HINDI natin maikakaila na nandito na talaga ang pinakahihintay ng lahat—ang political season.
Nakalulungkot lamang na nangyayari ang lahat ng ito sa gitna ng pandemya na dala ng Covid-19, lalo na at kumakalat ang mas nakababahalang Delta variant na siya ngayong nagbunsod ng pagtaas ng kaso sa buong bansa.
Maraming magiging kumplikasyon kung paano isasagawa ang kampanya, lalo na ang halalan sa Mayo 2022 dahil alam naman natin na parang Fiesta ang atmosphere kapag panahon ng kampanya.
Magiging isyu ba ang paglaban sa Covid-19 bilang plataporma dahil lumalabas na mas mataas pa ang budget na inilatag ng pamahalaan sa pakikidigma higit pa sa pagsugpo rito?
Ang tanong ng publiko ngayon ay kung paano isasagawa ng mga potensyal na kandidato sa 2022 ang kanilang kampanya sa gitna ng pandemya lalo na at nalalapit na ang deadline ng paghahain ng kandidatura sa Oktubre. Ngayong Setyembre kasi ay may malalaking political convention ang tatlong partido pulitikal at doon ay ia-anunsyo nila ang kanilang mga manok sa 2022.
Nagsimula na si Senador Manny Pacquiao noong nakaraang buwan ngunit ito ay tila nabalaho nang harangin ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte sa PDP-Laban ang kanyang ambisyon. Umatras ngunit may pangakong isisiwalat ang korapsyon sa administrasyon ni Duterte sa kanyang pagbabalik galling sa US.
Ang boxing ang alas ni Pacquiao sa pagsikat at kahit na 42-taon gulang na siya ay ito pa rin ang gamit-gamit at tuntungan sa kanyang planong pagtakbo sa 2022. Simple lang ang plano ng kampo ni Pacquiao — kapag nanalo kay Errol Spence Jr., doon mismo sa Las Vegas ia-anunsyo ang kanyang ambisyon para maging pangulo. Kaya’t ang pangalawang sagabal ay dumating: umatras ang orihinal na katunggali na si Spence dahil sa problema sa kanyang mata kaya’t ipinilit ang Cuban boxer na si Yordenis Ugas.
Ang sugal na ginawa na ito ni Pacquiao ay naging dahilan ng kanyang pagkatalo. Mukhang hindi pinag-isipan. Ang sabi ng ilang analysts ay dapat inihinto na lang ang laban ngunit nanaig ang panghihinayang ng Pacquiao camp sa laki ng kikitain sa bakbakan.
Ngunit bago pa ang laban maraming komento ang lumutang na bukod sa kanyang edad, mukhang minadali ang preparasyon sa dahil halos isang buwan lamang ang panahon para siya ay makapag-ensayo.
Kinakitaan din si Pacquiao ng mga panghihina, hinihingal habang nage-ensayo, kasabay pa nito na kulang ang kanyang pag-aaral sa kanyang kalaban. Nalaman na lang niya na mas malakas ang kanyang kalaban nang magpanagpo na sila sa ring. Absent din ang mabilis na footwork at rapid fire combinations ni Pacman sa laban.
At dahil hindi masyado pinagplanuhan at inabutan na rin si Pacquiao ng edad natalo siya sa laban kay Ugas, na higit na mas malakas. Ang plano lang talaga ay doon mismo sa Las Vegas ianunsyo ang kanyang ambisyon pagka Pangulo kung siya ang nanalo.
Bago ang laban nagkalat na ang mga t-shirt na may nakatatak na MAN of DestiNY, na kung pagsasamahin mo ang unang tatlong syllables (pantig) at ang huling dalawa naman ay lalabas na MANNY, ang palayaw ng Pambansang Kamao.
Kahit medyo namamaga pa ang mukha dahil sa laban kay Ugas nagpaunlak ng interview sa isang broadcaster at nagsabing “mag relax muna pag ok na ang lahat I will make an announcement…(which office to run for).”
