KUNG tutuusin, halos dalawa at kalahating taon pa bago ang nakatakdang midterm elections pero ngayon pa lang, ramdam na ramdam ang ginagawang pagpapabibo ni Senator Francis ‘Tol’ Tolentino, at talagang masasabing gagamitin ang Senado masiguro lang ang kanyang panalo.
Malaki ang pinagbago ni Tol. Kung dati parang basang-sisiw nang unang mahalal sa Senado, pansinin ninyo ngayong 19th Congress, napakabangis at parang manghahalibas ng mga imbetadong resource persons sa kanyang komiteng pinamumunuan.
Nakakaawa ang mga dumadalong indibiduwal sa blue ribbon committee ni Tol dahil sa hindi pa man natatapos sa pagsagot ang kanyang tinatanong, sinusupalpal na kaagad ng senador at halos hindi binibigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag.
May pinagkaiba pa ba itong si Tol kay dating Senador Richard Gordon na kung matatandaan ay halos kopoin na ang buong hearing at walang maririnig na boses na nagsasalita kundi ang chairman lamang?
Kung ganito ang paniwala ni Tol na mananalo siya sa darating na eleksiyon sa pamamagitan ng maangas at kontroladong pagdadala ng hearing ng kanyang komite bilang chairman ay nagkakamali siya.
Palpak na propaganda na matatawag ang ginagawa ni Tol dahil sa hindi magiging maganda ang kanyang imahe at sa halip magagalit at kaiinisan siya ng taongbayan. Sobrang angas ng dating ngayon ni Tol at malamang na matalo siya sa senatorial race sa 2025.
Pansinin ang ginawa ni Tol sa hearing ng sugar importation scandal na hindi pa man natatapos lahat na mabusisi sa imbestigasyon dahil sa nakakatatlong hearing pa lamang ay tinapos na kaagad at mabilis na pinawalang-sala si dating Executive Secretary Vic Rodriguez.
Labs na labs nila si Vic pero nang ‘sibakin’ sa puwesto walang comment si Tol!
Pati sa laptop scandal ng DepEd, halos ‘chopsuey’ na ang hearing pero ayaw pa ring bumitaw ni Tol dahil alam niya marahil na malaking propaganda ang usapin at malaking pogi points ito sa kanyang career bilang senador.
Tama talaga ang sinasabing ‘in aid of reelection’ ang ginagawa nitong si Tol, at kahit malayo pa ang simula ng karera sa eleksiyon, ngayon pa lang ay repeke na kaagad at ayaw pahuli at maiwanan ng kanyang mga kasamahang reelectionist na senador sa PDP-Laban.
Hindi ba’t pang siyam lamang na puwesto si Tol noong 2019 election at napakalayo niya sa kanyang mga kasamahan sa PDP-Laban tulad ni Senator Bong Go na pumangatlo sa puwesto at Senator Bato dela Rosa na nasa ika-lima?
Kaya nga, kayod nang husto si Tol lalu na ngayong siya ang kasalukuyang Vice President for Luzon ng kanilang partido at nakakahiyang matalo siya sa darating na halalan sa 2025.
Payo lang natin sa senador, hinay-hinay lang sa pagdadala ng hearing sa Senado at hindi magandang masabihang sobrang yabang mo Tol!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]