Sakit sa ulo si VP Sara

MUKHANG magiging busy si Vice President Sara Duterte sa mga darating na araw.

Busy hindi dahil sa trabaho, kundi busy sa pagsagot sa samu’t saring kaso na isinampa laban sa kanya.

Wala yata akong kakilala na hindi nakapanood sa meltdown ni VP noong nag staycation siya sa opisina ng kanyang kapatid sa House of Representatives. Na-contempt kasi ang kanyang kaibigan na si Zuleika Lopez, ang kanyang chief of staff.

Marami nang nangyari buhat nang mailabas ang video.

Naging magulo ang sitwasyon dahil sa pakikialam ni Duterte.

Nagsampa ang Quezon City Police District ng direct assault, disobedience, at grace coercion laban kay Duterte.

May disbarment case din na isinampa sa Korte Suprema laban sa Bise Presidente.

Bukod dito, marami rin ang naghihintay kung may magsasampa ng impeachment case sa Kongreso.

Dahil lang ito sa pagtatanggol niya kay Lopez. Dahil ito sa galit niya ngayon kay Pangulong  Marcos, kay First Lady Lisa Marcos at kay Speaker Martin Romualdez. 

Kitang-kita ang galit ni Duterte. May pagbabanta pa nga. 

Ang dami niyang sinabi.

Hindi pa nga siya tumitigil.

Bakit nga ba ganyan na lang ang pagmamaktol ni Duterte?

Dahil ito sa P612.5 milyong halaga ng confidential fund na hindi ma-justify kung saan napunta.

Parang bulang naglaho ang milyon-milyong pisong halaga. 

Kung sinagot lang sana ni VP Sara ang mga tanong, sana ay naliwanagan tayo saan nagastos ang pera ng bayan at walang ganitong drama na tayong inaabangan.

Sabi nga kung ayaw, maraming dahilan, kung gusto may paraan. 

Pinili niya ang magdahilan, kaya ayan, nagkakasakit yung mga taong sumasagot para sa kanya. 

Sa totoo lang, hindi nakakatulong kay VP Sara ang pag-iingay niya, lalo lang siyang lumulubog sa halos araw-araw na press conference niya. Nakaka-irita na nga.

Ang dapat niyang gawin, dahil nag-oath na siya, ay sagutin na ang mga tanong saan niya dinala ang pera natin.