DAPAT bang pulitikahin pa ang FIBA World Cup? Ang problema kasi sa ilang senador, maka-epal lang, lahat ay gagawin at hindi na nag-iisip kung ang kanilang magiging aksyon ay tama o mali.
Pansinin ang ginawang pabibo ng mga senador nang manalo ang Gilas Pilipinas laban sa China sa score na 96-75 noong Setyembre 2. Okay na sana ang mga palakpakan at sigawan ng mga senador bilang suporta sa atletang Pilipino pero ang magsuot pa ng t-shirt na may tatak na WEST PH SEA, eh mukhang sablay na.
Sabi nga, ang sports kailanman ay hindi dapat hinahaluan ng politika, at hindi nararapat na gamitin bilang protesta ng alin mang bansang nagbabangayan tulad ng Pilipinas at Tsina na pinag-aagawan ang West Philippine Sea.
Dahil sa ginawa ng mga senador, bugbog-sarado sina Bong Go, Bato dela Rosa, Migz Zubiri at Joel Villanueva sa kritisismo ng taongbayan kabilang na ang ginawang pagbatikos ng galit na galit na mga netizen dahil sa kanilang pagsusuot ng nasabing t-shirt.
“We need actions, not publicity,” sabi ng isang netizen sa mga senador. Dagdag pa ng isang netizen, “I am all for protesting and asserting our rights in the West Philippine Sea. However, I don’t think that sports is the right venue. Those are Chinese athletes, not the Chinese Communist Party!”
At ang masakit nito, si Go at si Bato, ang higit na mapuputukan ng kanilang maling diskarte dahil sa reelectionist ang dalawang senador samantalang sina Migz at Joel ay hindi pa naman sasalang sa darating na 2025 midterm elections.
Ngayon pa lang kasi, maingat nang pinaghahandaan ng kanilang mga kalabang politiko ang darating na senatorial race, at sa bawat maling gagawin ng dalawang senador, tiyak na gagamitin ito laban sa kanilang kandidatura.
Katuwiran ng dalawang senador sa pagsusuot nila ng t-shirt na may tatak na WEST PH SEA ay bilang “morale-boosting win for every Filipino” at “to awaken the patriotic spirit of the national team.”
Hindi kapani-paniwala ang palusot nina Go at Bato, ang malinaw ay isang uri ng propaganda ang ginawa ng mga mambabatas na tanging layunin ay gamitin ang panalo ng Gilas Pilipinas para maiangat ang kanilang imahe sa darating na halalan.
Kung talagang seryoso ang dalawang senador na pukawin ang makabayang damdamin ng bawat Pilipino, sa pamamagitan ng Senate resolution, magagawa nilang kondenahin ang patuloy na pananakot ng Tsina sa Pilipinas.
At kahit pa ilang oras silang magpuputak sa tribuna ng Senado, wala sa kanilang makapipigil at tuloy-tuloy maipaliliwanag sa taongbayan ang paulit-ulit na pambu-bully ng China.
Pero kung hindi pa rin kuntento sina Go at Bato, makabubuting sumama na sila sa susunod na supply mission na gagawin ng Philippine Coast Guard at sumampa na mismo sa BRP Sierra Madre, tuluyang magpaiwan at magbantay suot-suot ang t-shirt na may tatak na WEST PH SEA.