NOONG February 22, isang foreign passenger mula Thailand ang nag-stop over sa Pilipinas para sa connecting flight papuntang Japan.
Habang ini-xray scan ang bag ni Kitja Thabthim, kinapkapan siya at tinanong ng kung ano-ano ng lady crew ng Office for Transport Security.
Kinabahan daw siya at naalala ang mga bali-balita tungkol sa mga nakawan sa NAIA.
Alerto naman ang kababayan niyang Thai na si Piyawat Gunlayaprasit na naisip i-video ang insidente na pasimpleng inabot ng lady crew ang pera sa kasamang guy na isiniksik sa bulsa ang pera.
Pagtingin ng biktima sa laman ng wallet sa bag, sinabi niyang nawawala ang Y20,000 niya na equivalent sa P8,000.
Kinumpronta niya ang suspek at iginiit na isoli ang perang nawawala sa wallet. Hirit ng personnel wala raw CCTV sa lugar para mapatunayan ang kanyang akusasyon.
To make the long story short, nang nalamang binibidyo siya, isinoli ang pera, nagmakaawang i-delete ang video dahil may pitong anak daw siya at sorry nang sorry.
Ni-relieve na raw ng Office for Transportation Security ang mga magkakasabwat sa pagnanakaw at nagbigay pa ng dagdag na ebidensya ang biktima para sa isasampang kaso.
Nangako si Administrator Mao Aplasca ng Office for Transport Security na mas magiging agresibo sila sa pagtutok sa issue at maghahanap ng iba pang paraan para tuluyan na itong malutas lalo’t may anim na kaso pa pala ng nakawan na iniimbestigahan sila.
Pumutok lang ang balita nitong Lunes, Feb 27, pero nagtrending na sa Thailand last week ang scandurukot na nangyari.
Kadalasan pag ganitong nakawan ang nangyayari, iniiwasan ko i-discuss. Gusto ko kasing unawain na napupwersa lang sila ng pagkakataon – baka may mahigpit na pangangailangan at kapit sa patalim.
Iniisip ko, biktima lang din sila ng kahirapan at sistema ng lipunan. Kumbaga, small fish. May mas malalaking tao sa gobyerno na magnanakaw o mandarambong na mas dapat inilalantad dahil sila ay mayayaman na pero nakaw pa rin nang nakaw, ayaw magbayad ng P203 bilyong buwis sa gobyerno at mas malala e ayaw isoli ang bilyon-bilyon pang parte ng mga ninakaw noon maski may mga ebidensya na at desisyon ang korte.
Pero alam mo yung paulit-ulit nangyayari, hindi naman pwedeng paulit-ulit na lang unawain ang mga maling gawa, pang-airport man o pang-kabang bayan ng Pilipinas.
Mawiwili kasi at hindi matututo tulad ng malalaking opisyal ng gobyerno.
Hindi naman ako apektado dahil wala man mananakaw sa akon pero matatakot na pumunta mga turista rito dahil sa ganyan tulad ng naging attitude ni Kitja na hindi na raw babalik sa Pilipinas dahil sa nangyaring insidente,
Maraming beses na ring nangyari yan noon pati sa iba pang airport at sumusulpot na lang ulit pag may matatapang na nagbibidyo at kinukumpronta ang mga magnanakaw sa airport tulad ng Thai na si Kitja.
Yan din ang dahilan kung bakit same buwan ng February 2018, nang naglabas ng mga kautusan si then Transportation Secretary Arthur Tugade laban sa nakawan o tanim-droga sa NAIA.
Ibinawal sa airport baggage handlers na halungkatin ang mga bag at luggage ng passengers sa airports. Dapat, walang bulsa ang mga uniform, masikip ang mga sapatos o boots, walang cellphone habang naka-duty at walang suot na mga alahas.
Anyare na sa security guidelines na yan? Best i-revisit at i-update.
Sa imbestigasyong ginagawa, dapat sagutin nina Aplasca kung totoo nga bang walang CCTV sa pwesto ng scanner gaya ng giit ng security personnel.
Alamin din kung bakit walang higher authority sa area gaya ng claim ni Kitja para aksyunan din yan dahil posibleng siya ang team leader ng sindikato.
Alamin sa CCTV kung nasaan ang supervisor ng crew nung oras ng nakawan.
Wala rin dapat nakaistambay sa counter sa tabi ng x-ray kung saan nagpasahan ng nakaw na pera ang mga scandurukot.
Bakit imbes tumugon sa usapan ng biktima at suspek, nakatingin lang ibang airport personnel? Baka nga naman isang team din sila ng budol kaya dinedma ang pagsusumbong ni Kitja.
Kung pagbabasehan ang anim na kaso pa ng nakawan sa airport na sinisiyasat ngayon, seryosong bagay ito na dapat talagang lutasin.
Mahigpit nga sa mga terorista pero sa magnanakaw, hindi naman, ayun pala ay dahil airport personnel mismo ang budol gang.
Naalala ko noon na hindi pumasa sa international standards ang airport security natin pero naasikaso naman ito.
Kaso merong security aspect pala na nakalusot – nakawan at iba pang modus na pinopromotor ng mismong airport personnel. Lol!