May isang buwan pa siya para mag desisyon ngunit dahil humina ang kanyang political stock (una, dahil sa pagkabigong kontrolin ang PDP-Laban, at ikalawa, ang pagkatalo niya kay Ugas) mapipilitan siyang pag-isipan muli ang kanyang ambisyon—kung itutuloy ang pagtakbo bilang Pangulo o mag slide down sa Vice President, at kung anong partido ang aampon sa kanya sakaling itakwil siya ng PDP-Laban.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos sa biglaang pagtaas ng kaso ng Covid-19, ang isyu ay tila parang balewala lamang kay Pangulong Duterte ang lahat na, ayon sa mga political analysts, ay kontrolado ang kwentuhan, mula sa pagbanat sa kanyang mga kalaban sa pulitika, pagtatanggol kay Health Secretary Duque at ang senaryo nyang tumakbo bilang Pangalawang Pangulo. Kaya’t tingnan mo naman na kahit saang kalye sa Pilipinas ay pinag-uusapan ang kanyang pagtakbo, at ang masakit ay ito rin ay pinatulan ng oposisyon.
Aminin man o hindi ng oposisyon, ang matabil na dila ng Pangulo ay patok sa mga Bisaya lalo na sa mga nakatira sa Metro Manila at nakaka-relate sila rito.
Ngunit hanggang kailan kakagat o bibitaw ang publiko sa mga kwento ni Pangulong Duterte ay malalaman natin sa huling survey sa Setyembre. Kapag bumaba ang kanyang ratings ay mahihirapan na siyang mag endorso ng papalit sa kanya at kapag na maintain niya malaki ang tsansa ng mamanukin niya.
Sa ngayon kasi kontrolado pa rin ni Pangulong Duterte ang salaysay at kung saan niya dalhin ang usapan ay doon naka-focus ang kanyang mga katunggali. Ayon sa aking kaibigang political analyst (opo, may kaibigan akong political analyst) hindi maka-take off ang oposisyon sa kabila ng mga nararanasan natin ngayon.
Nao-obserbahan din niya na parang hindi makakonek nang maayos sa publiko ang mga spinner, speakers at maging ang mga pangunahing lider ng oposisyon. Sa ngayon kasi tila si Pangulong Duterte ang pangunahing topic at punching bag nila at hindi ang papalit sa kanya. Tila gusto naman si Digong na maging magnet ng oposisyon at ready siyang i-engage ang mga ito.
Ang obserbasyon sa oposisyon ng karamihan ay reactive sila kung ano ang sabihin ni Digong at hindi nila maikasa ang kanilang plataporma dahil sa ilang mga kadahilanan, isa na rito ang tamang mensahe at ang mensahero.
Tungkol naman kay Leni, na kasalukuyang humahabol sa mga survey, ay pinipilit pa rin palakasin ang oposisyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iba-ibang political party na kabilang sa oposisyon ngunit hanggang sa ngayon ilan na ang umatras.
Sa ngayon kasi, mukhang ilap pa rin ang ilang local politicians sa Liberal Party na kinabibilangan ng Pangalawang Pangulo kaya’t biglang lumutang ang dalawang dormant na political party—ang Aksyon Demokratiko na itinatag ni yumaong Raul Roco at Reporma ni dating defense Secretary Renato de Villa.
Ang Aksyon Demokratiko na kasama rin itinatag ni Jesse Robredo, ang yumaong asawa ni Leni Robredo , ay pinamumunuan ngayon nila Manila Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto samantalang ang Reporma ay parang kumikiling kay Pacquiao.
Ipinoporma rin ng kampo ni Leni ang sectoral support na inilatag ng mga Ateneo-based at Jesuit oriented social democrats upang magkaroon umano bandwagon na magpipilit sa kanyang tumakbo bilang pangulo. Ganito rin ang isinusulong ng ilang taga suporta ni Sara Duterte na may slogan na “Run, Sara, Run.”
Si Manila Mayor Isko Moreno naman ay mukhang umatras pansamantala sa kanyang mga pasaring sa Pangulo matapos makatikim ng pressure mula sa Malacanang. Mahigit isang linggo din siyang nawala sa ere matapos magpositibo sa Covid-19 kaya’t hintayin natin kung saan papalaot si Isko.
Ang kampo ni Bongbong Marcos ay tahimik lamang at mukhang kampante na sa kanyang ratings sa survey at mukhang handang makipag-ugnayan sa kampo ni Sara na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagdedeklara ng kanyang intensyon.
Kayo, ano sa tingin ninyo? Madadagdagan pa ba ang listahan? Isasama na ba natin si Senate President Tito Sotto at senator Dick Gordon sa karera?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]