Social ritual

ISANG uri ng sining ang pamimili at pagbibigay ng regalo. Pinaghahandaan ito, pinag-iisipang mabuti, ipinipinta sa puso at isipan, binibigyang-halaga.

Sinasalamin nito ang iba pang katangian ng ating pagkatao: kung paano natin binibigyang-halaga ang mga mahal sa buhay, ang kapwa; pinapatingkad nito ang ating kaalaman sa pagdedesisyon at ang abilidad na magmalasakit sa iba.

Isang ritwal sa atin tuwing may okasyon ang maghanda ng regalo. Pasko, bagong taon, pagtatapos, bertdey, kasal. Isang oportunidad upang mapaigting o mapagtibay natin ang ating relasyon sa mga may halaga sa ating buhay.

Impractical

Lagi kong ikinokonsidera na ang pagreregalo ay isang malaking hamon sa pagpapasensya.

Isa itong malaking sakripisyo. Pagsasakripisyo sa mahabang pila sa overcrowded na shopping malls, sa hamon ng pagpili ng swak na regalo, sa pagkadismaya sa mabagal na delivery at siyempre, ang mahapding kurot sa ating mga pitaka.

Stressful.

Pero ano nga ba ang punto ng lahat ng ito?

Hindi ba ang ang Pasko ay dapat tungkol lang sa pagsasama-sama ng pamilya, pagsasalo-salo sa mas marami at masasarap na pagkain at pagdarasal para sa mas manigong bagong taon?

At hindi ba mas praktikal na ipunin na lamang ang pera sa mas mahahalagang pinaglalaanan?

Ayon sa pag-aaral, bagamat tila impractical at kalabisan ang ating mga ginagawa tuwing Pasko, may mabuting idinudulot ang gawaing pagreregalo.

Human Connection

Idinokumento ni Bronislaw Malinowski, isang anthropologist, ang tradisyon ng tribung Massim sa Papua New Guinea na sistema ng pagpapalitan ng regalo na mga kuwintas at palamuti sa braso gawa sa kabibi o iba pang klase ng mga talukap mula sa dagat. Unang ipinapasa ang bawat likhang regalo sa bawat indibidwal hanggang sa umabot ito sa mga isla at mabuo ang tinatawag nilang “Kula ring.”

Walang praktikal na paggagamitan o halagang komersiyal ang “Kula ring.” At ipinagbabawal ng kanilang tradisyon ang pagbebenta nito. Dahil laging umuusad ang mga kuwintas at armbands na ito na gawa sa shell, hindi naman talaga naisusuot ng bawat isa sa kanila ang mga bagay na ito. Sa kabila niyan, naglalakbay ang mga Massim sa mga pulo-pulo upang makipagpalitan nito, isinasaalang-alang ang personal na peligro sa dagat para lamang isagawa ang social ritual na ito.

Pagsasayang ng oras at pagod sa unang tingin ang ginagawa ng mga Massim. Pero may mas malalim pala na rason ang ritwal na ito ayon sa mga anthropologists: ang Kula ring ay instrumento sa pagpapalago ng koneksyon ng bawat isa sa kanila.

Sa esensiya, hindi libre ang Kula ring; inihahatag ito kapalit ng pag asam ng kabayaran sa hinaharap. Kabayarang “intangible” dahil ang ultimong layunin ay upang magbuo ng sirkulo ng pakikipag-kapwa, ng nagkakaisang responsibilidad na nagreresulta sa pagbubuo sa pangkalahatan ng samahan para sa ikakabuti ng buong komunidad.

Payback

Mapapansin dito sa Pinas na buhay na buhay ang tradisyon ng pagreregalo. At mabuti ito sa negosyo.

Sa tantiya, malaking halaga ng pera mula sa konsyumers at mga korporasyon ang tatagos sa food industry at retail industry ngayong Kapaskuhan. . Mabuti ito para sa revenue ng bansa.

Bukod sa panandaliang pagsigla ng negosyo, magkakaroon din ng pagtaas ng dollar reserves ng bansa mula sa inaasahang remittance ng OFWs.

Mas dumami ang content ng mga vloggers at influencers na naglalarawan sa mga gawaing pagtulong at pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na tao o pamilya.

Sa isang banda, hindi maiaalis na may pangit ding mukha ang panahon ng Kapaskuhan. Dumarami ang krimen, ang pagsasamantala at pagnanakaw at panloloko o swindling.

Mas tumingkad ang mukha ng paghihikahos na sumasalamin sa lubog sa pinansiya ng bansa.

Kung komyuter ka, normal na tanawin ang mga akyat-babang namamasko sa mga pampublikong sasakyan. Bawat isa may sad story upang makakuha ng simpatiya at mabigyan ng pamasko.

Ang totoo, maraming naglalakas loob na mamasko sa publiko sa panahong ito. Nilulunok ang natitirang pride dahil walang ibang opsyon. Napakataas ng implasyon sa walong porsiyento at ang hikahos ay lalo pang naghikahos.

Gaya na lamang ni Jr, katorse anyos, estudyante.

Pagsampa niya sa bus ay binuksan ang kanyang backpack at naglabas ng naka-atadong face masks. Tatlo bente na lang po, nahihiya niyang bulahaw. Kailangan ko lang para matulungan ang nanay kong labandera, dagdag pa niya. Napansin ko siyang umakyat sa bus sa bandang Luzon minsang nag bus ako papuntang Philcoa. Hindi siya yung katulad ng mga madalas sumampa sa bus na may dalang death certificate o barangay certificate para humingi ng abuloy.

Walang ipinakita si Jr na ebidensiya maliban sa nakasukbit sa leeg na school ID. Pero mabilis siyang nakakuha ng atensyon at malasakit sa mga mananakay. Marami ang bumili sa face masks niyang binebenta, yung iba ay hindi na kinuha ang face masks at binigyan na lamang siya ng pera.

Pero hindi sapat ang araw- araw na pagbabakasakali sa kalye upang kumalap ng abuloy at konting awa mula sa kapwa.

Tanging sa panahon ng Pasko mas mapagbigay ang mga tao, subalit sa panahong ito ng mataas na implasyon, sagka sa pagiging matulungin ng marami ang limitasyon sa rekurso. Mas maraming Jr. ang dapat kalingain, mas tumindi kasi ang hirap ngayong taon. Pero paano?

The Thought Counts

Para saan nga ba ang pagreregalo, anong uri ng regalo at kanino magreregalo?

Para sa akin, hindi matatawaran ang hatid na saya sa puso kapag nakapagbigay at nagustuhan ang ibinigay. Ang makapagpasaya ng tao ang pinakamasarap na pakiramdam.

Hindi naman importante kung anong regalo ang nais nating ibigay. Hindi lahat ng regalo ay tangible o nahahawakan. May mga intangible gifts na natatangi at higit sa ano pa man.

Kapatawaran, halimbawa.

O presensiya matapos ang matagal na pagkawalay.

Ang makapagbigay ng inspirasyon at pag-asa ay maituturing ding regalo.

After all, ang pera na ginastos upang makapagpasaya ay nagbibigay ng mas makabuluhang kaligayahan kaysa sa perang itinago lamamg para sa pansariling kapakanan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]