MULA nang magsimulang sumabak si dating Senador Bongbong Marcos bilang isa sa mga eligible na kandidato sa pagkapangulo ay tuluy-tuloy na ang hatak niya sa mga survey.
Naselyuhan pa ang kanyang deklarasyon bilang pangunahing presidential timber nang ideklara ni Davao City Mayor sara Duterte na tumakbo bilang kanyang ikalawang pangulo sa isang alyansa na labis namang ikinasama ng loob ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminin man ng oposisyon o hindi, ang inaasahang tambalang BBM-Sara ay isang malakas na tandem—sobrang lakas dahil pinagsama ng dalawa ang sinasabing Solid North at Solid South, hindi pa kasama diyan ang Metro Manila at ang karamihan sa mga rehiyon sa Luzon kung saan nagpakita ng malakas na showing si BBM noong 2016 elections.
Nitong Huwebes (Nov. 24) ay seselyuhan naman ang alyansa ng apat na political parties upang isulong ang tambalang Bongbong-Sara na kinabibilangan ng Hugpong ng Pagbabago, Lakas-CMD, Partido Federal at ang Partido ng Masang Pilipino ni dating Pangulong Joseph Estrada. Hindi pa kasama riyan ang ilang mambabatas na kabilang sa PDP-Laban na nagnanais sumama sa kanilang tambalan at iba pang regional groupings tulad ng sa Cebu province.
Bakit nga ba mahalaga ang alyansang ito? Ayon sa mga political scientists ang koalisyon ng apat na malalakas na political parties ay magiging platform ng dalawa sa nalalapit na kampanya hanggang sa pagsapit ng eleksyon.
At kung ang mga nakaraang survey ang pagbabatayan kung saan consistent si BBM at Mayor Sara sa unang pwesto, at ang mga larawan sa social media ng nakaraang nationwide caravan na naka attract ng malaking bilang ng participants at crowd na sumalubong sa kanila sa mga kalsada, hindi na malayo ang kanilang panalo sa halalan, yan ay kung ang mga eksperto ang tatanungin mo.
Bukod sa mabigat na tambalan nila ni Mayor Sara, saan nga ba talaga kumukuha ng lakas si BBM? Isipin mo na lang kasi na sa loob ng 35 taon mula nang sila ay mawala sa poder noong 1986 ay napanatili pa rin ni Bongbong ang kanyang suporta sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos sa kanya at sa kanyang pamilya.
Nito ngang huli ay hindi na rin pinalampas ni Pangulong Duterte ang pagbatikos sa kanyang kandidatura at nagpasaring pa na isa raw kandidato ang nahumaling sa cocaine, isang ipinagbabawal na droga. Bago pa ang isyu sa droga, nandiyan ang isyu sa kanyang educational attainment na inamin naman ng Oxford na siya ay may diploma sa social studies.
Hindi pa kasama ang disqualification case laban sa kanya sa Comelec na siya ring ginamit laban sa mga kandidato noon na si Fernando Poe, Jr. (2004), ang kanyang anak na si Grace Poe (2016) at si dating Pangulong Estrada noong 2010.
Ang tatlo kasing nabanggit ko ay pawang natalo sa halalan dahil sa bigat na dala ng propaganda na gawa ng disqualification. Lahat na yata ng mudslinging ibinato na sa kanya pero hindi pa rin ito nakaapekto sa kanyang standing. Sa kaso lang ni Grace Poe, umabot lang sa 27 percent ang kanyang standing sa mga survey bago siya gibain sa isyu ng citizenship katulad ng kanyang tatay. Noong Marso hanggang Abril bago ang 2016 eleksyon nalusaw ang kanyang base at umabot na lang sa 23 percent dahil sa halip na mag focus na siya sa kampanya ay na divert ang kanyang atensyon sa kaliwa’t kanang atake sa kanya.
Sabagay hindi pa naman talaga gumagalaw ang Comelec sa kaliwa’t kanang kasong disqualification kay Bongbong Marcos ngunit binabantayan ngayon ang Comelec lalo na ang mga commissioner na humawak ng kaso na pawang mga appointee ni Pangulong Duterte.
