Sara ‘wag magtitiwala kay Imee

NAGKAKAMALI si Vice President Sara Duterte kung inaakalang ‘forever’ang friendship niya kay Senator Imee Marcos lalu na kung magdedesisyon siyang tumakbo sa pinakamataas na puwesto ng gobyerno sa darating na 2028 presidential elections.

Dapat maging mapagbantay si Sara sa mga kaibigang nakapalibot at baka biglang dumating ang pagkakataong magulat na lamang siya at meron ng tama ng saksak ang kanyang likod.

Kung tutuusin, ang mga senyales at paramdam ni Imee na susunod sa yapak ng kanyang kapatid na si President Bongbong ay napakalinaw, at makikita ito sa preparasyon at posisyong ginagawa para masigurong maging mayor ng Maynila sa 2025.

Hindi kaila sa lahat na ang Maynila ay kabisera ng Pilipinas, ang sentro ng kalakalan at pulitika, na sinasabing siguradong behikulo sa ambisyon ni Imee na maging presidente sa sandaling mahalal na mayor ng lungsod.

Kapansin-pansin ang ginagawang pag-iikot ni Imee sa Maynila, kinakausap ang mga local leaders at abalang-abala sa pamumudmod ng TUPAD at ang tinatawag na AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD.

Kaya ngayon pa lang, asahang hindi magbibigay ng ‘daan’ si Imee kahit magdeklara ng kandidatura sa 2028 si Sara dahil sa paniniwala ng senadora na siya ang karapat-dapat na umupo sa maiiwang trono ni Bongbong.

‘Plastik’ na matatawag ang ginagawa ni Imee na pakikipagkaibigan kay Sara. Hindi ba si Imee ang kumumbinsi kay Sara na tumakbo bilang vice president at sa kalaunan nahalal ang kanyang kapatid na pangulo?

Sa pangyayaring naging vice president si Sara, tuwang-tuwa ang pamilyang Marcos habang si dating Pangulong Digong kasama ang mga DDS ay galit na galit dahil nabudol sila ni Imee at naglaho ang posisyong pangulo na nakalaan kay Sara.

At kung hindi naman matutuloy si Imee sa pagtakbong mayor ng Maynila, asahang pipilitin nitong maging number one sa senatorial race sa 2025 at masiguro pa rin ang kanyang balakin na maging presidente.

Kaya nga, kailangan talagang maging maingat at matalino si Sara sa pakikitungo kay Imee dahil kahit na sino pa ang tumakbo sa nakatakdang presidential elections, maging si Tambaloslos man o si Inday nga, mukhang desidido na ang senadora na siya ang pumalit sa kanyang kapatid sa Malacanang.

Sabi nga sa Waray… Inay man daw Inday, paghinay-hinay kay switik itun na babahignit!

                                                                      ***

Inaanyayahan ang lahat na panoorin ang aming bagong vlog kasama ang beteranong mamamahayag na si Jimmy Alcantara. Tatalakayin ng programang Ah, Basta! ang mga maiinit at napapanahong isyung pulitikal, showbiz at tsismis ng mga Marites sa bawat eskinita, looban, kanto at plaza. Abangan!!!