NGAYON pa lang marami na ang nag-aabang sa napabalitang pagpa-file ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mas mataas na posisyon. Kung si dating Senador Bongbong Marcos ang kanyang magiging katandem o hindi ay malalaman natin sa susunod na mga araw.
Lumalabas kasi na hindi pa nilalabas ni Sara ang kanyang mga baraha bago ang deadline (November 15) na itinakda ng batas para sa pagpapalit ng kandidato sa pambansang halalan sa mayo 9, 2022.
Bagamat karamihan sa mga netizen ang hindi na nabigla sa pag-atras ni Mayor Sara, ang mga political advisers ng kanyang mga katunggali ay tila naguguluhan pa rin sa tunay na intensyon ng Mayora dahil maraming haka-hakang lumabas bagong telenobela sa pulitika na para bang pinipihit tayo na panoorin ito at pag-aralan ang mga galaw niya sa pulitika.
At totoo nga, dahil ang mga major media outlets maging sa TV man o radyo at sa social media platforms ay tanging bukang-bibig ang kanyang pag-atras niya sa lokal na pulitika. Pero bago ang kanyang pag-atras ay nagkita sila ni presidential aspirant at dating senador Bongbong Marcos sa Cebu City.
At sa BBM-Sara o Sara-BBM na nga uminog ang salaysay ng kwento sa pulitika. Pinangangalandakan kasi ng mga eksperto sa pulitika na masyadong malakas kapag silang dalawa ay magsanib sa pulitika. Si Mayor Sara na dala ang popularidad at posibleng ang makinarya ng kanyang ama, ay dadalhin diumano ng mga mayorya ng botante ng Visayas ay Mindanao; habang si Bongbong, na consistent ang panalo sa Metro Manila, at the rest of Luzon at magseselyo ng kanilang panalo.
Matatandaan kasi na si Marcos ay nanalo sa Metro Manila at sa the rest of Luzon maliban sa Bicol region laban kay Leni Robredo sa pagka-pangalawang pangulo ngunit natalo naman siya sa mga lugar na talamak ang dayaan lalo na sa Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan at ilang portion ng Mimaropa. Sa tala kasi ng Comelec may mga presinto pa nga sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur na na zero si Marcos at maging si Mayor Rodrigo Duterte noong halalan ng 2016 na noon naman ay tumatakbong pangulo.
Kung ang mga malalapit na supporter ni Sara ang tatanungin, hinihintay na lang niya ang withdrawal nila Senador Ronaldo “Bato” de la Rosa at Bong Go sa pagkapangulo at pagka-pangalawang pangulo bago niya isakatuparan ang kanyang plano na maging ang mga taga Palasyo diumano ay nagmistulang “clueless”.
At nitong Miyerkules nga ay nagpa interview sa media si Albay Representative Joey Salceda na nagpakilalang malapit diumano kay Mayor Sara na tatakbo siya (Sara) bilang Pangulo.
Ayon sa isang political analyst na malapit sa punong lungsod ng Davao City, ang matagal na desisyon ma ito ni Mayor Sara ay hindi lamang upang iligaw ang mga katunggali sa pulitika kundi maging ang mga kapanalig ng kanyang ama.
Ayaw daw ni Sara na makasama sa kanyang team ang mga tauhan ng kanyang ama. Ang plano daw kasi nila ay patakbuhin si Sara sa ilalim ng PDP-Laban at si Bong-Go ang napipisil ng kanyang ama bilang pangalawang pangulo dahil ayaw ng paksyon nila kay Bong Bong Marcos.
Ayon sa aking source, alam ng mga taga Davao hindi maganda ang relasyon ni Sara at ng trusted aide ni Pangulong Duterte na si Senador Bong Go dahil sa maraming kadahilanan. Isa na umano rito ang pagka-involved ni Senador Bong Go sa paglilihim sa kanilang magkakapatid sa maraming larangan lalo na sa mga negosyo umano ng dalawa.
May ispekulasyon pa nga na ang drug raid na isinagawa ng PDEA, NBI at PNP sa Davao de Oro na kinasangkutan ng City Information Officer ni Mayor Sara na Jefry Tupas ay upang mawalan ng balanse si Sara na noon ay nakapagdesisyon na.
Ikalawa, gusto raw ni Mayor Sara na dumistansya sa mga alegasyon ng korapsyon at mga pagpatay sa ngalan ng drugs war na ngayon ay naka umang sa International Criminal Court laban sa kanyang ama.
“Gusto niya na kung tatakbo siya ay under her terms at hindi sa dikta ng kanyang tatay o ng kanyang mga tauhan,” ang bulalas ng isang malapit na supporter ni Mayor Sara sa inyong lingkod. Kumbaga ika nga, ay maraming magtataas ng kilay sa kondisyon na ito dahil iisipin ng kanyang mga katunggali na lumang gimik na ito.
Maaaring tama ang mga estratehiyang ito ni Sara dahil mayroon na kaagad na pinalulutang na tsismis sa media ng isang political operator ng isang katunggaling presidential aspirant na magkikita daw sila diumano ni dating pangulong GMA kasama ang mahigit sa 60 kongresista na pinamumunuan ni Speaker Lord Allan Velasco sa Balesin island, ang ekslusibong island-resort ni dating Minister of Commerce and Industry Roberto Ongpin nitong Biyernes upang selyohan ang tambalang BBM-Sara o Sara-BBM.
Ngunit lumabas na tsismis lang pala ang balita dahil hindi naman pala pupunta si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Balesin, ayon sa kanyang staff. Totoo din naman daw na pupunta doon si Speaker Velasco dahil mayroon siyang kasal na dadaluhan sa isla.
Marami pa sanang kwento ang sinabi sa akin ng malapit na supporter ang aking sasabihin pero irereserba ko na lang hanggang sa mga magaganap sa Biyernes dahil tatlong political party ang nag-aabang na saluhin siya pero hindi ang PDP-Laban.
Naririyan ang Lakas-NUCD, Partido Federal na nagdadala kay Bong Bong Marcos at ang People’s Reform Party ng namayapa ng senador na si Miriam Santiago.
Kung ano ang mangyayari sa PDP-Laban kapag si Sara ay tumakbo hindi sa banner nila ay malalaman din natin sa Lunes dahil noong nakaraang araw ay biglang nagpakita si senador Manny Pacquiao sa Malacanang kasama si Pangulong Duterte.
Pacman-Bong Go vs Sara-BBM (o BBM-Sara)? Lumalabas na mas exciting ang labanan ngayon pa lang. (Wag po kayong mag-alala at isusunod ko na si Leni next week)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]