BASURA. Everywhere basura.
Hindi pa ba tayo natuto na kailangang maayos na itapon ang ating mga basura?
Kung gaano karami ang lumutang na basura, yun din ang dami ng basurang itinapon natin dahil wala tayong pakialam sa ating mga paligid.
Hindi yata epektibo ang paalala na “maliit na basura, ibulsa muna,” at pag-uwi sa bahay ay itapon sa basurahan.
Maliit man ito, gaya ng balat ng kendi, ay makakaragdag sa pagbara sa daluyan ng tubig sa ating mga drainage.
May mga naglutangang kutson, sirang upuan, damit, kumot, at may appliances pa.
At ang pinakamasakit na makita sa mga lumutang na basura ay yung maliit na lalagyan ng shampoo, conditioner, kape, at coffee creamer. Isama na natin yung mga nakalagay sa iba pang sachet na pagkaing kutkutin.
Nariyan din yung mga plastic labo at yung mga plastic sando. Sama na rin natin diyan yung mga bubble wrap mula sa mga binili natin sa online shopping.
Bagama’t may ordinansa ang ibang local government units sa pagbabawal sa paggamit ng single use plastic, hindi naman ito nasusunod.
Sa mga palengke at supermarket, pag bumili ng isda, gulay, iba’t ibang klase ng karne, ay sa plastic nilalagay. Wala ring silbi ang ordinansa.
Mga ka-Publiko, ano ang maaari nating gawin para makatulong mabawasan ang basura?
Tuwing pupunta ako sa palengke o sa supermarket, tumatanggi akong ilagay sa plastic mga pinapamili ko. Lagi akong may dalang reusable bags. Tinatago ko yung mga canvas bags na give-aways. Labhan lang, pwede na uli gamitin.
May dala rin akong lalagyan para sa mga karne at isda. Hindi nabubutas gaya ng plastic kaya iwas tulo.
Pag sama-sama nating gawin ito, malaking bawas sa plastic basura.
Itong nangyaring habagat, hindi ito ang huli. Marami pang habagat ang darating. Ilang bagyo din ang daraan.
Parte na ng buhay natin ang ulan at baha. Pero may magagawa tayo para mabawasan ang pagbaha.
Unahin nating magkaroon ng malasakit sa ating kapaligiran. Sa ating komunidad.
Dahil sa bandang huli, tayo rin ang kikilos para maglinis ng basurang ating itinapon ng walang pakundangan