ISA sa pinakamatandang isyu ng mga konsyumer ang panggagantso, pambubudol o scamming.
At mas aktibo ang mga scammers sa panahon ng Kapaskuhan kung kailan pumapasok na ang ekstrang pera mula sa Christmas bonus, performance bonus at 13th month pay.
Nakakahikayat nga kasi ang mga markdowns o bagsak-presyong alok kaya mabilis na naga-add to cart ang mga tao lalo na sa panahong ito kung saan naghahabol sa mga pangregalo.
Dahil karamihan ay gumagamit ng online payment at credit cards na pambayad, hindi pa naidideliver ang produkto ay bayad na. As it usually turns out, either substandard na item ang natatanggap o kaya ay wala talagang aktuwal na delivery na magaganap.
May iba’t ibang klase ng scam. At dahil nasa digital age na tayo, madalas ay sa social media nag uumpisa ang lahat.
1. Ang Philsing Scam ay tungkol sa pagbibigay ng sensitibong impormasyon gaya ng password, mga detalye sa credit card sa mga pekeng websites o emails na kaparehong-kapareho ng lehitimong online platforms.
2. Investment Scams- isang uri ng panggantso na nangangako ng mas mataas na balik ng tubo ng pera at mas maliit na peligro; hinihikayat ang mga tao na mamuhunan o maglagak ng kapital. Subalit madalas ay lumalabas na lugi sa huli o kaya ay kikita sa unang hanggang tatlong buwan, pagkatapos ay wala nang matatanggap na tubo at tuluyang maglalaho na rin ang kapital.
3. Online Shopping Scams-maraming fake websites ng mga ina-advertise na mga produkto, karamihan ay mga high-end at branded items pa ang inilalako. Bayad muna bago deliver ang istilo pero nganga ang nagtiwalang online buyer.
4. Job Scams- empleyo naman ang inaalok dito, oportunidad na makapagtrabaho sa ibayong-dagat, at kung anu-anong training para makakuha ng skills na kailangan diumano sa aaplayan. Ini-eksploit ng ganitong scam ang desperasyon o kahinaan ng mga walang trabaho na madalas ay gagawin ang lahat, kahit ibenta ang mga ari-arian at dignidad, makakalap lang ng para sa placement fee at iba pang gastos sa pag-aapply.
5. Romance Scams- usong-uso ito sa mga Dating Sites kung saan maraming singles, byuda man o matandang dalaga, ang nahihikayat. Katunayan, isang kaibigan ko ang muntik nang mabiktima nito, at pati ako ay muntik madamay. Paano kasi ay sapilitan akong pinagreremedyo ng malaking halaga, kahit isangla ko daw muna ang aking gold at diamonds, dahil naghihintay daw sa airport ang kanyang fiancée at ibabalik daw agad ang pera ko pagka nagkita sila sa airport. May takdang oras pa kung kelan ipapadala ang pera. Talagang kinalampag ako ng aking kaibigan at pilit na pinapasangla ang suot -suot kong alahas. Matapos kung kuwestiyunin ang tila emergency niyang pangungulit, kung kani-kanino pa siya umuutang para dun sa kausap na dayuhang nobyo. At tama ang suspetsa ko, scam nga dahil matapos kung sabihin na iba ang pakiramdam ko at sinabing hindi ako magsasangla para sa emergency ng taong ni hindi ko kakilala, natigil ang komunikasyon nila ng kaibigan kong napaka-naïve at muntik maging biktima ng romance scam.
Hindi na mabilang ang mga kuwento ng scamming na pinalalapad ng mga social media platforms. Hindi lamang sa mga nabanggit may scam. Maging lottery ay may iniulat na scamming. Mas madali na ang ganitong gawain dahil digital na lahat, at kayang-kaya ng artificial intelligence (AI) na lumikha ng iba’t ibang profiles ng kahit sino. Sinisira ng scammers ang digital landscape dahil sa kanilang panloloko.
Katunayan, ayon sa pinakahuling ulat ng isang anti-scam advocacy group na Scam Watch Philippines, ang Pilipinas ang pinakamataas ang online shopping scam rate sa buong Asya o pang-una sa 11 bansa sa buong Asya. Pinag-iingat ng grupo ang mga tao sa pagki-click ng mga links na ipinapadala sa kanilang mga cellphone at ipinaala na maging mapanuri lalo sa pagbili online.
Ayon sa Scam Watch Philippines, kapag sobrang mura ang bilihin, kahit alam mong mahal yung item, dapat ng magduda at maaring too good to be true ito. Nagbabala rin ang grupo na hindi porke’t kilalang malalaking mga tao o influencers ang nag-aadvertise nito ay pwede na itong paniwalaan agad.
Maging proactive dapat ang publiko sa paglaban sa scam. Kapag may kaduda-dudang mga aktibidad, iulat agad sa mga ahensya ng gobyerno o grupong pribado nagbabantay sa mga ganitong sitwasyon. Nasa Google lang ang contact details ng mga ahensyang gaya ng Department of Trade and Industry at Scam Watch Philippines. May mga hotline ang mga ito.
Pero syempre, ang pag-iingat ay nagsisimula sa sarili. Maging updated sa mga panibagong modus. Magbasa. Makinig. Manood. At ipagkalat kung kinakailangan.