Rockwell incident, sneak preview ng susunod na 6 na taon; kay Isko may peace of mind

NAGMISTULANG sneak preview o trailer ng pupuwedeng mangyari sa ating bansa sa susunod na anim na taon ang viral video sa Power Plant Mall sa Rockwell, Makati City, kung isa man kina Leni Robredo at Bongbong Marcos ang manalong presidente sa darating na Mayo 9.

Sa nasabing video na nag-viral nitong Huwebes at patuloy pa ring umiikot sa social media habang isinusulat ito, makikitang nagpang-abot at nagsigawan ang mga supporters nina Vice President Leni Robredo at dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Natakot ang mga tahimik na namamasyal lamang dahil sa tension na dulot ng pangyayari, kung saan walang nagawa ang mga guwardiya.

Bago niyan, nag-viral din ang nangyari sa isang palengke sa Baguio kung saan nangangampanya ang grupo ni Leni sa pangunguna ng anak nito. Maya-maya, may nagsisigaw at nagwawalang supporter ni Marcos.

Sumigaw ito na si Leni daw ang magnanakaw, dahilan para siya i-heckle o tuyain ng mga taga-kampo naman ni Leni. Makikita din na ayaw paawat sa guwardiya nung kakampi ni Marcos, Jr.

Nakikini-kinita na natin ang mangyayari kung isa kina Robredo at Marcos ang lalabas na nanalo sa Mayo. Walang makakatanggap nang maluwalhati sa resulta at sigurado, babaha ng akusasyon ng pandaraya, protesta sa kalye at kaguluhan.

Sa oras namang maupo ang sinuman sa kanila, malabo pa ring magkaroon ng katahimikan dahil tiyak may magsasampa ng protesta, banta ng pag-agaw ng kapangyarihan at sabotahe ng mga programa ng administrasyon, dahil bahagi ito ng paghahanda ng natalong partido para sa resbak o muling pagtakbo ng kanilang manok pagkatapos ng anim na taon.

Sa parte naman ng maaupo sa posisyon, hindi susulong ang bansa kung ang mga nakaupong lider ay paghihiganti din ang prayoridad at pagdurog sa kampo ng nakalaban sa huling halalan para di na makabangong muli.

Kasi, pag nanalo ang kampo ng kalaban pagtapos ng anim na taon, malamang sa hindi ay kalkalkin nito ang mga maling ginawa ng nauna sa kanya para kasuhan ito at nang hindi na makaulit na maupo sa puwesto.

Tama talaga ang nasabi dati ni Mayor Isko Moreno na sa nakikita niya ay hindi titigil ang awayan at higantihan ng pula at dilaw na pink. Ngayon pa lang eh.

Pag ganyan, hindi po tayo papanatag at uunlad. May punto rin siya na 35 taon nang nagsasalin-salin sa dalawang kampo ang pagiging Presidente pero asan ba tayo ngayon? Di ba nganga pa rin?

Panahon na, mga kababayan ko, na tuldukan na natin ang away nila at sumubok tayo ng iba naman. Kay Isko Moreno, may ‘peace of mind’ tayo dahil wala siyang kaaway, walang agenda ng paghihiganti kaninuman at lalong walang bagahe dahil wala siyang kaanak na nasa pulitika.

Hindi ako nahihiyang ialok si Isko sa mga botante dahil personal kong alam ang kapasidad nito at ang kanyang masidhing pagnanais na matikman ng lahat ng Pilipino ang mga benepisyong naibigay niya at pinakikinabangan na ngayon ng mga taga-Maynila.

Sa hanay ng mga gustong maging Pangulo, si Mayor Isko lang ang masasabi kong may sandamakmak na resibo o kongkretong pruweba ng mga ginawa. Lalo na pagdating sa mga ginawa sa kasagsagan ng pandemya, na maituturing nating malinaw na sukatan ng isang lider.

Ang mga benepisyong naghihintay sa bawat Pilipino kapag si Moreno ang naging Pangulo ay hindi tipong ipinangangako palang, dahil nagawa na nga sa Maynila mismo.

Panahon na para sarili naman natin ang ating unahin. Gawin natin ito nang sabay-sabay sa Mayo 9.


Jokjok from Connie Arevalo of Pasig City

Hari: Ano gusto mong parusa? Ipakain sa leon o pasukan ng bubuyog sa pwet?

Pedro: Mas gugustuhin ko pong pasukan ng bubuyog sa pwet.

Hari: Mga kawal! Ilabas si Jolibee!



DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.



Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]