SINO ang aayaw sa napakakagandang pangako ng dayuhang kapital at mamumuhunan? Ng zero tariff at regional competition? Ng transnational global value chain? Ng industrial growth at poverty eradication? Ng trade partnership?
Hindi ba’t narinig na nating ang mga terminong ito sa World Trade Organization (WTO) at General Agreement on Tariffs and Trade (GATT)?
Mabibigat na termino na iisa lang ang ibig ipakahulugan: Paglago ng pambansang ekonomiya o ng bawat ekonomiya ng lahat ng bansa sa daigdig.
Di pa man tayo tuluyang nakumbinsi ng WTO at GATT policies, heto at may pangakong “utopian” na mundo sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership or RCEP.
Ilang taon na ring pinag-uusapan ang konsepto ng RCEP. Noong 2013 nagsimula ang pag-uusap at negosasyon tungkol dito. By January 2020, ilang bansa na ang madaliang nag ratipika ng kanilang pag sang-ayon.
Setyembre 2021 noong niratipika rin ni Pangulong Duterte ang RCEP, subalit kailangan ang pag sang-ayon ng Senado bago ito tuluyang maging epektibo. Nakasalalay kung gayon sa kamay ng mga senador ng 19th Congress ang pormal na membership ng Pinas sa RCEP. Kailangan ang at least two-thirds (2/3) ng 24-member Senate na concurrence o pag sang-ayon bago maging binding ang nasabing international agreement.
Nasa 14 mga bansa ang kasali sa RCEP, kabilang ang Indonesia, Vietnam, Cambodia, Thailand, Singapore, Myanmar, Malaysia, Brunei bilang mga miyembro at China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand bilang partners. Nauna rito, sumali rin ang India subalit nag backed out ito sa takot na bahain ng dayuhang mga produkto ang nasabing bansa, at pangambang paglobo ng trade deficit nito.
On the homefront, ibinibida ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ang buting idudulot ng RCEP. Aniya, nakatakdang alisin ng RCEP ang mga balakid sa trade, masisiguro ang mas maayos na market access sa mga produkto at serbisyo, mas maraming pamumuhunan at potensyal na consumer base. Makikinabang sa murang bilihin at mas madaling palitan ng kalakal ang bansa, ayon din RCEP lead negotiator Allan Gepty.
Mas “friendly” ayon pa kay Gepty, ang ipapatupad na mga mekanismo sa pangangalakal, at magkakaroon ng malinaw at bukas na transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno.
Aww, dito na naman tumaas ang kilay ko. Kelan pa nangyari na transparent ang transaksyon sa pagpoproseso ng mga dokumento sa negosyo? Nawalis na ba ang red tape, ang gawaing paglalagay sa mga opisina ng gobyerno? Mismong mataas na opisyal ng ahensiyang may mandatong bantayan ang katiwalian sa mga ahensya ay naakusahan ng graft and corruption kamakailan lamang.
Ang ibig sabihin ba ng “friendly mechanisms” ay pagpapatuloy ng sistema ng katiwalian at pagiging bukas at mapagbigay sa mga dayuhang nais maglagak ng kapital habang ang mga lokal na negosyante ay pahirapan sa pag-aayos ng domestikong negosyo at dumaranas ng matinding diskriminasyon sa kanilang foreign counterpart?
Tutol ang may 60 organisasyon ng mga magsasaka, civil society organizations (CSOs) at 186 na mga alkalde sa naturang trade agreement.
“RCEP is an extreme form of trade liberalization where products will almost be traded tariff-free. For the Philippines, we are trading more than 1,700 products of which 75% will be traded tariff-free,” pahayag ng grupo.
Iginiit nila na dodominahan ng Tsina ang RCEP at nangangambang pababagsakin pa lalo ng malaking trade deficit ang halaga ng piso. Kung magkagayon, dehado ang Pinas dahil mapupunta ang malaking bulto ng foreign reserves nito sa pagbili ng dayuhang kalakal at pagbabayad ng dayuhang utang.
Sa loob ng 20 taon, magiging hostage ang Pinas sa mapanlamang na polisiyang ipapatupad ng RCEP. Sisipsipin ng malalakas na bansa gaya ng Tsina ang foreign reserves ng mga bansang mahihina gaya ng Pinas; lalawak ang trade deficit, at habang nakikinabang ang ibang bansa, ang Pinas na nanghihingalo na dahil sa systemic corruption ay lalo pang masasadlak sa kahirapan. Puro drowing lamang ang mga pangakong pag-unlad, at sa karanasan, kapag namemeligro ang kaban ng bayan, ang pinupuntiryang pagkukunan ng pampuno ay buwis sa gumagapang nang si Juan.
Hindi kailanman bumatay sa realidad at tunay na sitwasyon sa grassroots ang mga ekonomista ng bansa. Bulag sila sa kalagayan ng mga mga tunay na apektado ng liberalismo sa kalakal.
Sa importasyon na lang ng bigas, halimbawa, ang naaagrabyado ay mga lokal na magsasaka. Mahirap silang makipagkumpetensiya sa mas murang presyo ng imported rice. Ang kasalukuyang anti-local farmer policies sa importasyon ang maglilibing mismo sa mga magsasaka sa kanilang sariling mga palayan dahil sa kagutuman.
Lalo pang paiigtingin ng RCEP ang paghihirap na ito dahil ang pagpapababa ng dayuhang taripa sa mga sensitibong produkto gaya ng bigas, mais, isda at karne ay mangangahulugan ng pagaalis ng proteksyon sa lokal na mga produkto.
Theoretical o imaginary lamang ang ipinapangalandakang mga benepisyo ng RCEP, ayon sa Federation of Free Farmers (FFF).
Sa huli, anumang trade agreement na ipatupad, ang sukatan ng tagumpay nito ay nasa maingat at masusing deliberasyon sa mga usaping may kinalaman dito. Kailangan ang polisya ng pagkakapantay-pantay, pagtutulungan at malinaw na hakbang tungo sa pagsusulong sa pambansang kagalingan bilang pangunahing mga batayan.
Higit sa lahat, unang konsiderasyon dapat ang pagpabor sa lokal na produksyon na nakabatay sa organikong mga polisiya, at hindi nakabatay sa kapritso ng multinational corporations ng mga makapangyarihang mga bansa.
Kung ready-made at salat sa publikong konsultasyon ang kasunduan, asahan na ito ay maging pabor sa iilang makapangyarihan, at dehado sa tunay na dapat ay siyang makikinabang: ang taumbayan.
Bukas na ang Pinas dati pa sa foreign trade deals, pero imbes na maging maunlad, lalo pang nasadlak sa mas maraming utang-panlabas na ngayon ay nasa P12.68 trillion na as of March 30, 2022.
Ayaw nating ang RCEP ang maging huling pako na magbabaon pa lalo sa atin sa kasalukuyang libingan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]