Republika ng Kagutuman

PURO rant ang netizens ngayon. Puno ng reklamo ang socmed.

Wala ng ibang hinaing kundi mas lumalalang kahirapan sanhi ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbaba ng halaga ng piso. Matinding paghihigpit ng sinturon, ng sakripisyo maging sa mga batayang kailangan sa pang araw-araw.

May nadaanan nga akong post sa socmed tungkol sa isang karinderyang nag-aalok na lamang ng kalahating ulam, kalahating kanin, at libreng sabaw. May self-help din sa Tiktok tungkol sa pagtitipid at recycling ng mga tirang pagkain.

Ekstrang raket ba kamo? Andami online. Survival mode ang lahat mairaos lang ang maghapon.

Inamin naman ito ng ilang taga-gobyerno. Aminado silang bumigat ang buhay. Na may napipintong food crisis. Na mabigat na pasanin ng presyo ng gasoline. Sa ripple effect ng naturang mga pagtaas.

May pag-amin, pero mas maraming pagtatakip sa realidad at pagbandera sa sariling bersyon ng mga kaganapan. Hinahagod ang pagal na kalooban ng netizens ng tatak-gobyernong mga pangako na madalas sa hindi ay suntok sa buwan.

Nandidiyang ipangalandakan ang pagpasok ng mga beteranong ekonomista bilang economic managers ng incoming president Ferdinand Marcos Jr. Nakakapagpakalma nga naman ang presensiya ng mga ito sa burukrasya. Mga public officials na mayaman sa karanasan sa pamamahala at may angking kakayanan at kredibilidad.

Si Benjamin Diokno, ang papasok na kalihim ng Kagawaran ng Pinansiya (DOF) ay dalawang beses na nagsilbi bilang budget secretary sa ilalim ng adminstrasyong Duterte at Estrada. Ang huling tungkulin niya ay bilang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Isa si Diokno sa mga nagtulak para maipasa ang value-added tax (VAT) noong siya ay budget undersecretary pa lamang.

Ang opisyal na mandato ng DOF ay mangalap ng mga pinansiyang rekurso mula lokal at banyagang pagkukunan- kabilang na ang implementasyon ng fiscal policies, bukod sa pagiging tangapangasiwa ng mga korporasyon ng gobyerno.

Sa pangkalahatan, ang mandato niya bilang finance secretary ay nakatuon sa direksyon ng masinop na national economic policy.

Isa pang beteranong ekonomista, si Arsenio Balisacan, na naging tagapamuno ng Philippine Competition Commission (PCC) ay nagbabalik bilang tagapamuno ng National Economic Development Authority (NEDA). Deka-dekada na rin ang karanasan ni Balicasan bilang ekonomista at dating dekano ng University of the Philippines School of Economics (UPSE).

Sa ilalim ng pamumuno ni Balisacan, maraming beses akong humingi ng dayalogo sa PCC. Kaugnay ito sa kasong isinampa ng aking organisasyon laban sa ilang ahensiya ng gobyerno at pribadong entities gaya ng Meralco. Ako kasi ang opisyal na representatibo ng grupo bilang Kalihim Pangkalahatan.

Ninais kong hikayatin ang PCC noon sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo sa kanilang legal team na magbigay sila ng komento sa aming inihaing kaso kung kaya kasama sila sa na-implead ko bilang respondent. Nasabi ko noon na sila dapat ang unang ahensiya na nangingialam at nag-iimbestiga sa mga reklamo tungkol sa kompetisyon, market dominance, price fixing at iba pang anti-competitive acts ng ilang dominanteng kompanya.

Makailang beses na ipinaliwanag ko ang mga puntos ng konsyumer, pero sa huli, tanging sulat ang bumalik sa akin na humihiling na tanggalin sila bilang respondent sa kaso at gawin na lamang na amicus curiae (friend of the court). Nanlumo ako. Paanong ang isang ahensiya ng gobyerno na may mandatong mag-imbestiga sa anti-consumer practices ng utility company ay nabahag ang buntot at umayaw na makisawsaw sa isyu ng monopolyadong kuryente?

Sa huli, bagamat umiwas ang PCC sa pagkomento sa aming kaso, pumabor pa rin naman ang Kataas-taasang hukuman sa aming pinaglaban. Ang tanong, ano kaya ang aasahan natin this time sa ating papasok na NEDA Secretary? Kagalingan ng tao o ng mga oligarko?

Bukod kay Balisacan at Diokno, mahalaga rin ang papel ng iba pang papasok na economic officials ng bansa gaya nina Conrado Estrella III ng Department of Agrarian Reform (DAR) at kung sino man ang susunod na kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) (Editor: na ngayon ay pamumunuan pansamantala ni President-elect Bongbong Marcos).

Nakatuon ang ating mga mata sa paparating na food crisis hindi lamang sa Pilipinas kundi maging buong mundo. Ito umano ang susunod na pandemya sa sangkatauhan.

Unang-unang dapat kumpunihin ng administrasyong Marcos Jr. ay ang agrikultura. Kailangan ang agresibong hakbang na isaayos ito, paglaanan ng higit sa sapat na pondo na sisiguruhing hindi wawaldasin ng mga hinihinalang kawatan sa ahensya. Nararapat ding maglagay ng mga kawaning may kasanayan sa ahensiya kagaya ng tumakbong senador Manny Pinol. Sayang ang ganyang ilang mahuhusay na programa at konseptong pang-agrikultura kung ito ay hindi maisasakatuparan para sa mga magsasaka.

Ang totoong kalaban ng bansa sa ngayon ay kagutuman. Malalabanan lamang ito sa tamang mga polisiyang ipapatupad ng bagong administrasyon. Hindi recycled policies ng mga dating administrasyon; hindi pro-oligarchs na mga polisiyang dati nang ang may kapakinabangan ay mga negosyante, government people, real-estate developers, wealthy clans at importers.

We need maverick economic managers; not obsolete neoliberals.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]