MALAKI na ang pinagkaiba ng paggunita ng Semana Santa noon at ngayon.
Nawawala na ang kataimtiman o solemnity sa tuwing darating ang Semana Santa.
Prayoridad na ang pagplano sa mga pupuntahang lugar ng pasyalan at doon na lang isisingit ang pagdarasal. Pati ang Visita Iglesia ay nagiging field trip.
Hindi rin naman masisisi kung ganito na ngayon ang nagiging gawi ng ating mga kababayan.
Sa araw-araw na stress sa trabaho, traffic, o ano mang problema, ang ilang araw na pahinga mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay ang tanging panahon na magkakasama-sama ang pamilya.
Bagama’t nasusunod pa rin naman ang mga lumang tradisyon, kailangan nating tanggapin na nagbabago ang panahon.
Naalala ko noong kabataan ko, walang mapapanood sa telebisyon, walang maririnig sa radio, sarado ang mga tindahan. Ito yung panahon na wala pang mga mall, wala pang cable television, wala pang Spotify, at wala pang Netflix.
Wala talagang pwedeng gawin kundi magmuni-muni.
Bukod sa Pasko, isa ang Semana Santa sa pinakahihintay ko na bakasyon kasi ito yung panahon na magkakasama kaming magpipinsan. Tuwing may mahabang bakasyon lang kami nagkikita-kita.
Dahil magkakasama kaming magpipinsan, sinasamantala namin ang maiksing bakasyong ito para mag-bonding. Siyempre nandun pa rin yung paggunita sa paghihirap ni Hesus hanggang sa kanyang pagkabuhay, hindi maiaalis na sasamantalahin namin ang panahong ito para makapunta sa ilog o sa dagat, kumain ng tupig at suman, umakyat sa puno sa bakuran, at mamasyal sa plaza para manood ng Zarzuela.
Marahil ay ganito rin ang iniisip ng mga tao ngayon.
Hindi sa gustong kalimutan ang pagiging sagrado ng Semana Santa, ngunit dahil sa maikling panahon ng bakasyon, ay isinasabay na nila ang pananampalataya at pamamasyal.
Yun lang, aminin natin na mas nagiging komersyalismo na ang Semana Santa. Parang singit na lang ang pagbisita sa simbahan at pagdarasal.
Para sa akin, ang mahalaga ay malakas ang ating pananampalataya sa Diyos at hindi natin kinalilimutan ang ating obligasyon sa Maykapal, lalo na ang sakripisyong ginawa ni Hesu Kristo para sa ating mga kasalanan.
Magpasalamat tayo sa Kanya araw-araw dahil, sabi nga, “everyday is a blessing.”