NAPAKARAMING isyu, trending man o hindi, ang dagdag-isipin ng mga tao sa pagpasok ng bagong taon.
Una ay ang presyo ng mga pangunahing bilihin, gaya ng bigas, asukal, baboy, manok at isda.
Sa karaniwang tao, napakalaking problema ito. Paano maitatawid ang isang araw na hindi magugutom ang pamilya? Paano kung minimum o wala pa sa minimum ang sinasahod ng padre de pamilya na may tatlo o higit pang anak?
Nasa P610 ngayon ang minimum wage dito sa Metro Manila. Kung may tatlong anak, sasapat ba ang isang kilong bigas araw-araw? Ang magandang bigas na P58 o P60 kada kilo ay OK na kahit hindi masarap ang ulam.
Magkano naman ang isda? Ang galunggong ay mas mahal pa ngayon sa manok! Ang itlog na dati ay P5 kada piraso ay naging P8 hanggang P10 na.
Magkano rin ba ang kape, asukal, instant noodles na karaniwang “survival food” ng mahihirap?
Kung yan ang problema na ng mga minimum wage earner, paano pa kaya yung walang trabaho o walang permanenteng trabaho? Ang sakit sa bangs!
Hindi naman maaring pahinga muna o “i-pause”muna ang mga tiyan habang walang makain.
Maari bang managinip na lang, o kaya manalangin na tumama sa lotto o may mayamang biglang makunsensya at mamahagi ng kayamanan?
Maari bang umasa na lang sa mga pangako ng mga pulitiko o sa gubyerno na ibaba na ang presyo ng bigas at basic necessities? Aasa na lang ba sa mga ayuda?
Tapos na ang eleksyon at maraming pangako ang napako. Nganga na naman ang mahihirap na nabudol ng mga budulerong politiko!
Mabuti na lang, nauso o trending sa social media ang pagtulong sa mahihirap, sa mga walang makain, walang matirhang bahay!
Uso ang social service, maraming views ang nakukuha ng vloggers o content creators.
Care for the needy ang karaniwang content ng vloggers. Umaani sila ng million views lalo na kung talagang kaawa-awa ang tinutulungan. Binibigyan ng bigas, tinapay, mga de-latang ulam na pansamantalang sagot sa kumakalam na sikmura. Panandaliang sagot sa problema ng kahirapan na pinasasalamatan din dahil sa bukal-sa-loob na pagtulong nang walang patagong interes.
Ayos lang dahil marami naman ang natutulungan. Maraming nawawalan ng pag-asa ang nabibigyang liwanag at inspirasyon. Natutulungang magpursige at lumaban sa hamon ng buhay. Nanunumbalik ang tiwala sa kapwa, o hope in humanity sa ganitong sitwasyon.
Give and take ika nga ang labanan. Nakikinabang sa ayuda ang tinulungan at kumikita sa views ng content ang creator o vlogger/blogger.
Harinawa maibsan na ang isiping pinansyal ng ating mga kababayan. Magkaroon ng panibagong pag-asa ngayong bagong taon at sa susunod pang mga panahon.