TANGING sa Pinas lamang puwedeng bumili ng tingi-tingi.
Puwede ang isang stick ng yosi, ang ilang piraso ng bawang o sibuyas, isang pahid ng pomade, isang itlog, isang sachet ng shampoo, at maging kape, etsetera.
Kaya mas tinatangkilik ang mga produktong nasa sachet. Ilang barya lamang puwede nang mairaos ang pagligo, at maging pagkain.
Naging kultura ng Pinoy ang tingi kaya ang malalaking korporasyon, sinamantala ang pagkakataong ito upang magprodyus ng mga produktong nasa sachet, at sa kanilang promosyon ang mga produktong nasa sachet ay “pro-poor.”
Tinanggap ng publiko ang naratibong ito ng malalaking korporasyon, at hindi na pinag-isipan ang adverse effect nito kung mayroon man.
Sa unang tingin, ang mga produktong nasa sachet kasi ang pinakamura at mas kayang bilhin ng ordinaryong mamimili. Ang hindi isinama sa kuwenta, ang peligrong dulot nito sa ating kapaligiran at kalusugan.
Isinisisi sa plastic ang pagbara ng mga daluyan ng tubig gaya ng creek, ilog, drainages na nagiging dahilan ng malawakang pagbaha. Ang hindi natin inaakala na maliliit na pakete o sachet ng shampoo, suka, paminta, etsetera ang totoong salarin kung bakit mabilis ang dagsa ng tubig at bumabaha. Barado na nga kasi ang maraming daluyan dahil sa plastic na naiipon.
Nasa halos 164 milyong sachet kada araw o 52 porsyentong dami ng naiipong mga pakete ang sumisira sa mga natural na landscapes, at banta ito sa buhay, turismo at hanapbuhay ng maraming mamamayan.
Dati-rati, kung bibili ka ng suka sa sari-sari store, kailangan may dala kang sariling botelya at doon isasalin ang bibilhin. Gayundin ang iba pang pang-araw araw at batayang mga produkto. Ngayon ay hindi na. Kahit sa parehong dami ng suka o mantikang bibilhin, hindi na kailangan ang sariling botelya o container.
Neatly-packed sa maliliiit na pakete o sachet ang suka, toyo, mantika. At hindi lamang sa mga sari-sari stores nabibili ang mga produktong nasa sachet, maging sa malalaking grocery.
E, ano ba kasi ang problema sa sachet? Di ba mas mura nga ito, mas abot-kaya?
Mas mura at mas malinis tingnan, pero sa long-term, mas mapanganib sa kalusugan at mamamayan.
Lingid sa kaalaman ng lahat, mas marumi ang sachet kesa tradisyonal na botelya o container. Gawa kasi ito sa maruming langis at mga kemikal upang mabuo o magkahugis sachet, at ilang buwan o taon nakasilid ang pagkain o gamit sa katawan (shampoo, conditioner) sa maruming plastic na ito.
Hindi ito recyclable at kailangang ibaon sa landfill. Dekada ang inaabot bago ito matunaw or maianod sa mga karagatan, kung saan doon maghahasik ng lagim dahil ang mga ito ang sanhi ng pagkamatay ng mga lamang-dagat.
Dahil bahagi na ng ating kultura ang pagbili ng tingi-tingi or in sachets, mahirap itong igpawan. Ang sagot ng malalaking korporasyon na manufacturers ay simple: mas mura, mas abot-kaya, mas madaling makabili ng tingi.
Convenience! Yan ang come-on ng sachets. At diyan nadale ang mga konsyumers!
Sa tingin ko hindi pa naman namamatay ang praktis na pagdadala ng sarili mga botelya para bumili sa mga ilang environment-friendly stores. Alam ko puwede na rin ang tingi sa shampoo gamit ang sariling botelya. Ako mismo ay pikit-matang bumibili ng litro ng detergents sa mga tindahang ito, gaya ng Ecoshift, kung saan ang prinsipyo ay minimize plastic waste.
Hindi madali ang campaign for zero-waste, subalit kung isasapuso ang panganib na dulot nito at ilalaglag ang naratibo ng big companies na “pro-poor” ang sachets, tiyak na isang hakbang ito sa pagpapabuti ng kalagayan ng kapaligiran, at one step forward para sa mas ligtas na komunidad.