SA bawat yugto ng ating buhay, mahalaga na ito ay ating pinaghahandaan.
Pero may isang bahagi ng ating buhay na tila mahirap paghandaan o harapin.
At ito ay ang ating kamatayan. Nakakikilabot man isipin, pero alam natin na lahat tayo ay doon papunta.
Mahirap man tanggapin, ngunit kung may isang siguradong mangyayari sa atin, ito ay ang ating pagpanaw.
Lahat tayo ay nakaranas nang mawalan ng mahal sa buhay. Bukod sa lungkot na dulot nito, masakit mawalan ng mahal sa buhay.
Ngunit, maaaring maibsan ang sakit kung handa tayong harapin ang katotohanan.
Paano nga ba natin haharapin ang katotohanan?
Naalala ko ang Papa ko na bago siya mamayapa noong 2010, lagi niyang sinasabi na ano mang oras ay maaari siyang mamatay. Sampung taon niya itong sinasambit. Sampung taon siyang nagbibilin sa amin kung ano ang gusto niya sakaling bawian siya ng buhay.
Natural, wala sa aming magkakapatid ang gustong marinig ang mga ito, lalo na ang Mommy namin.
Heavy smoker ang Papa ko at nagkaroon siya ng Chronic Obstructive Pulmonary Disorder (COPD).
Naging progressive ang sakit niya hanggang sa kinailangan na niya ng regular na supply ng oxygen para tulungan siyang makahinga. Mahal din ang kanyang mga gamot.
Isa sa mga bilin niya ay basahin namin ang iniwan niyang holographic will o habiling sulat-kamay sakaling bawian siya ng buhay. Hindi ko na ito nabasa dahil alam na naming magkakapatid kung ano ang nais niya.
Pag nagtitipon-tipon kami, laging napag-uusapan ang huling hantungan. Dahil isang scientist ang Papa naming, hindi morbid o nakatatakot para sa kanya na pag-usapan ang kamatayan.
Noong una ay hindi kami komportableng pag-usapan ito ngunit siya na rin ang nagsabi na dapat alam namin ang gagawin para hindi na kami mahirapan pang mag-isip ano ang dapat gawin sa kanyang mga labi.
Isa sa mga bilin niya ay gusto niya ay cremation o sunugin ang anyang katawang-lupa. Nasunod din ang iba pa niyang bilin.
Ano ang natutunan ko sa pagkamatay ng Papa ko? Marami.
Una, kailangang tanggapin na ano mang oras ay maaari tayong mamatay.
Pangalawa, kailangang pag-usapan ng bawat miyembro ng pamilya ano ang gagawin sakaling may mamatay na kapamilya. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang ano mang conflict dahil ang habilin ng namayapa ang masusunod.
Pangatlo, kumuha ng funeral o memorial plan. Kung may budget rin lang, isa ito sa pinaka-praktikal na investment. Lahat ng kailangan sa burol hanggang sa libing ay aasikasuhin ng funeral home. Sa ganitong paraan, mas may oras ang mga naiwan na magluksa.
Pang-apat, mag-designate ng administrator sa pamilya kung kailangan. Sa kanya ihabilin kung saan nakalagay ang mga mahahalagang dokumento. Sa ganitong paraan, hindi mahihirapang maghanap ang mga naiwan sakaling kailanganin ang mga dokumento para sa mga tatanggaping benepisyo. At huwag din kalimutang isulat ang mga password sa isang papel at itabi ito.
Kung ang bakasyon nga napaghahandan natin, napaglalaanan ng konting pondo, nakakapili saan tayo mamamasyal, dapat din nating paglaanan ng kahandaan, pondo, at lugar ang ating huling hantungan.
Dahil hindi natin alam hanggang kailan ang ibubuhay natin sa mundong ibabaw.