Pinapatay ng reclamation projects ang Manila Bay

Upfront/Jay Julian

KAMAKAILAN ay nadaan tayo dyan sa bahagi ng Mall of Asia at CCP Complex. Napakarami nang pagbabago na maliban sa mga mga naglalakihang modernong gusali, kapansin-pansin din ang labis na pagsisikip ng trapiko sa lugar.

Ang higit na nakatawag-pansin sa akin ay ang pagkawala ng magandang tanawin ng Manila Bay, ang lugar kung saan naroroon ang isa sa may pinakamagandang sunset sa mundo.

Wala na ang tinatawag na seascape, isang tanawin na para bang idinisenyo sa isang kuwadro na may nangingislap na katubigan na sa malayo ay makikita ang naglalakihang barko habang lumulubog naman
sa kanyang likuran ang makulay na sinag ng araw.

Wala na ang tanawing ito dahil patuloy ang reclamation project na isinasagawa sa lugar na ayon sa Philippine Reclamation Authority (PRA), kalahati pa lamang ito ng 22 reclamation projects na nakaplano sa Manila Bay.

Ang SM Group ang isa sa sinasabing pangunahing may proyekto dyan dahil taong 2013 pa lamang ay nakuha na nito ang ang isang Public-Private Partnership (PPP) contract para sa 300-hectare reclamation
project katuwang ang lokal na pamahalaan ng Pasay.

Kaya’t huwag magtaka kung bakit napakaagresibo ng reclamation dyan sa bahagi ng SM Mall of Asia hanggang sa CCP area.

Naging tampulan na lang din ng biruan ang isang establisimiyento dyan sa tabi ng Sofitel. Sa halip na tawaging Seascape, dapat na umano itong tawaging Landscape dahil wala na ang dagat na nasa harapan nito na siyang dinadayo ng mga parukyano na kumakain sa hanay ng mga restaurants dyan.

Hindi ko rin tiyak na isa rin ito sa mga dahilan ng pagsasara ng Sofitel. Wala na ang magandang tanawin na iniaalok nito sa mga bisita.

Isa ring tycoon na nagmamay-ari ng Waterfront Manila Premier Development ang nakakuha naman ng isang kahalintulad na proyekto sa isa pang bahagi ng Manila Bay.

Kung hindi ako nagkakamali, ito naman ay nasa bahagi ng Maynila. Naging kontrobersyal pa ito kamakailan dahil sa pag-aapruba ng PRA sa kahilingan ng kompanya na huwag na silang pagbayarin ng regulatory fees at nang masimulan na ang P34.3-billion project.

Habang nakikita natin ang nagaganap na reclamation dyan sa Manila Bay, tila wala nang atrasan ang pagpapatuloy ng mga reclamation projects na ito na kung hindi ako nagkakamali ay minsan na ring pinigil ni dating Pangulong Duterte. Hindi natin alam kung lahat ng mga napahinto noon ay nabigyan na rin ng go-signal na magpatuloy.

Ang reclamation projects kung susuriin ay may maganda namang layunin lalo pa sa isang urban area tulad ng Metro Manila na patuloy na sumisiikip sa dami ng tao, sasakyan, at iba pang may kaugnayan sa urbanisasyon.

Hindi lamang nito layuning itulak ang dagat at palawakin ang lupa para makalikha ng mga oportunidad tulad ng mga karagdagang investment na lilikha ng mga trabaho para sa mga naninirahan sa Metrio Manila.

Subalit sa kabilang banda, hindi rin natin dapat talikuran ang katotohanan na sa likod ng isang magandang hangaring ito ay nakahihigit ang negatibong dala nito sa ating kapaligiran.

The environmental repercussion outweighs the benefits that these multinational developers and government regulators are claiming to be bringing for the economy. We’re not only talking about losing the beauty of Manila Bay sunset.

Mukhang nakalimutan natin na ang Manila Bay ay isang coastal area. Mismong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nagsabing ang Manila Bay ay isang napakahalagang biodiversity area na nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang uri ng hayop, lalo na ng marine species. Direktang tinatamaan nito ang fisheries industry sa lugar na iyan.

Ayon nga sa isang report, iyong tubig sa Manila Bay na pinangingisdaan ay naging maputik at maging ang kulay ng tubig ay nagbago na rin nang simulan ang dredging at pagtatambak diyan. Ito ngayon ang pinangangambahan kung ano ang magiging kinabukasan ng mga isda sa lugar na iyan, kasama na rin ang mga mangingisda na tanging pangingisda ang ikinabubuhay.

Iyong usapin ng kaligtasan sa pagtatayo ng isang modernong lugar sa mga reclaimed area ay isa pang dapat na matiyak. Tatalakayin natin iyan sa hiwalay na araw.

Ang tanong ngayon, kaya bang balansehin ang reclamation at rehabilitation ng Manila Bay?

Kung ikaw ang investor at ahensya ng gobyerno na nagsusulong, maaaring sabihing pupuwede. Subalit sa katotohanan, tila imposible na pagsabayin ang dalawa nang hindi makokompromiso ang isa. Malaki itong hamon para sa administrasyong Marcos, na ayon sa balita ay nag-utos na ng suspension ng reclamation projects habang nirerepaso ang environmental at social impacts nito, gayuindin kung nasunod ang mga regulasyon para magpatuloy ang mga proyektong ito.

Subalit hanggang sa ngayon ay wala pa raw opisyal na kautusan patungkol dito ang Pangulo. Ito marahil ang dahilan kaya nagpapatuloy ang aktibidad dyan sa reclamation sa Manila Bay. Nakaantabay ang taumbayan.