Ganyan nga Totoy
busugin mo ang ‘yong mga mata.
Sa bawat ikot ng nakatuhog na manok
at sa bawat patak ng mantikang katakam-takam
ang manok ay di mo dapat pakawalan.
Titigan mong mabuti Totoy,
at kung maaari
ay huwag kang kukurap
pagkat ang mahalaga
mabusog ang mga mata mong dilat.
Ngunit mag-iingat ka lang Totoy
baka mapansin ka ni Beho
na may-ari ng restaurant
galit yan sa mga katulad mong
laging nasa harapan ng eskaparate
at baka mahataw ka ng dalang pambugaw
sa tulad mong aaligid-aligid na langaw.
Kaya alisto ka Totoy
baka makita ka ni Beho
na nakatunghay sa nakatuhog na manok
at ipahuli ka sa mga pulis
na di nagbabayad ng pananghalian
sa kanyang restaurant.
O, bakit ka dumampot ng bato Totoy?
Babasagin mo ba ang eskaparate?
Hindi mo na ba matiis ang gutom?
Baka may ibang paraan pa Totoy
sandali lang Totoy
papalabas si Beho!
Totoy takbo… takbo… bilis!!!
“Mulis, mulis,
mananakaw, mananakaw
akyin tsiken nguha!
Mananakaw… mulis!!!”
(Batay sa Social Weather Station survey, umaabot sa 12.2 porsyento o 3.1 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom simula Enero hangang Abril 2022 dahil sa kakulangan ng pagkain.
Nakapagtala ng pinakamataas na insidente ng kagutuman, batay sa SWS, ay sa Metro Manila na may rekord na 18.6 porsyento o tinatayang 636,000 pamilya ang walang makain.)