NAKALULUNGKOT ang balita na pumanaw nitong Martes, Agosto 22, ala-1 ng hapon, si Toots Ople, unang secretary ng bagong buong Department of Migrant Affairs, sa edad na 61.
Taus-puso kaming nakikiramay sa mga naiwan nyang mahal sa buhay.
Naging magkakilala kami ni Toots dahil madalas namin siyang kuning resource person sa mga balita tungkol sa OFWs.
Binuo niya ang Blas Ople Policy Center sa ngalan ng ama na naging kalihim ng labor department sa administration ni Marcos Sr.
Tulad ng sinuman, hindi siya perfect at may mga bagay na magkaiba kami ng pananaw sa ilang aspeto ng migrant issues, pero cool lang si Toots. Healthy discussion, at natututo kami sa isa’t isa.
Pero off at on-camera, ilang beses ko nang nasubukan ang dedikasyon at sinseridad niyang tumulong sa mga OFWs na nalalagay sa mabibigat na problema.
Nalalapitan si Toots anumang oras na kailanganin ang tulong niya bilang OFW rights advocate.
Minsan, may kababayang OFW sa Saudi ang ginigipit at inaabuso ang humingi ng saklolo at inilapit ko ng tulong sa kanya.
Automatic na kay Toots alamin ang detalye, pinapasukang amo, contact number at iba pa.
Nakipag-coordinate agad ang Ople Center sa biktima at sa embahada.
Sa tulong din ng ibang OFW leaders, na-rescue ang biktima hanggang makauwi rito sa Pilipinas.
Habang umaandar ang kaso, boluntaryong kinupkop ni Ople ang kababayan bilang staff sa kanilang non-governmental organization (NGO).
Doon ko nalaman, tulad ng maraming NGOs sa Pilipinas, limitado ang resources, kulang sa pondo at skeletal ang staff ng center.
Pagmamahal at commitment sa OFWs ang nagpapasigla sa kanilang maglingkod.
Sinisikap nina Toots na tugunan ang iba pang pangangailangan ng mga OFW.
Sa parte ng kababayang kanilang sinagip at kinuhang volunteer staff, pinagsanay nila sa TESDA.
Pati ang kanyang anak na nasa Batangas ay pinag-train nila sa hotel and restaurant work at iba pa.
Sa huli, bumalik sa abroad ang kababayan at ngayon ay nasa Oman at may sarili nang salon.
Ang kagandahan, pati anak niya na pinagsanay nina Toots ay nasa Oman at nakapagtrabaho sa mga restaurant.
Napag-aral ng kababayan ang mga anak at unti-unting umaasenso ang buhay.
May mga anak at kaanak na pinapunta niya sa Oman at ngayon ay nagtatrabaho na rin doon.
Malaki ang kanilang pasasalamat kay Toots.
Bilang dating NGO worker tulad ni Toots, naging karanasan ko na ang malapad na network ng mga NGO at pati na rin ang ilang governmental organizations (GO) o government agencies na people-friendly, ang nakatutulong din ma-deliver ang serbisyo at iba pang pangangailangan ng kapwa NGO at pinaglilingkurang marginalized sector, at sa Ople Center, mga distressed OFW na kanilang pinagsisilbihan.
Kahit nagka-clash at may divergence sa vision, pagsusuri, approaches at resolutions sa mga problema, at some point, may convergence pa rin ng mga ideya at pagkilos ang mga tao, NGO at GO.
Isama na rin ang mga simbahan at interfaith unity sa kanilang social action programs para sa migrant at families.
May ilan ding businesses, sa kanila namang corporate social responsibility bilang seryosong parte ng kontribusyon sa humanity at hindi pampa-cute ng image, masabi lang na makatao sila.
Susi sa tagumpay ng NGO work nina Toots ang grassroots work at pag-address sa gut-felt needs ng masa.
Malalim din ang koneksyon at paglubog ni Toots sa OFW community.
Dinala niya ang approach at koneksyon na ito sa DMW na hindi matatawarang tulong sa policy at operational decisions ng agency.
Katunayan, kinuha ni Toots ang mga beterano, dedicated at selfless OFW leaders para tulungan siya at magtrabaho sa ahensyang kanyang pinamumunuan.
Dalawa sa kanila ay personal kong kakilala at parehong nagtrabaho dati sa Saudi – si Charles Tabbu na IT expert at tumutulong sa digitalization efforts ng DMW at naging isa sa senior correspondents ng ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) sa Middle East.
Opisyal din ng DMW si Ka Venecio Legaspi na chairman emeritus ng OFW Council of Leaders at nakakasama ko ilang OFW conferences at subok na maka-manggagawa.
Bihira ang civil servant na tulad ni Toots – tapat, may tunay na puso sa kapuwa, madiskarte, judicious, bukas sa iba-ibang ideya, team-player, maasahan anumang oras, maka-Pilipino.
Hiling natin na katulad niya ang ipalit sa ahensya na maka-OFW o mula sa hanay ng OFW.