SCO ni Mayor Honey, hanap-damay lang; pamamahagi ng tulong may ‘exemption’ sa Comelec

NAGLABAS ng show cause orders (SCOs) ang Commission on Elections (Comelec) kamakailan lang kung saan sa Maynila, nanguna sa listahan si Isko Moreno dahil sa vote-buying, partikular na sa pagbibigay ng P3,000 sa mga public school teachers na alam naman nating mahalaga ang papel tuwing eleksyon,  dahil sila ang nangangasiwa ng mga botohan.

Ang isa namang kasama din sa parehong listahan ay si Sam Versoza na vote-buying din ang isyu dahil daw sa pamimigay ng mga ‘goods’ na me pangalan niya.

Nang labasan ng SCO ‘yung dalawa, gumawa ng ingay ang mga kalaban ni Mayor Honey Lacuna pati na trolls nila at mabilis pa sa alas-kwatrong inakusahan din si Mayor Honey Lacuna ng vote-buying, kaya kinabukasan ay may SCO na rin si Mayor Honey.

Magkalinawan lang ha. Sina Isko at Sam ay inisyuhan ng SCO ng Comelec nang walang kinalaman si Mayor Honey. Si Mayor Honey, inisyuhan dahil sa ‘alegasyon’ nila at ng mga kakampi nila. Kumbaga, damay-damay na.

Hindi ko alam kung paano nila  ipaliliwanag  ‘yung sinabing dahilan ng Comelec sa pag-isyu ng SCO sa kanila.  Na sila ay namili ng boto o nagvote-buying.

Pero sa panig ni Mayor Honey, alam ko ang depensa nito, bilang mamamahayag na nagco-cover sa Maynila sa loob ng mahaba-haba na rin namang panahon, mula pa 1988.

Kilala ko si Mayor Honey at alam kong hindi nito naging ugali ang lumabag sa batas. Maingat ito sa kanyang mga kilos at tinitiyak niyang lahat ng kanyang ginagawa ay naaayon sa itinatakda ng batas,  dahil kung may katiwalian ito ay tiyak na pinagpiyestahan na ng mga kalaban niya.     

Si Mayor Honey ay kasalukuyang alkalde ng Maynila. May mga programa ang kanyang administrasyon na pinasimulan pag-upo niya bilang mayor noong 2022. Ang pagbibigay ng mga pinansiyal na tulong at bigas sa iba’t-ibang sektor ng lungsod ay nakapaloob sa special amelioration program (SAP) na ilang taon nang ipinatutupad sa Maynila.

Ayon sa mapagkakatiwalaang sources, upang maituloy ang mga programang pinakikinabangan ng mga mamamayan ng Maynila, humingi ng ‘exemption’ ang pamahalaang-lungsod sa Comelec. 

Ibig sabihin, hiniling ng lungsod sa Comelec na payagan o huwag isama sa mga ipinagbabawal ang patuloy na pagbibigay ng mga nasabing benepisyo dahil kailangang-kailangan ito ng mga residente.    

May memorandum din kasi ang Department of the Interior and Local Government kung saan nakasaad ang mga local government units ay dapat na humingi ng pag-apruba ng Comelec para sa patuloy na pamamahagi ng iba’t-ibang uri ng tulong sa tao, kasama na ang ayuda.     

Ang hakbang ay ginawa ng Lacuna administration dahil ayaw na marahil ni Mayor Honey na maulit ang nangyari noong 2022 kung saan napilitang ipahinto pansamantala ng lungsod ang pagbibigay ng buwanang pinansiyal na tulong sa mga senior citizens, PWDs, solo parents at university students matapos itong kuwestiyunin ng isa sa kanyang mga nakalaban noon sa pagka-alkalde. 

Vice Mayor si Lacuna noon at dahil abala na sa pangangampanya sa mga probinsiya si Isko, siya ang tumayong mayor at nangasiwa sa lungsod. 

Dahil nga kinukuwestiyon ng kalaban, sumulat ang City Hall sa Comelec para lang humingi ng paglilinaw kung maari at permiso na maituloy ng lungsod ang pamamahagi ng tulong sa mga seniors, solo parents, PWDs at mga estudyante ng PLM at UdM.

Lumiham ang noon ay Secretary to the Mayor Bernardito Ang sa Comelec kung saan hiniling nito na mabigyan ng ‘exemption’ ang pamahalaang-lungsod upang maipagpatuloy na maibigay sa mga senior citizens at iba pang sektor ang kanilang allowance na aniya ay hinihintay ng mga ito, me eleksyon man o wala. 

Sa sagot ni Atty. Gregorio Bonifacio, Election Officer IV ng Comelec, sinabi nito na maaring ituloy ang naturang pamimigay ng benepisyo basta’t hindi ito saklaw ng Resolution 10747, na siyang nagtatakda ng mga pagbabawal sa paggamit ng pondo ngayong election period.  

Sa ilalim ng Resolution No. 10747 ng Comelec, kinakailangan ang certificate of exemption upang makapagpatupad ng mga aktibidad at mga programa na may kinalaman sa social welfare projects at services sa loob ng panahon ng kampanya.

Dahil sa hindi gaanong nalinawan o direktang nasagot ng Comelec kung pupuwede ba o hindi na ituloy ang pagbibigay ng ayuda sa senior citizens nang mga panahong iyon, kasunod niyan ay kinailangan namang hingin ni Office of Senior Citizens’ Affairs Elinor Jacinto ang ligal na opinyon ng  City Legal Office. 

Sinabi naman nito na maituturing na “routine and normal expenses” ang nasabing benepisyo na ilang taon nang ibinibigay at hindi na ito dapat saklaw ng mga ipinagbabawal ng Comelec.

Ngayon, tiniyak ng administrasyong Lacuna na mag-apply muna ng  ‘exemption’ bago itinuloy ang mga nasabing programang dati nang pinakikibangan ng mga taga-Maynila.       

Ibig sabihin, ligal ito dahil hindi ito nangyari ngayong election period lamang.  Matagal na itong ibinibigay at ito ay itinuturing na ‘routine and normal expenses.’  Ibig sabihin, ito ay nakagawian na at normal na gastusin ng lungsod.    

Hindi ito kagaya ng pamimigay ng pera sa public teachers o pamimigay ng ‘goods’ na ngayon lang nagaganap sa panahon ng kampanya.      

Alangan namang ipahinto ng pamahalaang-lungsod ang pagbibigay ng mga nakagawiang serbisyo at tulong sa mga taga-Maynila dahil lang panahon ng eleksyon?  Eh di dapat ihinto rin ang pagbibigay ng tulong sa mga nasusunugan, pamimigay ng gamot at libreng sebisyo medikal sa mga ospital, libreng edukasyon, trabaho at iba pa? Hindi lang sa Maynila kundi sa buong bansa kung saan ang mga nakaupo ay tumatakbong muli.     

Pare-parehong naisyuhan ng SCO ang tatlong tumatakbong alkaldeng nabanggit.  Magkakatalo lang ‘yan sa kung paano nila ipaliliwanag ang sarili nila. Sa kaso ni Mayor Honey, may ‘exemption’ ang lungsod para sa patuloy na pagtulong sa mga mamamayang sakop niya at wala siyang nilabag na anumang batas o regulasyon. Maliwanag po ba?

***

DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.