VP Sara and her ‘chichirya’ gang

ANG daming ganap.

Bukod sa mga interesting international news, syempre hindi magpapahuli ang Pilipinas sa kontrobersiya.

Mainit-init pa ang balita tungkol sa pangalawang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Siya na naman! 

Paano naman kasi, di pa rin niya sinasagot paano niya ginastos ang P612.5 million na confidential fund.

Parang hindi siya affected na hindi ma-account ang P612.5 million samantalang hirap-hirap ang taumbayan na magtrabaho tapos kakaltasan ng buwis na walang pakundangan naman kung waldasin.

Wala ring record sa Philippine Statistics Authority si Mary Grace Piattos at si Kokoy Villamin na dalawang pangalang nagbigay ng acknowledgment receipts na nagpapatunay sana na may tinanggap silang pera para gastusin.

Sino naman kaya sila Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Reymunda Jane Nova, at Chippy McDonald?

Mahilig yata sa chichirya at fastfood ang nakapag-isip ng mga fictitious persons na ito.

Dito natin makikita na harap-harapang niloloko ni Duterte ang taumbayan. Kung nakalusot ang ganitong gawain nila sa Davao City, buti na rin at naungkat ito ngayon. 

Dapat talaga alisin an yang confidential fund na iyan. Makabubuti pa kung ilagak ang bilyon-bilyong halaga sa mga proyekto na makikinabang ang taumbayan at hindi ang bulsa ng iilan.

Nagpahayag na ang ilang senador na hindi sila ayon sa impeachment complaint laban kay Duterte, pero kung ito ay hindi uusad, alam na natin kung bakit.

Ito ba yung “tell me who your friends are, and I’ll tell you who you are?”

Pwede ring “birds of the same feather, flock together.”

Ibig sabihin, iisa ang hilatsa. Kayo na bahala mag-isip ano ibig sabihin nito.