PAANO na kayo ngayon mamili ng gamit, pagkain, at iba pang pangangailangan? Pumupunta pa ba kayo sa mga mall o grocery? O umoorder na lamang gamit ang gadget?
Kompetisyon na ito ng virtual at aktwal shopping. Tingnan natin alin ang higit na maganda sa dalawang sistema ng pamimili.
Malling o Aktwal na Pagpunta sa Pamilihan
Ano ang mga benepisyo nito? Una makikita nang personal ang gustong bilhing item. Pagkain man, damit, sapatos, gamit sa bahay, cosmetics, at kung anu-ano pang produkto.
Makikilatis, mahahawakan o maisusukat kung damit, bag,o sapatos o kahit alahas o luxury items ang nais bilhin.
Masusuri ang materyales na ginamit kung matibay.
Sa pagkain naman, makikita kung may kalidad, mababasa ang ingredients; maging sa gamot o cosmetics, mahalagang nasusuri ang mga sangakap na ginamit at expiry date ng produkto.
Nakikita kung may harmful o kwestionableng sangkap sa pagbuo ng produkto.Makikita nang personal ang bibilhin.
Meron kasing kaganda sa advertisement pero pangit pala sa personal. Parang photoshopped na picture ng girlfiend o boyfriend sa FB, pag nakita nang personal, feeling mo nabudol ka!
Nakasisiguro na yung napiling produkto ang babayaran at maiuuwi sa bahay. May katiwasayan na di nasayang ang perang ipinambayad sa pinamili.
Ang downside nito, matatrapik, magastos sa pasahe o gasolina, ubos ang oras, pwera na lang kung malapit ang mall o katabi na ng iyong tirahan.
Puede rin namang aliwan o pampaalis ng stress o pagkabagot ang pagpunta sa mall o palengke. ‘Yan ang tinatawag na retail therapy.
Online Shopping
Tipid sa oras sa pamasahe o gas, di matatrapik, kahit nasa bahay o kung saan man ay napaka convenient ang pamimili.
Click ka lang nang click sa items na napili mo. Puedeng matantya kelan gustong makuha ang inorder at kung saan gusto ipadeliver, puedeng sa bahay o sa opisina.
Madali ring makontrol ang “impulse buying” o yung pabigla-biglang desisyon sa pamimili dahil maaring ikansela o huwag muna i-confirm ang order. May oras para mag-isip kung talagang yun na ang item na gustong bilihin.
Makakapamili rin ng seller. Makikilatis kung marami nang buyers ang natuwa sa produkto; kung may 5 stars rating, o kung budol o manloloko ang seller at peke ang produkto.
Kahit paano, may proteksyon ang namimili. Puedeng isoli o papalitan ang produktong inorder. Depende ito kung reliable ang online selling platform.
May nakakalusot ding balahurang sellers gamit ang mga sikat na platforms. Nabayaran na sa rider ang item pero nang buksan ang parcel, ibang item na mumurahin ang laman! O kaya’y pangit na produkto ang ipinadala, taliwas sa inorder mo!
Makakapagmura ka sa ganitong sitwasyon. Nakaka highblood, stressful, ika nga. Mabuti kung responsive o sumasagot ang seller sa reklamo. Marerefund o mapapalitan ang idiniliver na item.
Tunay ngang may pros at cons ang actual at virtual shopping.
Tiwala o credibility ang susi sa online selling. Kung honest sa buyers ang online seller, dadami ang customer nila.
Ikaw, ano bang mas bet mo?