NASA ikatlong buwan na ang Expo 2020 Dubai at tulad nga ng inaasahan tuluy-tuloy ang mga kaganapan sa iba’t ibang tagpo.
Pinalad ang inyong linkod na maging bahagi ng in-house media team ng Expo 2020 – ang nag-iisang Pinoy sa koponan na binubuo ng iba’t ibang mga lahi: Mga Ingles, may Dutch, may Cambodian-Russian, may Indian, at mga Arabo na galing sa iba’t ibang panig ng rehiyon gaya ng Egypt, Syria, Jordan, Algeria at iba pa. Cultural diversity, ika nga.
Pinalad din tayong makasalamuha ang ilan sa mga naging bisita ng Expo 2020 na nagbigay ningning sa ginaganap na world fair. Isa na nga sa kanila ay si Martin Strel, sikat na long-distance swimmer mula sa Slovenia na may apat na Guiness World Records sa kanyang pangalan.
Kamakailan ay lumangoy siya ng 50 kilometro mula sa Burj Al Arab, papasok sa Dubai Canal at nagtapos sa may Etihad Museum. Biente kwatro oras siyang lumalangoy mula 7pm ng December 10 hanggang 7pm din ng December 11.
Bahagi iyon ng kanyang paglahok sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng United Arab Emirates (UAE).
Sa aking panayam, binanggit ni Strel na maglulunsad siya ng pandaigdigang kampanya para mapukaw ang kamulatan ng mga tao hinggil sa panganib na dulot ng microplastics sa mga karagatan.
Aniya, lalangoy siya sa mga ilog at karagatan ng mahigit 130 na bansa sa kabuuang 500 na mga araw bilang bahagi ng isang scientific research expedition tungkol sa microplastics na isa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga isda’t iba pang lamang-dagat.
“Microplastic pollution is everywhere now. In every fish, you can today find microplastics, and I am going to change this world. I’m going to swim every day for 500 days (for the study),” sabi pa nya.
Kaya’t abangan ang muling paglusong ni Strel na gaganapin sa mga unang bahagi ng darating na 2022.
Sama kayo? Sanay naman na ang 67-anyos na si Strel sa mga ganyang languyan. Noong 2004, nilangoy nya ang kahabaan ng Yangtze River sa China na may habang 2,487 na milya.
Nang sya’y 46 anyos, nilangoy ni Martin ang Danube River, na pumapangalawa sa pinakamahabang ilog sa Europa na may sukat na 1,866 na milya, sa loob ng 58 na araw.
Noong 2002, nilangoy rin niya ang Mississippi River na may habang 2,360 na milya, sa loob ng 68 na araw.
At noong 2007, nilangoy niya ang Amazon River, na may habang 3,273 na milya, sa loob ng 66 na araw. Record breaking din. At sa pagkakataong iyon ay may mga escort syang mga supporters na lulan ng mga motorized na banka upang magbuhos ng dugo – opo, dugo nga po – sa tubig para mabulabog ang mga piranha at hindi sya pagsaluhan!