GRABE ang ginawa ng mga may-ari ng Leonel Waste Management Corporation o Leonel sa Maynila.
Mantakin n’yo, matapos makinabang sa loob ng napakaraming taon bilang solong kontratista ng basura sa Maynila kapalit ng bilyon-bilyong piso ay nakuha pa nitong abandonahin ang kanilang responsibilidad sa panahon kung kailan pinakakailangan ang kanilang serbisyong bayad.
‘Yan ay nitong nakaraang holiday season kung saan ang buong bansa ay nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at siyempre pa, ay inaasahang magkaroon ng maraming basura bawat kabahayan.
Bago pa niyan, marami nang natanggap na reklamo ang Manila City Hall sa di pangungulekta ng basura at kakaibang dami ng mga tumpok ng basura kung saan-saan na dati ay hindi naman ganoon.
Kapuna-punang nag-umpisa ang mga kabalahuraan sa di pagkolekta ng basura – o maaring pagdagdag pa sa mga ito — nang magsimulang maglabasan sa social media ang mga pahaging na post ukol sa balak na pagtakbong muli ni ex-Mayor Isko Moreno.
Nagkataon lamang ba ito? Ayokong mag-isip ng masama pero para sa kaalaman ng lahat, ang kontrata ng Leonel ay nagsimula noon pa at ito ay itinuloy ni Moreno sa kanyang panahon.
Bunga ng sandamakmak nang reklamo at paulit-ulit na pakiusap ng administrasyon ni Mayor Honey Lacuna sa Leonel na ayusin ang trabaho nang walang nangyayari, natural lamang na magdesisyon ang pamahalaang-lokal na huwag nang i-renew pa ang kontrata ng Leonel at palitan ito ng magta-trabaho nang maayos kesa mamulitika.
Tanga lang ang di makakahalata na may pananabotaheng nagaganap dahil sobra talaga ang pagpapabaya sa koleksyon ng basura.
Tapos, pakukunan ng video sa mga bayad na vlogger ang mga basura at ipapa-post sa social media na marumi raw ang Maynila. Pero walang banggit na ang kolektor ng basura na nagpabaya ay Leonel na ang kumuha ay si Moreno mismo.
Isang malinis na bidding ang ginanap sa Maynila kelan lamang at nai-award ang bagong kontrata sa dalawang kumpanya na maghahati sa koleksyon ng basura sa anim na distrito ng lungsod.
Natural lamang na magkaroon ng tinatawag na ‘transition’ o paglilipat ng mga responsibilidad mula sa luma papuntang bagong kolektor ng basura.
Ang siste, hindi nangulekta ang Leonel nitong holiday season kung kailan ang basura ay umabot ng 400 porsiyento, gaya nangyayari taun-taon.
Sa madaling sabi, ayon kay Mayor Honey, ay inabandona ng Leonel ang responsibilidad nito at gayundin ang maayos sanang transition o paglilipat ng responsibilidad.
Dahil diyan ay inatasan na niya ang mga bagong kolektor ng basura na sinupin ang mga basurang di kinulekta ng Leonel at magsagawa ng walang patid o 24/7 na koleksyon ng basura.
Ang dapat sa Leonel, pakasuhan at papanagutin sa ginawa nito.
Pera ng taumbayan ang ibinayad sa kanila sa loob ng mahabang panahon at hindi pera ng iisang pulitiko lamang at ang pag-abandona o pagtalikod sa kanilang responsibilidad na nakapaloob sa kontrata at bayad na ay dapat nilang pagbayaran.
Maski himurin nila ang puwet ng sinasamba nilang politiko ay bale-wala sa atin pero sa usaping ito ay kalusugan na ng mamamayang taga-Maynila ang nakataya.
Hindi pa sana bale kung barya-barya lang ang halaga ng kontratang iginawad sa kanila. Wala nang konsensiya, ang kapal pa ng mga mukha manabotahe. Kung inutusan man sila o hindi na gawin ang pananabotahe, kayo na ang maghusga.
Dahil ba basura ang negosyo kaya basura na din ang mga pag-uugali? Nagtatanong lang po.
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.