Sara D,  ‘Red Flag Queen’

NAMUMURO na si Sara Duterte, sa Commission on Audit (COA) dahil sa red flags sa Office of the Vice President (OVP). 

Pag ang isang government office ay ni-red flag, ibig sabihin, inaalerto ang agency na may naobserbahan ang COA na kakaibang galawan o kwestyunable sa pamamahala at paggastos ng pera ng bayan na posibleng senyales ng misconduct o maling gawi ng mga opisyal. 

Kailangan rumesponde ang ahensya at concerned official/s para magsagawa ng pagsusuri sa hakbang o sistemang kinukwestyon ng COA sa 2022 annual audit report.

Una sa ni-red flag is yung ginastos ni Sara na P125 milyon na confidential funds noong 2022. 

Hindi kasama ang P125 milyon sa aprubadong annual budget.  Isiningit lang pagkatapos ipasa ng Kongreso ang Republic Act (RA) 11639 o General Appropriations Act  for 2022.

Wala namang confidential funds ang OVP sa nagdaang limang taon. 

Makikita yan sa breakdown ng OVP sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) for 2022.  Walang paliwanag ang OVP kung saan kinuha ang ginamit na pondo riyan.

Matatagpuan yan sa Notes to Financial Statement section ng COA 2022 Annual Audit Report sa OVP.

Ayon sa COA, ang OVP confidential expenses ay gamit sa safe implementation ng iba-ibang proyekto at activities aa ilalim ng Good Governance Program at official engagements at mga opisyal na lakad sa international at domestic na ganap sa utos ng presidente.

Pangalawang red flag ang pumalpak na Medical Assistance Program (MAP) ng OVP para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Namili ang OVP ng mga gamot at pagkain nang hindi napakinabangan ng maraming beneficiaries ang pondo.

Sinasabing 471 o 43.39 porsiyento o halos kalahati ng 1,083 piniling beneficiaries ay hindi nakuha ang dapat nilang senior /PWD discounts.

Sa RA 994 at 10754, entitled sa 20 percent discount at VAT- exemptions ang elderlies at PWDs.

Kung nabigyan sila ng discounts, marami pa sanang seniors at PWDs ang nabiyayaan.

Pangatlo sa red-flagged ang madaliang pagbukas ng Office of the Vice President (OVP) ng satellite offices sa iba-ibang lugar sa Pilipinas.

Sa kaso ng mabilisang pagtatayo ni Sara ng satellite offices, nabigo ang OVP na idaan ito sa proseso ng batas sa procurement o pamimili at paggastos ng buwis ng mga tao.

Ang ginawa niya, ginamit muna ang pera ng officers at saka idinaan sa reimbursement, na hindi standard practice.

Paglabag ito sa Republic Act (RA) 9184 at implementing rules and regulationa (IRR) sa pamimili ng planta, property at equipment (PPE) at iba pa, sa satellite offices na nagkakahalaga ng P668, 197.20.

Pag sinabing PPE, ito yung lote, building, makinarya at iba pang gamit.

Issue rito ang transparency and accountability dahil base sa mga resibo, ang ginastos ay nireport sa Property Unit tatlong  buwan pagkatapos itayo ang mga upisina.

Paglabag ito sa procurement law.

Ang satellite o branch offices na binuksan nung isang taon ay sa Cebu, Dagupan, Davao, Zamboanga at Tandag sa Surgao Del Sur.

Pero hindi lang yan ang red flags ni Sara sa history niya bilang government official.

Sa huling taon niya bilang Davao City mayor, ni-red flag si Sara sa donations sa city hall para sa pandemic relief aid.

Pinuna ng COA ang dalawang beses na pagtanggal sa property inventory list ang P188.814 milyon halaga ng government property. 

Kasama sa unlisted donations ang 10 JAC vans mula sa Chinese embassy, isang land ambulance mula sa Pitmaster Foundation.

Wala ring papeles ang relief goods para sa health frontliners at residente.

Noong May 2021 sa COA Annual Audit Report, maraming assets ang Davao City nung 2020 na nagkakahalaga ng P9.48 bilyon ang ni-red flag.

Ito yung city government property, plant at equipment na ayon sa COA ay hindi nila ma-validate, hindi malaman kung tama at hindi matiyak kung meron nga bang mga asset na yan.

Ang dahilan: hindi nag-submit ng report ang city hall.

Inalarma rin ng COA ang Davao City inventory account balances na P97, 086, 499 na kaduda-duda at hindi maaasahang datos dahil hindi sila nag-submit ng mga dokumento.

Wala ring dokumento at nagmumukhang ilegal ang pamimili ng Davao City ng mga ayuda na pinamigay sa matitinding tinamaan ng pandemic. Nagkakahalaga yan ng P199 milyon.

Wala ring dokumentong sinubmit ang Davao City sa pamimili ng P469 milyon  grocery packs.

Hindi rin sumunod ang Davao City sa  Guidelines for Emergency Procurement para sa Covid response.

Ginamit ng Davao City ang Bayanihan Grant for Cities and Municipalities (BGCM) na nagkakahalaga ng P24, 086, 954.50.

Sa 2017 Annual Audit report na inilabas nung May 21, 2018,  kwinestyon ng COA ang P569.86 milyon halaga ng inventories ng Davao City dahil sa di masinop na record at kulang ng supporting documents.

Ni-red flag ng COA ang P486.34 million inventory accounts  dahil bloated sa non existing items; P69.46 milyon infrastructure projects na kulang kulang sa impormasyon sa proseso ng procurement;  at pagbayad ng P13.58 milyon school equipment at P476, 102.05 para sa drugs at medicines nang walang mga papeles.

Maraming dahilan si Sara sa mga red flag pero eme eme lang yun dahil may mga batas at patakaran na dapat  sundin pero mahilig magpalusot at short cut gamit ang kanyang kapangyarihan noon bilang mayor at ngayon, bilang bise presidente.

Seryosong usapin ito ng good governance lalo na’t nasa pangalawang pinakamataas na pusisyon siya pero mali at palpak na halimbawa siya ng transparency at accountability sa pamamahala ng gobyerno.

Mayora pa lang siya, nabilangan na siya ng red flags.

Hindi pa natuto sa karanasan at paulit-ulit pang ginagawa at ibinaon pa hanggang sa Office of the Vice President.

Consistent.

Legacy? Nakakahiya. 

Kung hindi yan matatawag na Reyna ng Red flags, hindi ko na alam.

Kakaawa ang Pilipinas, hindi na nauubusan ng mga abusado tiwali sa gobyerno.

Tulad ng Marcoses, manhid na rin si Sara sa tamang pamamahala ng pondo ng bayan. Asa pa ba?