Pulang Hawla (Kay Benito ‘Troy’ Clutario)

Anong biro ito
at naririto ako sa pulang hawla.

Pinutulan ng bagwis
at pilit na pinakakanta.

Kung huni ko’y di naiibigan
dulo ng kalibre .45
sa bibig ko ang itinututok.

At upang di makaalpas
animo’y bartolina sa Bicutan
ang pulang hawlang kinalalagyan.

Ano ang nagawa kong pagkakasala?

Ang lumipad ng malaya?

Ang umawit ng pag-ibig?

Mula sa loob ng pulang hawla
natatanaw ko ang mga humuli sa akin
pawang mga naka-armalayt
nakataas at nakakuyom
ang kaliwang kamao
at damang-dama na inaawit
ang ‘International’!


(Mula sa may akda: Ngayong araw, Marso 29, 2022, ang ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng New Peoples Army (NPA) ng Communist Party of the Philippines. Ang tulang ito ay iniaalay sa lahat ng mga kasamang naging biktima noong panahon ng kahibangan ng kilusang lihim.)