Pranic healing at pandemya

BINIBIGYANG-LAKAS ng Pranic Healing ang sambayanan na bakahin ang coronavirus pandemic.

Samu’t sari ang kagyat at pangmatagalang epekto ng coronavirus at iba’t ibang mutation nito, kabilang ang Delta at Omicron variant.

May pangkaisipan, pang-emosyonal, at pampisikal na epekto ang coronavirus. Sa isip, halimbawa nito ang pagkablangko ng isip at pagiging makakalimutin; sa damdamin – depression at anxiety o pagkabahala; at sa pangangatawan – panghihina, mabilis na pagtibok ng puso o palpitation, atbp.

Medical science pa rin ang pangunahing lunas sa karamdamang dulot ng coronavirus.

Subalit di lahat ng mamamayan ay mayroong access o may kakayahang lumapit sa mga doktor o magtungo sa ospital upang magpagamot, lalo na kung may lockdown. At higit pa sa mga bahagi ng kapuluang binigwasan at sinalanta ng bagyong Odette.

Ano ang maaari nating gawin?

Mabisang pangontra sa coronavirus – bilang komplementaryo at pantulong sa medical science – ang Pranic Healing.

Ayon kay GrandMaster Choa Kok Sui, ang modern founder ng Pranic Healing, isang skill o kakayahan – tulad ng pagmamaneho ng dyip, trak, o kotse – ang Pranic Healing na mapag-aaralan at maaaring matutunan ng sinumang pursigidong maging bihasa sa sining at siyensiya ng Pranic Healing.

Isang Pranic Healer sa bawat pamilya

Target ni GrandMaster Choa Kok Sui na magkaroon ng isang Pranic Healer sa bawat pamilya.

Matalas ang lohika ni GrandMaster Choa Kok Sui sa pagtatakda ng target na ito.

Ayon kay Master Faith Sawey – physics teacher, Master Pranic Healer, at senior disciple ni GrandMaster Choa Kok Sui – apektado ang buong pamilya sa sandaling tamaan ng anumang karamdaman o sakit ang isang miyembro ng pamilya. Lalo pa nga’t ama o ina – o siyang breadwinner o bumubuhay sa pamilya – ang siyang dinapuan ng sakit.

Kaya, aniya, ang pagpapahilom sa karamdaman ng isang maysakit – sa pamamagitan ng Pranic Healing – ay pagpapahilom di lamang sa taong may karamdaman, kundi maging sa kanyang buong pamilya na rin.

At sa sandaling hilumin sa pamamagitan ng Pranic Healing ang isang maysakit di lamang pamilya, ayon kay Master Faith, kundi kanilang buong komunidad, ang nagtatamasa ng naturang pagpapagaling.

Sa gayon, napapabuti ng Pranic Healing, di lamang ang pangkalahatang kagalingan ng ating pamayanan, kundi ng buong nasyon na rin.

Kaya may malawakang epekto ang pagpapagaling ng mga may karamdaman sa pamamagitan ng Pranic Healing.

Cleansing at energizing

Paano isinasagawa ang Pranic Healing?

Ano ang kinakailangan upang magamit natin ang Pranic Healing?
Dalawang aksyon ang kinakailangang gawin upang mabisang magamit para sa paggaling ng pasyente ang Pranic Healing.

Una, ang cleansing. Ito ang paglilinis at pagpapawi ng enerhiya ng sakit. Inaalis ito sa energy body ng pasyente sa pamamagitan ng cleansing technique na itinuro ni GrandMaster Choa Kok Sui.

Prinsipyo ng correspondence
Bakit? Base sa prinsipyo ng correspondence, makikita sa anyong pisikal ang anumang nagaganap sa energy body ng isang tao. Kapag saklot ng enerhiya ng sakit ang isang tao, kinalaunan, maaari itong magbunga ng karamdamang pampisikal. At kapag nilinis ang kanyang energy body, maiiwasang tumalab sa kanyang katawang pisikal ang enerhiya ng sakit.

Cleansing technique ang ipinangalan dito ni GrandMaster Choa Kok Sui.

Energizing

Matapos isagawa ng Pranic Healer ang cleansing technique, susundan naman niya ito ng energizing technique.

Ano ang energizing technique?

Kinakargahan ng Pranic Healer ng pampasigla, malinis, at nakapagpapalakas na bagong enerhiya ang pasyente, matapos ang cleansing technique.

Sa kalikasan nagmumula ang naturang enerhiya, gaya ng malinis na hangin, sikat ng araw, malinis na lupa, puno, o dagat. Napanunumbalik ng naturang likas na enerhiya at lakas ang ating kasiglahan at kalusugan.

Chakras

Aral sa 11 chakras o sentro ng enerhiya ang Pranic Healer. Ilan dito ang crown chakra, forehead chakra, ajna chakra, throat chakra, heart chakra, solar plexus chakra, atbp.

Ito ang kanyang tinututukan sa paglalapat ng cleansing at energizing technique.

Siyentipikong pamamaraan ng pagpapagaling ang Pranic Healing na tumutulong sa medical science.

Panahon ngayon ng pandemya.

Kinakailangan nating magtaglay ng kakayahang tumulong sa pagpapagaling ng ating kapwa at sarili.

Pranic Healing ang magbibigay-lakas sa atin upang mapangalagaan ang ating kalusugan.