Reclamation at environmental accountability

HINDI nananahimik ang isyu ng reclamation bagamat matagal na itong isinasagawa. Sa katunayan kasi, patuloy ang reclamation projects sa maraming kapuluan ng bansa. Mayroong 174 ektarya sa Dumaguete coastline, 230 ektarya sa Consolacion at karagdagang 100-ektarya sa Minglanilla sa Cebu at 23 pang reclamation projects na naitala sa may Manila Bay.

Reclamation project ang tawag sa kumbersiyon ng mga ilog upang maging lupang may silbi at kapaki-pakinabang. Magbibigay ng karagdagang revenue para sa kaban ng bayan ang ganitong proyekto.

Dahil sinasabing paubos na ang lupain ng Pinas, kailangang magsagawa ng reclamation projects o dump and fill projects. Proyekto ito ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na dating Philippine Estates Authority (PEA).

Itinatag ang PRA noong 1977 sa bisa ng Presidential Decree Bilang 1084. Ang PRA ay nagsisilbing clearing house para sa lahat ng proyektong may kinalaman sa reclamation projects sa bansa. Attached agency ito ng Office of the President.

Mandato ng PRA na lumikha ng mga assets para sa gobyerno at magbigay ng salapi at kita sa pamamagitan ng income-generating real estate properties gaya ng tenement buildings na mas murang binebenta kaysa sa regular na condominium units.

Urban renewal ang mantra ng naturang ahensiya. Kasama ng PRA ang mga sumusunod na ahensiya  para sa implementasyon ng naturang mga proyekto: National Economic Development Authority o NEDA, Department of Environment and Natural Resources o DENR, Department of Finance (DOF). Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation and Communications (DOTC), Department of Science and Technology (DOST), mga local government units (LGUs) at ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Sa kanyang charter statement, matingkad ang mga salitang, “Respect for environment accountability.”  

Indeed an admirable core value.

Kung sana ito ay makabuluhang isinasaalang-alang sa mga ginagawang reclamation projects.

Sa change.org ay matutunghayan ang mga petisyon laban sa reclamation projects dahil ugat ito ng pagkasira ng maraming ilog at yamang dagat. Kilalang sentro ng marine biodiversity ang Pilipinas subalit nanganganib na maglaho ang naturang reputasyon nito  dahil sa malawakang mga reclamation projects.

Ganito ang sitwasyon ngayon sa Sorsogon.

Tinatayang halos nasa 3,000 mangingisda ang maapektuhan sakaling tuluyan nang matambakan ang mga katubigan at bakawanan sa ilang mga barangay sa Sorsogon City ayon sa Sorsogon Coalition for Environment Protection.

Tinutulan ng nasabing koalisyon ang patuloy na konstruksyon ng coastal road at ang reklamasyon ng mga katubigan sa gilid nito dulot ng pangamba nilang tuluyang mamatay ang mga matatandang bakawan sa kanilang mga barangay.  Anila ay hindi dumaan sa public consultation kung saan mailalahad sana ng mga mangingisda ang banta sa kanilang buhay, ari-arian, kapaligiran at kabuhayan ng nasabing proyekto.

Ang coastal road ng Sorsogon City ay binuksan noong Agosto ng nakaraang taon. Ito ay limang kilometrong highway na binabaybay ang Sorsogon Bay. Mula ito sa Maharlika Highway Pangpang Junction patungo sa mga barangay ng Cambulaga, Talisay, Sirangan, Sampaloc, Balogo hanggang sa likod ng SM Sorsogon, Buhatan at Abuyog.

Kasabay ng pagbubukas ng Coastal Road ay ang pagtatambak naman sa mga katubigan sa gilid ng highway upang bigyang-daan naman ang pagtatayo ng mga housing tenement.

Napag-alamang walang malawakang pampublikong konsultasyon sa taumbayan bago umpisahan ang naturang coastal road at reclamation project dahilan kung bakit matapos mabuksan ang highway, ngayon pa lamang nagsusulputan ang mga hinaing ng mga mangingisda.

Nitong ika-20 ng Abril 2023 kasabay ng pagdiriwang ng Earth Day, nailahad ng mga mangingisda sa isang Environmental Forum na ginanap sa Sorsogon City ang problema sa mga namamatay at nasirang bakawanan na dati ay mayamang bahayan ng mga semilya ng isda, tahong, shell, alimasag at marami pang yamang-dagat.  Naglabas ng Manifesto ang mga dumalo sa forum na  itigil ang pagtatambak sa mga katubigan  at bakawanan na nagdudulot ng pagkamatay ng mga bakawan. Hiniling din nila na itigil ang patuloy na ekspansyon ng coastal road hangga’t hindi masusing napag-aaralan ang epekto nito sa kabuhayan ng mangingisda at coastal ecosystem o ekolohiya ng Sorsogon Bay.

Ang kanilang mga panukala ay ipinaabot ng Koalisyon sa Provincial Environment and Natural Resources Office – DENR noong ika-16 ng Mayo 2023. Nangako ang PENRO-OIC Marlon Francia na magpapatawag ng inter-agency meeting upang kagyat na bigyang aksyon ang mga hinaing ng mga mangingisda. Subali’t hanggang ngayon, ay wala pa ring aksyon ang PENRO-DENR ayon sa Koalisyon.

Sa ginanap kamakailan ng pagtitipon ng grupong Sampaloc Small Fisherfolks Association upang pag-usapan ang kanilang problema kaugnay ng coastal road at reklamasyon, nakatanggap umano ng pagbabanta ang Presidente ng asosasyon  mula sa opisyal ng LGU na ipapadampot sila sa pulis kapag naulit ang pagtitipon na walang permiso mula sa barangay.  Nanindigan ang mga opisyal ng koalisyon na pagkitil sa batayang karapatan sa malayang pamamahayag at asembliya ang ginawang pananakot sa Presidente ng asosasyon  at hindi ito dapat ipagwalang-bahala lalo na at nakasalalay sa mga mangingisda at environmentalists ang depensa at proteksiyon ng kapaligiran, partikular sa mga bakawan na nanganganib mawala.

Ang mga bakawan ay proteksyon sa storm surges o pagtaas ng mga alon sa panahon ng bagyo. Dito rin nagkukubli at nagpaparami ang mga isda na sya namang dahilan kung bakit patuloy na may nahuhuli ang mga mangingisda ng Sorsogon Bay.   

Bukod sa panawagang bisitahin muli o irebyu ang coastal reclamation project dahil magreresulta ito sa pagkamatay ng mga bakawan, tinututulan din ng mga mangingisda ang nakaambang pagsasara sa daungan ng kanilang mga bangkang pangisda. Pahayag ng isang mangingisda, “kabuhayan namin ay pinapatay sa ngalan ng sinasabi nilang kaunlaran. Pero para saan ang kaunlarang yan?”

Respect for environmental accountability?

Walang laman na mga salita para sa mga environmetalists at apektadong mga mangingisda na nanganganib ang kaligtasan, kabuhayan at sa dagat umaasa.