng tubo. Profit-seeking enterprise umano ang PUV modernization, at ang bigat ng pasanin ay ipapataw sa balikat ng libu-libong maliliit na operator ng traditional jeepney at mga komyuters na hikahos at naka-budget ang gastos sa pasahe.
Gusto natin ng gawang-Pinoy na dyipni, ang tanong, susuporta ba ang gobyerno dito o mas itutulak ang foreign-manufactured jeepneys? May mga nagdududa sa kasalukuyang kapasidad ng FMC na makapag-prodyus ng 150,000 units nang mabilisan. Isa pa, malaking bahagi ng components nila ay imported din dala ng pagbagsak ng domestic industrial capacity pagkatapos ng mahigit apat na dekada ng globalisasyon.
Pero ayon sa SUKI Network, o Samahan ng Nagkakaisang Konsyumers, ang naturaang limitadong kapasidad ay maaaring ma-expand sa pamamagitan ng supportive government industrial policy at may potensyal na gawing starting point ng industrialization program sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidies at protection sa mga local assemblers.
Nakakalungkot lamang, tila patay na ang diwa ng nasyonalismo sa gobyerno dahil mas malawak na ang pagkiling nito sa mga dayuhang produkto.Mas naiisip nila ang pagpapatatag ng kanilang sariling mga bulsa kaysa kapakanan ng masa. Kahit daang-libong beses na hilingin ang pagwawaksi sa mga polisiyang neoliberal, ito pa rin ang mnamamayani.