Sa paggunita ng ika-20th death anniv ni Da King: Legacy ni FPJ isusulong ni Brian Poe Llamanzares

FERNANDO Poe Jr. Mas kilala bilang FPJ o Da King.

Higit sa pagiging magaling na artista, kilala si FPJ bilang matulungin sa kapwa niya artista at sa mga tao sa likod ng movie industry.

Kaya naman, sa ika-20 anibersaryo ng kamatayan ni FPJ ay muling gugunitain ng kanyang pamilya, kaibigan, at supporters ang malungkot na araw ng kanyang pagpanaw noong December 14, 2004.

Inaasahang daragsa ang kanyang mga supporter sa Manila North Cemetery upang mag-alay sa namayapang actor, na pangungunahan nina Senator Grace Poe at anak nitong si Brian Llamanzares Poe.

Gaya ng mga nakaraan, na naging tradisyon na tuwing inaalala ang kamatayan ni Da King, ay mamamahagi sina Sen. Poe at si Brian ng tulong sa mga nangangailangan.

Ang pagbibigay ng tulong ay isang paraan para i-celebrate ang buhay at legasiya ng National Artist for Film na si Da King, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.

Kaya naman ay may munting regalo sila sa mga supporter na kasama nilang inaalala si FPJ sa sementeryo.

Laging binibigyan ng emphasis ni Sen. Grace Poe na pagiging matulungin ng kanyang ama na may puso lalo na sa mahihirap at inaapi.

Kaya naman para ipagpatuloy ang adbokasiya ni Da King, minarapat ni Sen. Grace Poe at ni Brian Llamanzares Poe na maghatid ng tulong sa mga indigents at iba pang nangangailangan dulot ng sakuna sa pamamagitan ng FPJ Panday Foundation.