KUNG walang Philhealth, halos isang buwan na sahod ng mga minimum wage earners ay napupunta lamang sa COVID-19 testing bilang requirement ng mga employers and business owners sa onsite workers bilang pagsunod sa utos ng gobyerno na isailalim sa testing every 15 days ang mga manggagawa simula noong December 1 last year.
Hindi lamang unvaccinated workers ang nire-require ngayon ng mga employers na dalawang beses kada buwan magpa-COVID-19 test kundi pati na rin yung mga vaccinated na mga empleyado. Mandatory na rin umano ang negative swab testing result sa mga manggagawang nag-aapply ng trabaho.
Hindi makatarungan na babalikatin ng mga manggagawa ang pambayad sa swab testing dahil responsibilidad ng mga employers at ng pamahalaan na siguraduhin na safe and healthy ang pagawaan at mga opisina mula sa COVID.
Ang rank-and-file, minimum wage earner na manggagawa sa Metro Manila– na may pinakamataas na minimum wage rate sa buong bansa– ay sumasahod ng P13,000.00. Babawasan pa ito ng mandatory deductions kung kaya halos P12,000 na lamang ang take home pay ng mga ito.
Samantalang ang dalawang COVID-19 RT-PCR tests na requirement ngayon sa ilalim ng Alert level 3 sa isang buwan ay tinatayang nasa P9,000 sa swab test result na makukuha sa loob ng anim oras.
Samantalang kung maghihintay ng isa hanggang dalawang araw, aabutin ng P5,600 kada buwan ang testing subalit may P2,148 nawala sa sahod bilang paghihintay sa resulta ng testing sa loob ng apat na araw sa isang buwan. Kung isasama ang pamasahe at iba pang incidental expenses sa pagpapatest at pagkuha ng resulta ng testing, sumatutal aabot ng 90% to 95% ng buwanang sahod ng manggagawa ang mapupunta sa pagbayad ng testing.
Hindi pa kasama dito ang gastusin at mawawalang sweldo kapag may confirmatory tests o kaya naman ay magpositibo at kinakailang tumigil sa trabaho for isolation or quarantine ng 10 araw.
Samantala, aabot naman sa 90% ang coverage ng Philhealth sa RT-PCR test. Kung wala kang Philhealth, halos isang buwan mong sahod ay mapunta sa cost of testing. Take note also na hindi lahat ng testing facilities ay accredited ng Philhealth.
Panawagan natin na dapat sagutin ng gobyerno ang cost of mandatory testing ng mga manggagawa. Kung hahayaan ng pamahalaan na sagutin ng manggagawa ang COVID19 testing, mas malawakang gutom ang mararanasan at mas matinding paghihirap ang babalikatin ng mga manggagawa at kanilang pamilya.
Obligasyon ng gobyerno ang magsagawa ng contact tracing, cost of testing at treatment sa mga manggagawa na mahahawa sa COVID19.
Responsibilidad ng gobyerno na bayaran ang testing at dapat gawin available at accessible ang mga testing sites sa Metro Manila na nasa Alert level 3 kabilang ang mga probinsiyang nasa NCR bubble plus gaya ng Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon kung saan maraming manggagawa sa Metro Manila ang umuuwi at naninirahan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]