ANG liderato na lang ng Philippine National Police ang ayaw umamin na tumataas na naman ang crime rate sa ilang panig ng bansa.
Nang ipatawag sila sa Senado noong isang linggo ay hindi raw 56 kundi siyam lang na mga kaso ng kidnapping ang kanilang natanggap na report.
Sinisi pa nila ang publiko na nagsasabing tumaas ang crime rate samantalang hindi naman daw nagrereport sa mga pulis ang mga nag-iingay ngayon sa social media at nagsasabing aktibo na naman ang mga kriminal.
Mismong ang dating PNP chief at ngayo’y si Sen. Bato Dela Rosa ang nagsabi na kulang sa asim at sigasig ang liderato ng PNP.
Hinamon pa nga niya ang grupo ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na magpakitang gilas naman.
Anuman ang aktuwal na bilang, kita naman sa social media at lalo na sa mga balita na balik na naman ang mga kriminal sa kanilang mga aktibidades.
Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng rape, patayan at illegal drugs, idagdag mo pa ang problema sa mga mukhang pugo na POGO operators na naghahari-harian din sa bansa.
Ayos sana ang inilunsad nilang police visibility campaign pero hindi naman ito consistent.
Sa tulad ko na araw-araw ginagabi sa daan ilang beses lang kundi man tsambahan lang ang presensya ng mga pulis na nakikita ko sa mga lansangan.
Para naman sa mga responsableng gun owners na gustong protektahan ang kanilang mga sarili sila rin ay pinapahirapan ng PNP.
Ilang linggo nang mahirap ma-acces ang Firearms and Explosive Office (FEO) portal ng PNP dahil laging offline.
Bukod sa panalangin na siya naman talagang pinakamabisang pantapat laban sa mga kampon ng kadiliman ay aasa na lang tayo na sana ay hindi tayo mapasama sa tumataas na crime statistics sa bansa.