Ngunit marami ang nagtatanong kung kaya bang durugin ang imahe ni BBM? At kung madurog man siya, umaasa ba siya na malilipat sa kanyang manok na si Bong Go ang boto? Ang sagot ng karamihan ay hindi. Kung bakit ay sa susunod na pitak ko na hihimayin.
At recently bagamat naglabas na ng statement ang kampo ni BBM na “he did not feel alluded to” mas minabuti na ng dating senador na magpa-drug test sa isang refutable drug testing center na inooperate ng St. Luke’s Hospital at lumabas na “negatibo siya for cocaine use”. Dahil dito ay tila natuldukan na ang isyu ng drug use na matagal nang nakalutang sa ere.
Ngunit sa kabila ng batikos, hindi nabasag ang power base ni Bongbong at tila mas lumakas pa ito sa mga probinsya at ngayon ay umaabot sa mahigit na 50 porsiyento ang kanyang nakukuha sa mga pormal at impormal na surveys na labis na ikinababahala ng oposisyon.
Kung ating hihimayin, at pag-aralan ang dalawang nakaraang eleksyon na sinalihan ni BBM (2010 at 2016), consistent na mataas siya sa Metro Manila hindi lamang sa depressed communities kung saan nakatira ang mga ordinaryong manggagawa, kundi pati na rin sa class ABC. Maging dito sa Quezon City ay malayo ang lamang niya kay bise presidente Leni Robredo dahil karamihan sa mga residente dito ay nakatira sa mga housing projects na ipinatayo ng administrasyon ng kanyang ina na si Imelda Marcos na noon ay minister ng Human Settlements Governor ng Metro Manila.
Ang kanyang ina ang nanguna sa malawakang urban renewal program na nagsimula sa Tondo na umabot sa dagat-dagatan na sumasakop sa Caloocan City at Malabon, ang Bagong Barrio, Camarin at Bagong Silang sa Caloocan, maging sa Taguig at iba pang malalaking komunidad na inayos ang mga kalsada, may maayos na tubig at kuryente at suportang pinansyal sa mga ina ng tahanan na nagnanais noong magtayo ng maliit na negosyo sa pamamagitan ng National Housing Authority at National Cottage Industries Development Authority (NACIDA) noong 70s at 80s. Hindi pa kasama sa mga development na iyan ang mga medium rise condominium units (BLISS) na nagkalat noon sa Metro Manila at mura lang buwanang bayarin.
Sa mga lugar na ito lalo sa Bgy. Dona Imelda sa Quezon City nanggagaling ang bulto ng suporta sa mga Marcos, na bagamat tahimik lang pinanggagalingan ng mga “solid Marcos supporters”. Kung papansinin mo kasi ang mga istruktura na kanilang tinitirhan ngayon ay halos nabubulok na at tila napabayaan na ng panahon.
Noong pinatalsik ang mga Marcos nawala ang ganitong programa at ibinigay na pribadong sektor ang pagtatayo ng mga kabahayan at ni halos walang partisipasyon ang gobyerno.
Mabuti pa nga si Senador Manny Pacquiao at naisip na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap sa Metro Manila nang ideklara niyang magtatayo siya ng pabahay sa mga “iskwater” o yung mga nakatira sa mga depressed communities.
Ayon kasi sa mga political analysts (yung mga tunay ha), hindi naman talaga pagbibigay ng salapi kapag halalan ang dahilan ng loyalty ng tao sa isang kandidato. Ibinoboto talaga nila yung mga mga kandidato na nakatulong na sa kanila hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda kapag may kalamidad, kundi yung may malawakang programa sa mahihirap tulad ng libre o murang pabahay na may kasamang livelihood opportunities. Sa ngayon kasi ilang pangulo lang talaga ang nakagawa nito dahil takot ang iba na kumpetensiyahin ang mga established na mga housing developer.
Ngunit maniwala kayo, ang kandidato lamang na may magandang track record sa pabahay at nakapagbigay na ng pabahay ang kanilang iboboto.
Ang isyung ito ay dapat ding kilatisin ng iba pang kandidato at sa loob ng limang buwan ay makapagsagawa sila ng seryoso at magandang komunikasyon sa tao, hindi yung poporma ka na para kang titira ng “kamehame wave”.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]